Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Wholesome

Season of New Beginnings

Kung magtatanong ka sa mga taong naninirahan sa mga bansang may 4 na season kung anong season ang pinaka-gusto nila, ang sasabihin nila ay ang Spring o Tag-sibol. Ang feeling kasi ay magical. Bakit magical? Kase punumpuno ng bulaklak ang kapaligiran, iba’t ibang kulay at mahalimukyak ang amoy. At sa panahon ding ito mo mararamdaman ang pagbabago ng dapyo ng hangin. Mula sa malamig hanggang sa medyo mainit na hangin na nagbabadya na ang tag-araw ay nasa paligid lang.

Para sa karamihan, ang spring ay nagpapahiwatig ng pagbabago o pagsisimula. Sa ganito tayo naka-konekta sa buong daigdig. Ang pag-ikot ng mundo, at kapaligiran, tayong mga tao ay sumusunod sa agos at dito mo makikita ang pagkakaisa ng sangkatauhan at sansinukob. Habang nagpapalit ang panahon sa pag-ikot ng mundo ay nagbabago rin ang takbo ng buhay ng tao.

Kailangan nating tanggapin ang pagbabagong iyon, imbes na labanan natin, tayo ay dapat sumunod sa agos ng pagbabago. Ang sakit at trauma na naranasan natin nitong nakaraang lockdown dahil sa pandemic, kailangan nating iwan at harapin ang bagong pag-asa na naghihintay sa atin. Ang buhay pagkatapos ng covid-19 pandemic ay hindi na magiging pareho ng dati. Ibig sabihin, hindi na natin pwedeng balikan ang nakaraan. Nagsisimula na tayo patungo sa katapusan, hinihintay natin ang bagong buhay. At sa pagbabagong ito, nangangailangan ng ating pag-aadjust sa bagong buhay na ating sasalubungin. At dahil dito, maraming magiging pagbabago ang dapat yakapin ng tao, industriya at pamahalaan.

Bahay vs Rental Apartments

Makikita natin ang nagtataasang building na idinisenyo para makakuha ng mas maraming occupants. Nakalimutan ng mga negosyante at inhinyero ang kalusugan at hygiene ng bawat tao o opisinang mag-ookupa sa bawat kuwarto. Naramdaman lang ang kahalagahan ng proper hygiene at health scare noong panahon ng pandemya, ang high rise buildings, condo, apartment na ito ang isa sa contributors ng pagkalat ng covid-19. Sama-sama ang mga tao, dikit-dikit kapag sumasakay sa elevator, ang elevator button, handle ng pintuan, lahat ng sulok ng building, lahat ng mga yan ay factor upang kumalat ang covid-19 virus.

Pagkatapos ng forced self-isolation, napagtanto ng karamihan ang kahalagahan ng hindi pagsasama-sama sa iisang maliit na kuwarto ng opisina, o apartment o elevator. Mas gugustuhin na nilang bumili ng bahay.

Ano nga ba ang dahilan kung bakit bumibili ng house and lot? Ito ay ang safety haven ng isang pamilya. Sa bahay, ikaw ay ligtas. Maliit man ay ligtas ka pa rin sa kung anumang nakaambang panganib. Naging effective ito sa mga pamilyang may sariling tahanan dahil walang nakapasok na ibang tao kundi sila-sila lang sa panahon ng lockdown. Parang bumabalik ka lang sa probinsiya, walang masyadong matataas na building apartment, ang makikita mo ay bahay na may maliit na garden o bukid sa paligid.

Self-sufficient power and water

Ang mga gusali ng kinabukasan ay may maipagmamalaki dahil sila ay mas independent sa parteng mayroon silang sariling water and heat sa kanilang building. Pero kung ang pag-uusapan naman ay sa sariling bahay, ano ang pwede nitong i-offer para mas kumportable at safe kang mamuhay? Mayroon na ngayong Geothermal wells (klase ng balon na pwedeng pagkuhanan ng init at tubig sa pamamagitan ng enerhiya na nakukuha sa ilalim ng lupa gamit ang makabagong teknolohiya). Bukod sa heating ay nakakapag-provide din sila ng tubig. Maraming iba’t ibang pwedeng panggalingan ng heating, halimbawa ang cooking stove, ang fireplace, fuel boiler at pati solar panels. Marami kang makikitang mga tahanan na may nakalagay na solar panel sa kanilang bubong para makakuha ng enerhiya para sa ilaw. Ang layunin nito ay upang hind ka nangangapa sa panahon ng full shutdown na halos naranasan kapag may dumarating na bagyo o iba pang natural disasters.

Tahanan ang bagong opisina

Noong panahon ng lockdown, lahat ng mga empleyado ay nag-work from home sa loob ng halos 1 taon. Ngayong nagbukas na muli ang mga opisina, sino ba ang makikipag-unahan pumasok sa opisina gayong pwede namang gawin ang mga gawaing pang-opisina sa loob mismo ng sariling tahanan. Bukod sa benefits na nagawa nito, safe sa bahay, mas nabawasan ang gastos sa gasolina, bawas din gastos sa lunch kapag pumapasok ka sa opisina at puro lutong bahay ang kinakain at mas may oras ka sa pamilya. Pero mayroon din naman mga malalaking kumpanya na mas gusto nila ang kanilang mga empleyado na bumalik sa opisina pero mas bago na ang environment. Kailangan ay mayroong distansya at hindi dikit-dikit ang working table.

Urban farming goes global
Dati ang akala ng iba ay pang-trendy lang ang pagtatanim pero naging popular ito nitong panahon ng lockdown. Natuto ang lahat sumunod sa trend. Nag-trend ang plantito at plantita. Pag-aalaga ng maliit na halaman. Ang layon nito ay upang ma-relax ang isipan ng mga taong na bo-bored dahil halos wala silang magawa sa loob ng bahay, kaya para maging kalmado ang kanilang isipan at paligid ay natuto silang sumunod sa pinagkaka-abalahan ng iba, ang paghahalaman.

Magandang makita mo na makakain mo ang iyong sariling itinanim. Ang quarantine ay masasabi nating pinaka-mainam na panahon upang pag-aralan mabuti ang pagtatanim at isiping magbalik sa basics tulad ng nasa probinsiya na nagtatanim ng gulay at prutas sa likod bahay. Kahit nasa multi-story building ka ay pwede kang mag-alaga ng fruit-bearing plants at gulay na ihahain sa hapag kainan.

Pagtanggi sa mga Industriyang nagbubuga ng Polusyon

Maraming nakakita sa mga larawan na kumalat sa internet kung saan ang nakalagay ay New Sky over China. Nakita ang malinis na paligid na walang bahid ng usok. Ang kalangitan ay kulay asul. Hindi lang sa China kundi maging sa maraming lugar sa buong mundo. Ang lockdown ay nagdulot ng pagpapahinga sa ating kapaligiran mula sa usok ng polusyon na gawa ng mga factory o industriya. Marami ang natuwa dahil mas mas masarap huminga kung malinis ang hanging iyong nalalanghap. Bukod dito ay marami pang matutuklasan habang ang pagbabago ng mundo ay nariyan na at naghihintay na lamang ng pagkakataon pumasok sa ating bagong buhay.

At habang hinihintay natin ang bagong buhay, ipagpatuloy natin ang lahat ng health protocols na inihatag sa ating ng ating pamahalaan para maging safe pa rin tayo at ang mundong ating ginagalawan.