Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Cover Focus

The World Between Alden Richards and Jasmine Curtis-Smith

Unang nagkasama sina Alden Richards at Jasmine Curtis sa pelikulang “Imagine You and Me”. Sa pelikulang ito ay magkatambal sina Alden at Maine Mendoza noong kasagsagan pa ng Aldub Kalyeserye. Ang tambalang nagwasak ng halos lahat ng rating sa mundo ng telebisyon. Kumbaga, ang baguhang tambalan ay nagpataob sa mga naglalakihang loveteam.

Nag-umpisa sa kalyeserye ng Eat Bulaga hanggang sa nabuo ang kanilang tambalang Aldub. Nagtagal rin ang kanilang samahan hanggang napansin ng kani-kanilang managers na masyado na silang identified sa isa’t isa at inaalala nila na mag lie low at sumubok sila ng ibang partners para maging mas malawak ang takbuhin ng kani-kanilang career.

Sa totoo lang, si Alden ay kilala na bago pa mabuo ang ALDUB at pumasok sa showbiz si Maine pero ang kanilang tambalan ang mas lalo pang nagbigay ningning sa bituin ni Alden. Hindi man nagustuhan ng mga diehard ALDUB fans ang paghihiwalay nina Alden at Maine ay mayroon namang mga tagahangang tinanggap ang kanilang paghihiwalay at pakiki tambal sa ibang artista.

Bago mag-pandemic ay nagkaroon ng pagkakataon ang higanteng movie outfit, Star Cinema, sa pakikipagtulungan ng mga boss ng GMA Network, na i-produce ang kaisa-isang pelikula na nagwasak ng box office sa buong mundo. Umabot ng halos 1 bilyon ang kinita ng “Hello, Love, Goodbye” na pinagtambalan nina Alden Richards (GMA 7) at Kathryn Bernardo (ABS-CBN).

Marami ang nagpalakpakan, nagtilian, naghiyawan at kinilig mula sa iba’t ibang panig ng mundo dahil maganda ang chemistry na ipinakita nina Alden at Kathryn sa silver screen.
Umaasa silang magkakaroon ng sequel ang naturang pelikula at siguradong dudumugin ulit ito kahit na panahon ng pandemic ay hindi mapipigil ang kanilang mga tagahanga na panoorin ito.
Samantalang si Maine Mendoza naman ay nagkaroon rin ng pelikula na katambal naman si Carlo Aquino na pinanood rin ng marami, ang pelikulang “Isa Pa With Feelings.”

Pagpapatunay lamang na kahit na sino ang katambal nina Alden at Maine ay siguradong magugustuhan ito ng mga tagahanga.

Since pangalawang pagkakataon na ito na magsama sina Jasmine at Alden ay gamay na nila ang isa’t isa at naging mabuti silang magkaibigan.

Hindi na sila nagkahiyaan, at komportable na sila sa bawat eksena nila. Maging sina Dina Bonnevie at Jaclyn Jose ay nakitang maganda ang rapport nina Alden at Jasmine at lagi silang handa sa bawat eksena at hindi na kailangan pang paulit-ulit na praktisin ang linya nila.

Sa sobrang pagiging komportable nila sa isa’t isa ay may magtatanong tuloy na baka mayroon nang nangyayari between Alden at Jasmine. Mabilis naman itong pinabulaanan ng dalawa, anila ang kanilang relasyon ay purely professional. Kung anuman ang na-develop sa kanila ay yung pagiging magkaibigan nila ay lalong lumalim kung kaya naman mas lalo gumanda ang chemistry nila at maganda rin ang registration sa TV screen.

Pagkatapos kasi nilang magkasama sa pelikulang Imagine You and Me ay nag-test ang pamunuan ng GMA 7 upang pagsamahin naman sila sa telebisyon sa pamamagitan ng I Can See You teleserye at ito na ang umpisa ng kanilang magandang pagsasamahan sa telebisyon.

Ilan sa mga tagahanga ni Alden (mula sa ALDUB nation) ay hindi nagustuhan ang ginawang hakbang ng pamunuan ng GMA 7 dahil nagbanta silang i-boycott ang naturang drama serye pero mayroon din namang sumuporta all the way kay Alden dahil mas gusto nilang iba’t iba ang kapareha ng binata. Since nakita nila na nagtugma ang personalidad nina Alden at Jasmine ay ibinigay nila ang kanilang 100% support sa kanilang idolo.

Sa kasalukuyan ay patuloy na ipinalalabas ang teleseryeng The World Between Us at humahataw rin ito sa ratings. Kung ano pa ang magiging plano ng bigwigs ng GMA 7 para kina Alden at Jasmine in the future ay wala pang nakakaalam.

Lalo pa at nakapasok na sa bakuran ng GMA Network ang ilang Kapamilya stars ay siguradong maraming proyekto ang naghihintay para kina Alden at Jasmine na makasama ang mga dating Kapamilya stars at nariyan na rin si Mr. M (Johnny Manahan) who is willing to work with all the precious stars ng GMA 7 ay kaabang-abang ang mga susunod na mangyayari.

Ayon pa rin kay Alden, itinuturing niyang ang The World Between Us ay pinakamalaking challenge dahil sa pagiging “dark” ng kanyang role. Meaning, hindi mo siya maiko-consider na good boy (katulad ng mga nakaraan niyang roles) dito sa drama-romance na ito.
Kung bakit hindi good boy ay yun ang tutuklasin ng mga manonood.

Para naman kay Jasmine, aminado siyang hindi siya nakaligtas sa pambabash ng mga tagahanga nina Alden at Maine (ALDUB) dahil siya ang napiling katambal ni Alden sa ilang projects ng GMA 7, pero ayon na rin sa kanya, na-outgrow na rin ng mga tagahanga nito at iniisip nila na hindi habambuhay na sina Alden at Maine na lang ang magkatambal, kailangan nilang palawakin ang kanilang horizon at itambal sa iba’t ibang personalities.

Hindi na rin naman nagpapa-apekto si Jasmine sa mga patutsada ng ilang tagahanga na ayaw sa kanya, ang ginagawa na lamang niya ay mag-concentrate sa trabaho at maging propesyonal at gampanan ang tawag ng role niya.

Tulad ni Alden, thankful din si Jasmine na makasama niya sa naturang teleserye ang mga batikang artistang tulad nina Dina Bonnevie, Jaclyn Jose, Tom Rodriguez at sa pagdi-direk ni Dominic Zapata.

Sa mundong ginagalawan nina Alden at Jasmine hindi malayong magbago ang takbo nito, who knows, baka sa future, ang kanilang tambalan ay mauwi sa totohanan. Panahon lang ang magsasabi pero sa ngayon ay aminado silang matalik silang magkaibigan at masaya silang kasama at katrabaho ang isa’t isa.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *