Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Uncategorized

Pinoy Style Glazed Ham

Sa Pilipinas, tradisyon na ang pagseselebra at pagsalubong ng araw ng Pasko sa pamamagitan ng masaganang hapunan sa Noche Buena. Sa Noche Buena ay maraming iba’t ibang pagkaing nakahain tulad ng Quezo de Bola, Pinoy Spaghetti, Leche Flan, Fruit Salad at ang star ng hapag kainan ang Ham. Ang ham ang nasa sentro ng hapag-kainan.
Sangkap:

Ham
· 4-5 kg fully-cooked bone-in ham,  kasama ang taba at alisin ang balat
· Cloves, palamuti
Poaching Liquid
· 1½ litrong pineapple juice
· 1 litrong lemonade soda (Sprite o 7-up)
· 330 ml stout beer (Guinness), o kahit anong beer na available
· 1 tasang brown sugar
· 3 kutsarang asin
Pineapple Glaze
· 2 tasang Poaching Liquid
· 400 g lata ng  pineapple chunks
· 1 tasang brown sugar
· 4 kutsarang yellow mustard

Paraan:
  1. Sa isang kaserola, pagsamahin ang lahat ng sangkap ng poaching liquid, pakuluin, isama ang ham at lutuin sa katamtamang init ng apoy sa loob ng 1 oras. Siguruhing nakalubog ang ham.
  2. Pagkatapos ng 1 oras, patayin ang apoy at hayaang lumamig sa room temperature at pag malamig na ay ilagay sa ref overnight.
  3. Kinabukasan ay alisin mula sa ref at i-drain ang likido, i-reserve at itabi ang 2 tasang likido para sa glaze. Ilagay ang ham sa room temperature bago iluto. (Ang loob nito ay malamig pa dahil nakalagay ito sa loob ng ref buong magdamag kaya dapat na maalis ang lamig mula sa labas hanggang loob ng ham).
  4. I-prepara ang glaze, pagsamahin ang lahat ng sangkap ng pang glaze sa sauce pan at pakuluin, pag kumulo na ay hinaan ang apoy at hayaang kumulo hanggang lumapot ang sabaw. Pag malapot na ay alisin mula sa stove at itabi.
  5. Gamit ang matalas na kutsilyo, hiwain ang ham na pa-criss cross pattern (pa-krus) mga kahalating inch ang lalim. Ilagay ang whole cloves kung saan nagi-intersect ang linya.  Pahiran o i-brush ang kabuuan ng ham ng glaze.
  6. Ilagay ang ham sa roasting rack at i-bake sa pre-heated na 160℃ sa loob ng kalahating oras. Habang bine-bake ay patuloy na pahiran ng glaze kada 30 minutos.  Itaas ang temperatura sa 200℃ at ituloy ang pagbe-bake hanggang ang ham ay magkulay golden brown.
  7. Alisin mula sa oven at pahiran ng likido mula sa pan at hayaang lumamig ng kaunti bago ihain.

Para sa iba pang recipes, bisitahin ang www.angsarap.net