Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Wholesome

Paano Binago ng Covid-19 ang ating Buhay

Aminin man natin o hindi, malaking pagbabago ang ginawa ng pandemyang Covid-19 sa buong mundo.  Sa ating pang-araw araw na buhay at maging sa ating kalusugan.  Naging mas aware ang mga tao sa kung ano ang nangyayari sa paligid.  Mas marami na ang nag-iingat (minsan nga exaggerated na) at kahit saan sila magpunta ay may dala silang malaking bag na may alcohol, hand sanitizer, extra face mask at face shield, hand gloves etc.

Hindi lamang ang pagiging aware sa paligid kundi nabago rin ang relasyon ng pamilya sa bawat isa dahil nagkaroon sila ng pagkakataon na magkaroon ng extra oras at quality time sa isa’t isa lalo na nung panahon ng lockdown.

* Mental health challenges

 Hindi na nakaka-sorpresa kung sa panahon ng pandemic ay marami kang mababalitaan na nagkakaroon ng matinding depression na sanhi ng pagkakasakit at ang pinaka-matindi ay pagpapatiwakal.  Hindi lang isang tao ang nakararanas nito. Halos lahat, mula sa bata hanggang sa may edad na ay nararanasan ang pagkabagot, pagkalungkot, panghihina at laging mainitin ang ulo.

Lahat nang ito ay dulot ng pandemic na sanhi ng Covid-19.  Mas madalas ay mga bata ang tinatamaan ng depression, bakit?  Kase sila ang aktibo, sila yung madalas na lumalabas at nasanay na sila sa may nakapaligid sa kanilang mga kaibigan, o kaklase o maging kasamahan sa trabaho. Nung nag-lockdown, lahat ay nasa bahay lamang, para sila nagkaroon ng shock dahil hindi nila alam ang kanilang gagawin. Nasa loob lang bahay, nanonood ng tv, kumakain at sa gabi ay natutulog. Nakakaranas ng Stress, Anxiety, Depression, at kalungkutan dahil naka-isolate sila.  May mga tao ring na-ooverwhelm sa nangyayari sa paligid nila.  In totality, ito ay hindi nakatulong sa mental situation ng bawat isa sa atin.  Hindi naging healthy sa atin pangkabuuang kalusugan.

* Pandemic-induced hesitation

 Noong kasagsagan ng lockdown, maraming opisina, eskuwelahan at may ilang doctor’s clinic ang nagsara upang maiwasan ang pagkalat ng covid-19 virus. Yung mga may edad, o maski yung mga bata na every month ay nagpupunta sa kanilang health care provider ay natigil din.

Natakot silang lumabas dahil ang feeling nila ay kapag lumabas sila ay mahahawa agad sila ng virus.  Sa mga panahon na ito, ay nag double effort ang healthcare system upang hindi na lumabas ang mga tao kaya sila na mismo ang gumawa ng paraan upang sila ang lumapit sa tao.  Sa ibang banda ng bansa naman mayroon silang teleheath, kung saan ay tinatawagan ng duktor at kinukumusta ang lagay ng kanilang mga pasyente, may iba rin nagbi-video call at mayroon din nagka-call in ng prescriptions sa mga drugstores at ipinapa-deliver na lang sa bahay ng pasyente. Pero may mga klinika pa rin na bukas para sa mga pasyenteng kailangan nilang makita mismo dahil na rin marahil sa kaselanan ng kalagayan ng pasyente. Ilan diyan ay yung mga nagdadalangtao o yung may mga seryosong injury o seryosong kalagayan sa kalusugan.

Pero, hindi mo rin mapipilit ang ilan na kadalasan ay mga kababaihan na hindi tinutupad ang kani-kanilang appointment sa duktor.

Payo ng mga duktor na sa ganitong pandemic mas importante na pagtuunan natin ng pansin ang ating kalusugan at hindi nila papayagang manatili ang takot sa kanilang pasyente na kapag lumabas ay magkakasakit agad ng covid-19.  Ipinaalam nila sa lahat na lahat ng precautionary measures ay ginagawa nila at sinusunod nila ang guidelines upang mapanatiling safe ang lahat ng pasyente, mapabata o matanda.

 * Staying healthy during the pandemic

Kung may negatibo ay may positibo rin.  Sa kasagsagan ng lockdown, natigil ang lahat lalo na yung mga nagpupunta sa gym, pero naisip nila na kahit hindi ka magpunta sa gym ay pwede kang mag-exercise sa loob ng tahanan, at gawing healthy ang iyong lifestyle.  Nakatulong ang lockdown sa mga tao na natutong pahalagahan ang kanilang kalusugan, ayon na rin sa WHO, ang kadalasang inaatake at madaling nahahawan ng covid-19 ay yung mga hindi healthy ang lifestyle nila.  Yun ang mga taong laging stressed, hindi kumakain ng tama at laging fatigued.  Humihina ang kanilang resistensiya kaya madali silang nagkakasakit.

Ang pag-stay sa bahay ng matagal ay nagbukas sa kanilang isipan na mas mabuting nasa bahay at naaalagan ang sariling kalusugan para may panlaban sa anumang sakit.

* Better health awareness

Mas marami na ngayon ang maingat sa kanilang kinakain at sa kanilang daily habits.  Mas naging healthy ang kanilang mga choices lalo na sa mga nakababatang henerasyon.  Mas alam na nila ngayon at aware sa paligid nila dali ito ay makakaapekto sa kanilang kalusugan.  Umiiwas na sila sa mas stressful na activities, ang malabis na pag-iisip na nagdudulot ng anxiety at depression na hindi mainam sa kanilang mental health.

Naging conscious na rin sila sa kanilang physical appearance kaya mas madalas sila nag-eexercise to keep their weight down, pati ang kalusugan ng kanilang lungs ay napagtuunan na nila ng pansin.

Ang pandemic ang nagbigay daan sa bawat isa sa atin upang mas alagaan natin ang ating sarili para lumakas ang ating resistensiya para sa malusog na pangangatawan laban sa covid-19.

 * Family and the pandemic

Bukod sa pagbibigay atensiyon sa ating kalusugan ay nabigyan atensiyon din ang relasyon ng pamilya sa bawat isa.  Nagkaroon ng mas maraming panahon ang mga magulang sa kanilang mga anak, mas naturuan nila ng tamang pag-aalaga sa sarili at itinuri rin nila ang awareness tungkol sa virus at kung paano mapag-iingatan ang sarili.

Bukod sa health ay na-enjoy din ng mga bata ang quality time kasama ang magulang lalo na sa sama-samang pagkain, paglalaro o pag-eehersisyo.

Mas lalong naging masigla ang mga bata dahil nawala ang stress nila at maging ang mga magulang ay ganun din.

Alam natin na kapag sinabi mo ang taong 2020, iisa lang ang sasambitin ng lahat, Pandemic.  Ibig sabihin, ito ang nagpabago sa buong mundo. Lahat ng aspeto ng buhay at pagkadiskubre ng ilang mga bagay.  Ang pagho-hoard o pagbili ng mga bagay na sobra-sobra ay nangyari nitong pandemic at kasagsagan ng lockdown.  Ubusan ng mga mask, alcohol at toilet paper at maski sa online ay out of stock.

Lahat tayo ay na-isolate lalo na ang mga matatanda na considered high risk sa panahon ng covid-19.  Yung mga nasa nursing home o tahanan ng aged people ay nagsara para maging safe ang kanilang mga alagang matatanda.

Ang mask na naging kasama sa safety gadgets at dapat nating isuot sa tuwing tayo ay lalabas ng tahanan, ang social distancing. Dahil rin sa lockdown ay marami ang natakot kung sila ba ay makaka-survive sa nangyayaring pandemyang ito, lockdown, curfew, pagsasara ng non-essential establishments.

Bago matapos ang 2020, pumutok ang masayang balita na nakatuklas na sila ng bakuna na para sa covid-19.  Hindi man ito ang lunas, ito ay bakuna upang hindi tayo dapuan ng nakamamatay na virus.  Sa kasalukuyan, unti-unti na silang nagpapamahagi ng bakuna sa iba’t ibang parte ng mundo para maibigay sa mga tao.  At umaasa ang lahat na bago matapos ang taong ito ay halos lahat ng tao sa buong mundo may nabakunahan na, pero paalala pa rin ng WHO at CDC na magsuot pa rin ng facemask upang maging safe ang lahat.