Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Miscellaneous

Positibong Epekto ng Pandemya (Covid-19) sa Kalikasan at sa Pamilya

Mahigit isang taon na ang lumipas nang halos ang buong bansa ay sumailalim sa mahigpit na lockdown. Bawat lider ng bansa ay nag-utos ng mahigpit na bawal lumabas ng kani-kanilang tahanan lalo na kung hindi kinakailangan. Maraming nagsarang malalaking at maliliit na kumpanya. Pansamantala rin na parang tumigil ang mundo natin at hindi natin alam kung ano ang susunod na mangyayari.

Hanggang sa matapos ang ilang buwan ay unti-unti nating natatanggap ang new normal sa buhay natin. Ang pagsusuot ng face mask, gloves, face shield. Ang palaging paghuhugas ng mga kamay o proper hygiene at pagdala ng alcohol at santizer.

Pero kung ating babalikan ang strict lockdown ay maraming nakapansin, na sa pagdungaw mo sa bintana, makikita ang napakagandang tanawin, ang kulay bughaw na langit (blue sky) na sa matagal na panahon ay hindi nila nasilayan. Ang amoy ng hanging sariwa na matagal nilang hindi nalanghap. Bakit nagkaganito? Dahil ilang buwang walang sasakyan na nasa labas na nagbubuga ng usok at ang usok mula sa mga industrial companies na tumigil din sa operations. Ang usok na nagdudulot ng masamang epekto sa kalusugan ng bawat nilalang. Ito ay ilan sa masasabing nating magandang epektong naidulot ng pandemic sa lipunan.

Anu-ano nga ba ang mga positibong naging epekto ng kasalukuyang pandemya sa atin?

I. Kalikasan

Alam nating lahat na ang problema sa polusyon sa buong mundo ay mahirap masolusyunan dahil sa maraming makabagong teknolohiya na gumagamit ng iba’t ibang industrial at mechanical equipments na nagbubuga ng usok na sanhi ng polusyon.

Ang “unhealthy air” na unti-unting pumapatay sa sangkatauhan at nagtataglay ng dangerous pollutants kung kaya nagdudulot ng iba’t ibang sakit tulad ng sakit sa puso, stroke, lung cancer, chronic lung diseases at respiratory infection. At hindi lang ang hanging na ating nalalanghap ang naaapektuhan kundi maging ang kalidad ng tubig na ating iniinom. Aminin man o sa hindi ang malalaking industriyang ito ay parte ng pagsira ng ating kalikasan.

Masakit man tanggapin, ang nakaraang lockdown na dahil sa Covid-19 ay kahit paano “NAKATULONG” upang mabawasan ang tinatawag na polusyon sa buong mundo. Dahil hindi lumalabas ito ay nakapagbaba ng level ng pollutants sa buong mundo. Ang toxic gas na inilalabas ng mga sasakyan at factories ay nawala o nabawasan dahil tigil lahat ang operasyon.

Maraming reports ang lumabas na habang sa panahon ng lockdown, hindi lamang ang kalidad ng hangin ang nagbago kundi maging ang ilog at dagat ay nagkaroon ng improvement. Ang pagtigil ng operasyon ng mga industriyang nagtatapon ng industrial waste ay natigil at ito ay nagkaroon ng positive effect sa kalidad ng tubig. Hindi lang ang tubig at hangin kundi maging ang noise polllution ay nagkaroon ng improvement. Kung walang factories na nag-ooperate, kung walang mga sasakyan sa kalye na nagbubuga ng usok ay maliwanag na magiging maganda rin ang kalidad ng pamumuhay sa buong mundo.

Yan ang positibong epekto ng lockdown sa pagpapatigil “pansamantala” ng mga factories, paglabas ng mga sasakyan, etc. Pero ang sandaliang lockdown ay hindi sapat upang malunasan ang matagal nang pinsala na dulot ng pag-aabuso sa kalikasan. Ang lockdown ang pansamantalang nagbigay ng positibong epekto sa buhay ng sangkatauhan.

