Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Cover Focus

Jodi at Iza: “Ang Sa Iyo Ay Akin”

Dalawang magkaibigang sisirain ng isang kasalanan ang hahantong sa matinding salpukan para sa pag-ibig, pamilya, at yaman sa bagong seryeng “Ang Sa Iyo Ay Akin” na mapapanood sa Kapamilya Channel at Kapamilya Online Live.

Matutunghayan sa serye ang pagsasanib-puwersa ng naglalakihang bituin sa pangunguna nina Jodi Sta. Maria at Iza Calzado kasama sina Sam Milby at ang Diamond Star Maricel Soriano. Bukod sa bigating cast, ang serye rin ang pinakaunang orihinal na teleserye na ipapalabas sa Kapamilya Online Live.

Kilalanin sina Marissa (Jodi) at Ellice (Iza), ang matalik na magkaibigan mula sa magkasalungat na mundo. Mayaman at mula sa maimpluwensiyang pamilya si Ellice, samantalang simple lang ang pamumuhay ni Marissa kasama ang nanay niyang si Lucing (Maricel).

Halos magkapatid na ang turingan ng dalawa, ngunit sa isang iglap magbabago ang lahat. Mapapatay ni Ellice ang anak ng isang congressman na magtatangkang gahasain siya, at si Marissa ang aako sa kasalanan ng kaibigan kapalit ang P10 milyon at ang pangakong hindi siya makukulong na alok ng ama ni Ellice.
Sa kasamaang palad, walang matutupad sa lahat ng ito at pagdurusahan ni Marissa ang lahat sa loob ng bilangguan. Walang kaala-alam sa sinapit ng kaibigan, itutuloy naman ni Ellice ang buhay sa US at makikilala si Gabriel (Sam), ang lalaking magpapatibok sa puso niya at kanyang magiging asawa.

Sa pagbalik nila sa Pilipinas, muling magkukrus ang landas ng dalawa, pero wala na ang Marissa na dating nakilala ni Ellice. Puno na ng poot si Marissa at pilit aagawin ang lahat ng meron si Ellice, pera, ari-arian, at maging ang asawa niya at wala siyang ititira hanggang makuha niya ang hustisyang kanyang inaasam.
Saan nga kaya mauuwi ang plano ng paghihiganti ni Marissa kay Ellice? Patuloy pa kayang maipaglaban ni Ellice ang pagmamahal niya kay Gabriel kung tuluyan na itong makuha ni Marissa?

Ito ay sa ilalim ng direksyon ni F.M. Reyes at Avel Sunpongco, at produksyon ng JRB Creative Production.


Jodi and Iza tuloy pa rin sa panahon ng pandemic

Unti-unti nang nagbabalik taping ang mga tv networks at kahit wala na sa regular channel ang ABS CBN ay tuloy pa rin ang kanilang mga shows na ipinapalabas sa Kapamilya Channel at Kapamilya Online Live via digital platform.

Marami ang naka-miss kina Jodi at Iza, lalo pa’t kung natatandaan niyo, nung nagu-umpisang mag-spread ang coronavirus ay isa si Iza Calzado sa mga personalidad na dinapuan ng covid-19. Matapang na ipinahayag ni Iza ang kanyang pagkakaroon ng coronavirus at kung paano niya ito hinarap at nilabanan. Marami ang nagpahatid ng pag-aalala at pagmamahal kay Iza habang nilalabanan niya ang sakit na ito. Salamat naman at matagumpay niyang nagupo ang sakit sa tulong ng mga doktor at nurses na maingat na nag-alaga kay Iza.

Malaki ang pasasalamat ni Iza sa lahat ng nagpahatid ng moral support habang nakikibaka siya noon sa pneumonia na dulot ng covid-19. Dasal at pagkain ng masusustansiya ang ilang bagay na nagpabalik ng kanyang kalusugan upang labanan ang naturang sakit.

