Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Wholesome

Ang dayuhang manggagawa at ang Foreign Work Policy sa panahon ng Pandemya

Ni sa hinagap ay hindi inaakala ng bansang Japan o ng buong mundo na magkakaroon ng pagbabago ang takbo ng kapaligiran. At dahil sa mabilis na pagganap ng coronavirus ay mabilis ding nagbago ang paligid ng mga dayuhang manggagawa na naninirahan sa Japan.

Kung babalikan noong pagkatapos ng digmaan, ang ekonomiya ng Japan ay nagpatuloy sa pagbangong muli at nangailangan sila ng mga dayuhang manggagawa dahil sa kakulangan ng tauhan. Simula noon ay hindi na natigil ang pagdagsa ng mga dayuhang nais magtrabaho sa Japan. Nagkaroon man ng konting glitch pero naroon pa rin ang pagdagsa ng mga dayuhang manggagawa mula sa iba’t ibang karatig bansa. Subalit ang pandemya ay nagdulot ng mabilis na pagbagsak ng datos ng mga pumapasok na turistang dayuhan pati na rin ang unti-unting pagbagsak ng ekonomiya na dulot ng coronavirus.

Tatlong katangian ng mga dayuhang manggagawa ang highly susceptible o madaling kapitan ng coronavirus. Ang mga nasa siyudad kung saan maraming tao dahil halos walang social o physical distancing na nangyayari. Pangalawa, may pagkiling o pagiging bias sa kanilang pinagtatrabahuhan at pangatlo, ang kumpanya na mismong pinagtatrabahuhan. Mahigit sa 90% ng mga kumpanya ay mula sa maliit hanggang medium enterprise o SME pero may mga lugar na dahil sa maliit na kumpanya lamang ay hindi nasusunod ang safety guidelines kaya naman mas madaling dapuan o magkahawahan ang mga nagtatrabahong mga dayuhan. Take note na ang maliliit na kumpanya na ito ay mas madalas na nagha-hire ng dayuhan. At sa maliliit na kumpanya ay may mga restrictions na hindi nila kayang tuparin.

Malaking impact ang nagawa ng coronavirus lalo na sa mga SME o small to medium enterprises at ang pag-address sa isyu mismo ay malaking impact sa work policy lalo na para sa mga dayuhang mangagawa.

Nagpatupad ang gobyerno ng Japan ukol sa iba’t ibang hakbang para masuportahan at matulungan din ang mga dayuhang manggagawa na nasa mahirap na kalagayan sa kasalukuyan. Maraming hakbang ang ipinatutupad ang gobyerno ng Japan hindi lamang para sa kanilang mamamayan kundi pati na rin sa mga dayuhang naninirahan at nagtatrabaho sa Japan. Tulad halimbawa ng mga dayuhang maaaring magbago ng kanilang linya sa panahon ng pandemya na kinakailangang mag “switch” para maipagpatuloy ang kanilang pagtatrabaho at mabahaginan ng tulong pinansiyal. Ito ay applicable sa lahat, Japanese o foreign workers. Ang halaga ng tulong ay 100,000 yen kada manggagawa at “employment adjustment subsidy” na ibinibigay naman sa mga kumpanya na sumulong habang ipinatutupad ng pamahalaan para ma-maintain ang mga foreign workers imbes na tanggalin ang mga ito sa trabaho.

May ibang programa ang gobyerno na limitado naman ang tulong pinansiyal na maibibigay tulad ng “Student Support Emergency Benefits” kung saan ibinibigay ito sa mga kwalipikadong estudyante sa halagang 200,000 yen na nasa ilalim ng “residence-tax-exempt households” na medyo may kahirapan at 100,000 yen naman para sa iba pang estudyante. Ang tulong pinansiyal na ito ay para sa mga undergraduate at graduate students mula sa national, public at private universities (kasama ang graduate schools) at junior college students, international students at estudyante ng Japanese language schools. Bago makuha ang tulong pinansyal na ito ay kinakailangang dumaan sa masusing pagsusuri o evaluation ng kanilang performance ( 2.30 o higit pa).

Marami pa ring tulong pinansiyal ang makukuha mula sa gobyerno na maaari ring makakuha ang mga dayuhang naninirahan, nag-aaral, nagtatrabaho sa bansang Japan. Sumangguni sa Ministry of Labor para sa karagdagang impormasyon ukol sa benepisyong makukuha ng mga naninirahan sa Japan, residente o dayuhan.

Economy Struggles

Dahil sa kakulangan ng dayuhang manggagawa, nahihirapan ding umangat ang ekonomiya. Masyadong naapektuhan ang ekonomiya sa buong mundo dahil na rin bumababa ang datos ng foreign workers na pwedeng magtrabaho. Ang mga manufacturing companies kasama na ang ilang sectors ay naapektuhan dahil hindi makapasok sa Japan ang mga dayuhang manggagawa dahil na rin sa covid-19 virus na naging dahilan sa pagbagsak ng domestic economy.

Takot ang nanaig sa kapaligiran ngayong panahon ng pandemya, mga delivery at subscription ay bumagsak dahil may posibilidad nga naman na maging cause ito ng pag-spread ng virus. Karamihan sa mga nagde-deliver ay foreign workers na nagtatrabaho part time.

Mga convenience stores ay nag-cut ng kanilang operating hours at natural, binawasan din ang mga taong nagtatrabaho at unang natatanggal ay ang mga foreign workers.

Ngayon medyo nagluwag na ang pamahalaan sa restrictions ng quarantine, umaasa silang unti-unting manunumbalik ang tagilid na ekonomiya at makakabalik muli ang mga dayuhang manggagawa.