II. Naging mas Malapit ang Pamilya sa isa’t isa

Isa pa rin sa positibong naging epekto ng lockdown ay ang pagbabawal na lumabas. Kailangang manatili lamang sa loob ng bahay para maiwasan mahawa. Tigil ang pagpasok sa opisina na ginawang work from home pansamantala, tigil ang pagpasok sa paaralan na ginawang study from home pansamantala, at maging ang pamilihan ay sarado kaya puro online na lamang ang pagbili ng groceries o pagkain.

Mas napanatili sa loob ng bahay ang tatay, nanay at mga anak. Mas maraming araw na silang laging magkakasama, sabay-sabay kumakain at sabay-sabay ring nanonood ng telebisyon, at mas nagkakaroon sila ng oras upang magkaroon ng healthy communication. Ang family bonding ay isa sa naging positive effect ng lockdown sa buhay ng isang pamilya.
Bukod sa healthy communication ay nagkaroon din ng pagkakaton ang pamilya na mag-isip kung anu-anong activities ang pwede nilang gawin sa loob ng bahay na tulung-tulong sila o sama-sama at maging ang pag-eehersisyo sa kanilang bakuran ay naging welcome development, nagkaroon sila ng positive discussions na bihirang mangyari dahil busy ang lahat noon nung sila ay pumapasok pa sa trabaho at pag-uwi ng tatay ay pagod na ay wala nang panahon makipag-kwentuhan sa pamilya.
Sa totoo lang, ang lockdown ang nagpatibay ng relasyon ng isang pamilya dahil magkakasama silang nakikibaka upang ma-survive ang pandemyang ito.

III. Nadagdagang Kaalaman sa Pangkalusugan at Pag-aalaga sa Sarili

Sa paglipas ng panahon ay nagkaroon na rin ng makabagong teknolohiya sa siyensiya upang makatuklas ng bakuna para sa mga virus na ito at sa kasalukuyan ay naging parte na rin ng ating buhay. Taun-taon ay hinihimok ng mga Health agencies at maging ang mga duktor na magpa-bakuna laban sa mga virus na ito para patuloy nating mapangalagaan ang ating kalusugan.

May mga panahon na sasapit ang season na kailangang magpabakuna ang mamamayan para laban sa flu, pneumonia, shingles at iba pang nakaambang sakit lalo na sa panahon ng taglamig o tag-ulan. Ang information dissemination mula sa iba’t ibang ahensiyang pangkalusugan ng pamahalaan ang nagbibigay ng paunang paalala kung kelan dapat magpabakuna.

Actually, ang pandemyang nararanasan natin sa kasalukuyan ang mas lalong nagbigay awareness sa buong mundo at sa bawat tao na dapat ay maging maingat tayo sa ating kalusugan. Na mas dapat ay pagtuunan natin ng pansin ang ating lifestyle. New Normal kung tawagin, pero kung ating iisipin, sa tuwing may mga virus na dumarating sa ating panahon ay tayo na rin ang naga-adjust (na hindi natin namamalayan) kung paano ito maiwasan o malunasan.

Ang pandemic na ito na unti-unting umaatake sa ating mental, pisikal at emosyonal na kalusugan, ito rin ang nagturo upang matutunan nating pangalagaan ang ating sarili. Noong kasagsagan ng lockdown ay sarado lahat ang mga klinika at nakakatakot magpunta sa ospital dahil sa takot na mahawahan ng virus at wala rin pinapayagang magpunta doon upang makaiwas sa virus.
Marami sa mga adults ang nagkaroon ng positibong pagbabago ng kanilang pag-uugali dahil na rin sa pandemic. Mga pagbabagong mas healthy living kesa sa nakasanayang pagpapabaya sa kalusugan. Ang bawat indibiduwal na pangalagaan ang kanilang sarili at i-maintain ang kanilang healthy lifestyle tulad ng good nutrition, pag-eehersisyo at less stress na activities, siyempre ito ay may guidance ng kanilang health care provider (duktor).

Kaya kung may negatibong epekto ang pandemya ay mayroon din naman positibong naidulot ito.