Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Cover Focus

Robin Padilla: Si Utol sa Senado

Nang mag-file ng candidacy sa pagka-senador si Robinhood Padilla a.k.a. Robin Padilla ay maraming nagtaas ng kilay dahil iniisip nilang isa na naman ito sa mga artistang gustong makilala rin sa larangan ng pulitika pero wala rin naman ginagawa at nagmimistulang palamuti lamang.

Sa totoo lang naman, hindi man lahat pero may ilang mula sa mundo ng showbiz ang tumakbo sa pulitika pero may sariling agenda at nalilimutan ang kanilang mga pangako sa kanilang nasasakupan.  May ilan ding umabuso sa kanilang katungkulan, pero may ilan ding naging tapat kaya naman hanggang ngayon ay nakaupo pa rin at patuloy na nagsisilbi sa kanilang bayan.

May kumuwestiyon sa kakayahan ni Robin Padilla na maging isang public servant dahil hindi na rin lingid sa lahat ang kanyang nakaraan.  Hindi naman ito ikinakahiya ni Robin,  aminado siya sa kanyang nakaraan at siya mismo ang tumatawag sa kanyang sarili na isang ex-convict.  Pero ang mga tao ay mapagpatawad at madaling makalimot lalo pa’t nakikita nila ang effort ng isang Robin Padilla na magpakatino at gumawa ng mas makabuluhan sa buhay.  Hindi man nare-report ay isang matulunging tao si Robin sa kapwa at ito ay pinapatunayan mismo ng mga taong kanyang natutulungan.

Naging avid supporter siya ni Pangulong Duterte at ipinaglalaban niya ito kahit saan pa makarating. Naroong na-bash na rin siya ng ilang netizens dahil sa mga salitang binibitiwan niya sa mga tumutuligsa sa pamahalaang Duterte.  Marahil ay napagisip-isip niya na mas mabuting tumakbo siya sa pulitika para mas magawa niya ang gusto niyang mangyari o iparating sa tao.

May mga ilang pulitiko ang bumatikos sa kanyang hangaring baguhin ang batas patungo sa pederalismo, ika nila, hindi ito madali lalo pa at maselang bagay ang usaping pagpapalit ng batas.  May ilan din sa kasamahan ni Senator Robin na senador na mas mabuting pag-aralang mabuti ang kanyang gagawin dahil hindi birong oras at panahon ang gugugulin mo upang maipasa ito.  Ani Robin, makakatulong sa kanya ang kanyang kaibigang si Atty. Sal Panelo upang unti-unting balangkasin ang kanyang nilalayong baguhin ang batas.

Para naman maging fair,  sa isang bagitong senador na tulad ni Robin ay hindi mo maaalis ang kanyang pagiging mapusok sa pananalita dahil nakita at naranasan niya sa mga  dating pulitiko na halos walang ginawa sa kanilang termino kundi maupo lamang at makinig at makiayon.

Maraming umaasang malalagpasan ni Robin Padilla ang tinatawag na baptism of fire sa senado kung saan magigisa ka sa sarili mong mantika.  Alam nating maraming dapat patunayan si Robin hindi lang sa senado kundi sa mahigit 20 milyong Pilipino na bumoto sa kanya, at alam naman ng kanyang mga nasasakupan na hindi niya sila bibiguin, ibibigay niya hindi lang 100 kundi 101 percent na kanyang pagiging serbisyo publiko.

Taos pusong nagpapasalamat si Senator Robin Padilla sa lahat na nagtiwala sa kanya at sumuporta sa kanya sa panahon ng kanyang pangangampanya.

Ngayon ay umpisa na para sa tunay na aksiyon sa buhay ng isang Robin Padilla.  Mabuhay ka, Robin, ang ating Utol sa Senado!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *