Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Cover Focus

Angel Locsin is Back

Hindi biro ang matagal na panahon na hindi napanood ng mga tagahanga si Angel Locsin sa telebisyon. Huli siyang napanood sa “The Legal Wife” noong 2014 pa. Mga TV guesting at pagiging judge ang pinagkaabalahan niya. Taong 2017 nang magkaroon siya ng brief appearance sa “La Luna Sangre” na pinangunahan ng sikat na love team na KathNiel (Kathryn Bernardo at Daniel Padilla). May mga nag-react sa pagkakasama ni Angel sa teleserye dahil iniisip ng mga tagahanga ng Kathniel na natatabunan ang kanilang mga idolo na pinabulaanan naman ng aktres at maging ng mga namamahala ng naturang teleserye. Ang pagkakasali ni Angel at ang dating ka-love team nito na si Richard Gutierrez ay kasama sa istorya na sa huli ay naintindihan din ng mga tagahanga ng Kathniel.

Sa mga pangayayaring ito ay hindi naman nagtampo ang mga tagahanga o maging si Angel na wala siyang teleserye dahil in between TV guestings ay may pelikula siyang ginawa. Taong 2016 kung saan kasama niya si Vilma Santos sa pelikulang “Everything About Her,” kung saan nakatanggap siya ng award bilang Best Supporting Actress sa 1st Eddy Editor’s Choice Awards. At dahil napanood muli sa telebisyon ang tambalang Angel Locsin at Richard Gutierrez ay maraming kinilig na makita silang muli na magkasama. Sa kasalukuyan ay may inilulutong proyekto ang Star Cinema upang pagsamahin sa pelikula sina Angel at Richard at kasama rin si Angelica Panganiban at ang working title ay “Wife, Husband, Wife.”

Taong 2015 nang lumabas ang balitang muling bubuhayin ng Star Cinema ang “Darna.” Obviously, ang nasa isip ng mga tagahanga ay si Angel ang gaganap. Hindi itinanggi ni Angel na siya ang orihinal na karakter na nasa isip ng ABS-CBN subalit dahil sa kanyang maselang back injury ay kinailangan niyang magpa-opera at magpa-therapy. Mahabang panahon din na pinagtuunan ng pansin ni Angel ang kanyang kondisyon, naroong nagpunta pa siya sa ibang bansa upang magpagamot. Hanggang sa ang “Darna” project ay na-hold indefinitely habang hinihintay ang paggaling ni Angel.

Taong 2017 nang nagpasya na lamang si Angel na tanggihan ang proyekto dahil ayaw niyang isakripisyo ang kanyang kondisyon na pwedeng lumala pa kapag sumabak ulit siya sa fight scenes at ayaw rin niyang maging casue of delay sa produksyon.

“Though it did not go as planned, it was still an amazing journey. Darna embodies the heart, resilience and hope of a Filipina and it was a pleasure to have played her,” paglalahad ni Angel.

Photos Courtesy of ABS-CBN

“I now entrust the reins to the next lucky lady who will have the time of her life portraying the role,” dagdag niya.

Hanggang sa lumabas ulit ang balitang naghanap muli ng magiging Darna at si Liza Soberano na ang gaganap. Siyempre, hindi maiaalis na magsalita ang ilang tagahanga na kay Angel lang nababagay ang role, subalit nagsalita rin si Angel na sinusuportahan niya ang bagong Darna na si Liza.

Hindi biro ang fight scenes na gagawin sa Darna at inamin naman ni Liza na kailangan talaga ay ibuhos ang atensiyon at dedikasyon para maging mas effective ang bawat scene. Nagpasalamat si Liza kay Angel sa pagsuporta nito sa kanya. Hindi pa rin tumigil ang mga tagahanga ni Angel na humiling sa pamunuan ng ABS-CBN na bigyang muli ng teleserye ang kanilang idolo dahil matagal na rin naman itong hindi nakikita sa teleserye at hindi naman sila binigo ng ABS-CBN dahil noong 2018 ay inanunsyo nila ang muling pagbabalik ni Angel sa telebisyon via “The General’s Daughter.”

Super powerhouse cast ang naturang teleserye at maaksyon. Dito nagkaroon ng concern ang ibang tagahanga dahil ang alam nila ay may back injury si Angel. Eh bakit nga naman sasabak ito sa isang maaksiyong teleserye?

Nilinaw ni Angel na after ilang taong therapy at check-ups sa doktor ay bumubuti (hindi pa totally magaling) ang kanyang back injury. May action scenes man ang baw at eksena ay sinigurado ng staff and crew na iniingatan nila ang stunts ni Angel sa bawat eksena.

Kasama ni Angel sa kanyang big comeback ay mga bigating artista na sina Albert Martinez, Tirso Cruz III, Maricel Soriano, Janice de Belen, Eula Valdez, Paulo Avelino, Arjo Atayde, Ryza Cenon, JC de Vera, Ronnie Alonte at Loisa Andalio.

Si Angel Locsin ay isa sa mga nirerespeto, minamahal at most-recognized drama actress sa makabagong panahon. Marami ang natutuwa sa kanyang pagbabalik.