Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Cover Focus

‘The Stepdaughters’: Tagisan ng Pagmamahal sa Pamilya at Minamahal

Kagandahan, panibugho at pag-ibig ang tinatalakay ng teleseryeng “The Stepdaughters” na pinagbibidahan nina Megan Young at Katrina Halili. Ito ay istorya ng dalawang babae na kapwa maganda at matalino na itinalaga ng tadhana upang maging magkaribal.

Si Megan bilang Mayumi Dela Rosa. Maganda, intelihente at degree holder na nangangarap din na magkaroon ng sariling makeup product line.

Si Katrina bilang Isabelle Salvador. Nag-iisang anak na spoiled brat at mahilig sa atensyon. Nagma-manage ng isang makeup line, ang Coco Bella, na pag-aari ng kanyang pamilya.

Si Mikael Daez bilang Francis Almeda. Gwapo, ismarte at nagtatrabaho bilang head product engineer. Nakilala niya si Mayumi at umibig siya rito kahit na pinapaliguan na siya ng sobrang pagmamahal ni Isabelle na naghihintay pa rin na ibalik ang pagmamahal na hinihiling niya mula kay Francis.

Sa simula pa lang ay hindi na magkasundo sina Mayumi at Isabelle na mag-stepsisters. Ang ina ni Mayumi na si Luisa ay muling nag-asawa at ang napangasawa nito ay ang ama ni Isabelle na si Hernan.

Kabilang sa iba pang cast ng “The Stepdaughters” sina Gary Estrada bilang Hernan Salvador, Glydel Mercado bilang Luisa dela Rosa, Allan Paule bilang Mario Dela Rosa, ama ni Mayumi, Angelu De Leon bilang Brenda Salvador, ina ni Isabelle, Sef Cadayona, Samantha Lopez at Dion Ignacio.

Ang teleserye ay idinirehe ni Paul Sta. Ana kasama ang creative team na kinabibilangan ng creative director na si Roy Iglesias, Aloy Adlawan, Geng Delgado, J-mee Katanyag, Kutz Enriquez, Evie Macapugay, Wiro Michael Ladera at Nehem Dallego.

Megan Young

Kapag nasa showbiz ka, kailangan maging versatile ka. Kasehodang may alitan kayo sa tunay na buhay at kung magkasama kayo sa isang teleserye, dapat ay isantabi ang inyong alitan. Sa kaso nina Megan Young at Katrina Halili ay wala naman silang issue sa isa’t isa dahil maganda ang kanilang working relationship.

Pabirong hirit ni Megan, Si Kat yung marshmallow ko. Palagi akong nanggigigil sa kanya.” May nagbiro nga na baka nagpaplastikan lamang sila dahil nasa harap sila ng camera. Napatawa ng malakas si Megan at sinabi niyang maayos talaga ang relasyon nila ni Katrina. “And makikita ninyo naman yun sa scene. Makikita niyo ang chemistry. For me, kung ilang ako sa isang tao, makikita yun,” pag-amin ni Megan.

Sabi pa niya na magkaibigan sila at kumportable sa isa’t isa kaya naman maayos ang takbo ng taping nila ng nasabing teleserye. Ika nga, walang ilangan. “And for me, that really helps na maayos kayong magtrabaho, maganda ang working relationship ninyo.

Marami pang magagandang bagay na isiniwalat si Megan ukol sa kanyang co-star, thoughtful daw ito dahil nagdadala ito madalas ng kanyang bine-bake na cookies sa set at sa totoo raw ay mahiyain si Katrina at malambing. Totally opposite raw sa nakikita ng mga tao on screen na maldita at mataray. “Ate” ang turing nila kay Katrina dahil maalaga ito hindi lang sa co-stars kundi pati sa staff and crew. Ang sumatotal ng personalidad na pagkaka-describe sa kanya ni Megan ay “sweet person.”