Ang pag-aalaga ng kanyang asawang si Ben ay nakatulong dahil hindi niya iniwan si Iza sa ere. Thankful si Iza at naging emotional siya noong nakaraang birthday niya dahil binigyan pa siya ng Panginoon ng pangalawang buhay.

Nagpapasalamat din si Iza sa ABS CBN dahil natuloy sa pag-ere ang kanilang proyekto kasama si Jodi Sta. Mari at ang Diamond star na si Maricel Soriano kasama rin si Sam Milby.

Si Jodi Sta. Maria rin ay nagpapasalamat sa ABS CBN dahil balik-trabaho sila kahit sa panahon ng pandemya. Masaya siya dahil ito ang tanging paraan niya at ng kanyang mga co-stars sa soap opera na “Ang Sa Iyo Ay Akin”upang mabigyan ng entertainment ang kanilang viewers sa panahon ng pandemya.

Inamin ni Jodi na ang kanyang role bilang si Marissa ay malayo sa roles na ginampanan niya kaya medyo naga-alangan siya. Mas challenging dahil siya mismo ay na-intimidate. Aniya, hindi raw naging madali pero dahil sa dedikasyon niya sa kanyang craft ay ibinigay niya ang kanyang “best” upang mabigyan ng justice ang papel ni Marissa. Masyado aniyang salbahe ang role niya.

Nagpapasalamat din si Jodi sa kanyang mga co-stars pati ang director dahil tinutulungan siya nito sa pagmo-motivate sa kanyang character.

“Minsan pag hindi ka sigurado na ito nga ba ang gagawin ng character, nandiyan sila lagi, nakaalalay, para i-bring back ka doon sa core o foundation ng character na pino-portray.”

Malaki aniya ang tulong ng kanyang direktor at co-stars dahil sa pag-aalalay sa kanya upang gampanan ang role ng maayos.

Ang, “Ang Sa Iyo Ay Akin”, ay istorya tungkol sa pamilya, pagkakaibigan. Ito rin ay istorya ng paghihiganti at pagpapatawad. Maganda ang twist ng story na siguradong makaka-relate sa mga viewers sa isa sa mga characters na ginagampanan nila.

Masaya rin ang lahat dahil kasama sina Maricel at Sam Milby. Huling napanood si Maricel sa The Generals’ Daughter kasama si Angel Locsin. Hindi pa rin nawawala ang magic touch ni Maria sa pag-arte. Naroon pa rin ang depth sa bawat portrayal niya sa character. Dahil na rin sa stature ni Maria sa showbiz bilang isa sa pinakamagaling na artista ng showbiz, hindi nila maiwasang ma-starstruck sa tuwing nakaka-eksena nila si Maria. Aminado rin silang ninenerbiyos sila kapag nakaka-eksena si Maria dahil siguradong masasapawan sila kung hindi sila makikipagsabayan sa kanya. Ayon naman kay Maria ay hindi sila dapat na matakot o nerbyusin as long as you study your lines properly ay maayos na lalabas ang bawat eksena.

Sa set ng“Ang Sa Iyo Ay Akin” ay maganda ang mood dahil lahat ay natutulungan upang maging maayos ang bawat eksena. Syempre dahil sa panahon ng pandemya, sinusunod nila ang lahat ng safety measures at guidelines para walang maging smooth ang takbo ng kanilang taping.

Maging si Sam Milby ay nagpapasalamat at nakasama siya sa cast ng Ang Sa Iyo Ay Akin at isang karangalan ang makatrabaho ang isang batikang aktres na si Maricel Soriano. Marami siyang natutunan kay Maria at sa co-stars niya at magaan ang atmosphere sa set kaya enjoy siya habang ginagawa ang soap opera.

“Ang Sa Iyo Ay Akin” ay kinokonsiderang unang fully digital teleserye ng ABS-CBN, na kasama sa primetime lineup ng Kapamilya Online Live, ang free streaming ng ABS CBN network sa YouTube at Facebook na nakakaabot sa mas maraming viewers kahit hindi na napapanood ang Channel 2 sa regular tv programming.