Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Miscellaneous

Kyōdo Ryōri

Tulad ng Pilipinas, ang bansang Japan ay may specialty dishes sa bawat rehiyon na tinatawag na “Kyōdo Ryōri.” Mga lutuing ipinagmamalaki ng bawat rehiyon na ang sangkap ay galing mismo sa tradisyunal at lokal na recipe. Ang mga sangkap ng lutuin ay depende sa panahon kaya naman may ibang lutuin ang nag-iiba kapag nagpalit ng panahon.

Mga popular na rehiyon sa Japan na nagsisilbi ng kani-kanilang local dishes:

1. Hitsumabushi (Grilled Eel on Rice) – Nagoya, Aichi

Photo from Instagram @noryy5977

Ito ay isang lokal na lutuin na sinasabing nag-originate sa pagtatapos ng Meiji Era, kung saan ang mga waitress ay sumasandok ng tinadtad na inihaw na eel (sa bawat serving) sa kanin na mula sa isang lalagyang kahoy (o-hitsu) at inilalagay sa bawat mangkok ng kostumer. Ang paraan ng pagkain nito ay unique. Ang buong eel ay hinahati sa apat na portions. Ilalagay ang unang portion sa inyong mangkok at kakainin. Ang pangalawang portion ay ilalagay ulit sa bowl at lalagyan ng condiments tulad ng wasabi horseradish. At ang pangatlong portion ay pareho rin ng pangalawa at dinadagdagan ng green tea o sabaw na ibubuhos sa ibabaw nito tulad ng o-chazuke soup na may kanin. At ang panghuling portion ay maaaring kainin at uulitin ang kahit alin sa naunang tatlong paraan.

2. Obanzai ryōri – Kyoto

Photo from Instagram @senoa139

Ito ay simpleng Japanese homestyle cooking. Ang lutuing ito ay madalas may kasamang kanin, soup, ang main dish at ilang sides. Ang Obanzai ay kilala dahil sa seasonal ingredients nito. Ang dishes nito ay hindi mahirap ihanda pero ang chefs ay may kani-kaniyang paraan upang mapalabas ang kakaiba at natural na lasa nito. Ang pangunahing sangkap ng Obanzai cooking ay gulay at seafood.

3. Beef Tongue – Miyagi-ken, Sendai

Photo from Instagram @kenichi_kikuchi

Ito ay nilalagyan ng asin, sauce at hinihiwa. Sa makabagong panahon, ito ay tinatawag nating “barbecue.” Popular na tawag dito ay Sendai beef tongue. Ang “beef tangerue set meal” ay beef tender roast at medyo malapot na tail soup na naging set meal na sa lokal na kaninan sa rehiyon. Ang seasoning ay klasikong pickled miso (tan salt, miso, at mushroom miso). Bukod sa beef tender roast ay may iba pang klase ng variation tulad ng “tanshichu”, “beef tongue shabu-shabu”, “tan sashimi” at “beef tangerue sushi”.

4. Champon – Nagasaki

Photo from Instagram @laavoyager

Nagsimula sa isang shop na tinawag na Shakairo. Ang ramen ay puno ng seafood, may kasama rin na pork, gulay, tengang daga (kikurage) at chikuwa. Malinamnam ang sabaw (galing sa 2 o 3 buong chicken, buto-buto ng baboy at manok) na pinakuluan sa loob ng 3 hanggang 4 na oras. Ang paraan ng pagluluto ay pagprito ng karne, seafood at gulay sa lard at ang soup ay ihahalo sa naunang ingredients.

5. Chanpuru – Okinawa

Photo from Instagram @p_eachan

Ang ampalaya ay kilala bilang isang uri ng gulay na hindi lahat ay ma-appreciate. Ang mapait na lasa nito ay inihahalo sa shimadofu (Okinawan-style tofu), karne at iba’t ibang klase ng gulay na matatagpuan sa tipikal na hapag-kainan ng isang Okinawan household. May luncheon meat din, itlog at bean spout.

6. Funa sushi – Shiga

Photo from Instagram @y_sk_042

Ang funa ay isang klase ng isda mula sa pamilya ng carp na binuro. Ito ay tradisyunal na lutuin na nagpapaalala sa pinakalumang lutuin ng sushi sa history ng Japan. Matatagpuan ito sa Lake Biwa. Ito ay ibinibabad sa asin sa loob ng tatlong buwan. Pagkatapos nang pagkakababad nito ay aalisin ito mula sa pinagbabaran at hinuhugasan at saka muling lalagyan ng asin at may kasamang kanin at ibuburo sa loob ng dalawang taon bago kainin. 

7. Jibu-ni – Ishikawa

Photo from Instagram @darthtanko

Ito ay klase ng stew mula sa pangunahing sangkap na bibe o manok na nababalutan ng harina, wheat gluten, gulay at mushrooms na sama-samang pinakukuluan sa dashi stock. Ang pangalang Jibu ay maaaring galing sa pangalan ng taong nakatuklas ng lutuin o mula sa tunog (jibu jibu) habang niluluto ito. Ang orihinal na sangkap nito ay wild duck subalit dahil sa bihirang makakita nito at dahil na rin sa mahal ang halaga, aigo duck (klase ng bibe na nahahati sa pagiging wild at domestic) o manok na lamang.

8. Houtou – Yamanashi

Photo from Instagram @memememegchan

Ang lutuin ay ginagawa sa paglalagay ng isang klase ng noodles na kahalintulad ng udon noodles na inilalagay sa miso broth at niluluto kasama ang iba’t ibang klase ng gulay. Ang gulay na ginagamit sa Houtou noodles ay paiba-iba depende sa kung ano ang napapahon. Sa tag-araw ay scallion, sibuyas, at patatas ang popular na inilalagay sa sabaw nito. Kapag taglamig naman ay carrots at pechay baguio ang ginagamit. Popular din na ginagamit kasama ang Houtou noodles ang pumpkin na itinuturing na comfort food sa panahon ng taglamig.