Sa dami ng achievements ni Megan, bilang actress, co-host, model at beauty queen (Miss World 2013) sobra siyang naging busy. Kumusta naman ang love life ni Megan? Bukas na aklat ang love life ni Megan na napasantabi nang nahirang siyang Miss World 2013 sa dami ng kanyang commitments ay halos wala na siyang oras sa kanyang sarili lalo na sa kanyang buhay pag-ibig. Pero marami ang humanga kay Mikael dahil tahimik lang siya at hindi na umeksena nung mga panahong yun. Ibinigay niya ang spotlight sa kanyang girlfirend at alam niya ang mga responsibilidad na nakaatang sa balikat nito bilang Miss World. Hindi biro sa showbiz na mapanatili nang matagal at tahimik na relasyon lalo pa kung parehong nasa showbiz.

Kahit pwede na silang magpakasal ay hindi sila nagmamadali. Lahat daw yan ay darating sa tamang panahon at ayaw nilang i-rush ang kanilang sarili sa isang bagay na alam nilang sagrado. Sa ngayon ay ine-enjoy nila ang isa’t isa at masaya sila.

Sabi ni Megan na walang pressure sa kanilang relasyon at nakatuon ang kanilang isipan sa kanilang trabaho at kung dumating ang tamang panahon ng pagpapakasal ay yun na yun.

Katrina Halili

Mataray, matapang, maldita, kinaiinisang kontrabida sa mga teleserye ng GMA network, yan si Katrina Halili. Nag-umpisa siya sa reality TV show na “Starstruck”. Ito ang naging stepping stone niya upang makilala sa mundo ng showbiz. Pagkatapos ng “Starstruck” ay naging guest siya sa iba’t ibang teleserye sa GMA 7 at dito ay lumutang agad ang acting ability ni Katrina. Hindi nahirapan ang managament na i-cast siya bilang kontrabida dahil effective ang kanyang pag-arte. Mahusay si Katrina, yung facial expression niya at pagde-deliver ng linya ay magaling. Kaya naman mula noon hanggang ngayon ay contract star pa rin siya ng kanyang mother studio dahil may tiwala ang management sa kanya. Ok lang din kay Katrina kung ma-type cast siya bilang kontrabida dahil mas challenging ang mga ganitong roles kaya naman kasama na siya sa in house season kontrabida ng naturang network kasama sina Celia Rodriguez, Cherry Gil, Gina Alajar at Jaclyn Jose.

Kumusta naman ang pribadong buhay ni Katrina? Hindi lingid sa lahat na siya ay may isang anak kay Kris Lawrence. Ayon sa kanya ay maayos naman sila ng dating boyfriend at dinadalaw nito ang kanilang five-year old child na si Katrence at hindi kinakalimutan ni Kris ang obligasyon niya bilang ama ni Katrence. Wala namang issue sa pagitan nila ni Katrina at masaya naman si Kat sa ganito. May nagtatanong kung hindi ba siya naghananap ng karelasyon at sabi niya ay bata pa siya at busy sa pag-iipon para sa kinabukasan at kapag daw settled na ang kanyang future ay saka lamang niya pagtutuunan ng pansin ang kanyang love life.

Kahit maraming umaaligid at nagpaparamdam sa kanya ay hindi niya ito pinapansin dahil hindi pa siya ready na umibig ulit. Natuto na siya from her past experience. Ayaw na niyang mangyari yun, ang gusto niya ay mas matured na approach sa pakikipag-relasyon. Ang pag-aasikaso sa kanyang anak, sa kanyang sarili at sa future nila ang pinagtutuunan ng pansin ni Katrina. Bukod sa showbiz ay may negosyo rin naman si Kat na galing sa kanyang pinagpaguran at marami ang humahanga sa tatag ng kanyang paninindigan na harapin ang responsibilidad bilang isang single mom.

Siguro next time, makakahanap din ako ng taong magmamahal sa akin pag mahal ko na ang sarili ko,” ani Kat. Love comes from an unexpected place and time, ika nga.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *