Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Cover Focus

Ang Paghahanap ng Normal sa Hindi Normal na Kapaligiran

Ang taong 2020 ay tumatak sa kasaysayan ng buong mundo. Hindi makakalimutan ng ating henerasyon ang ating nararanasan. Kumbaga sa salot, ito ang pinakamatindi. Kung matatandaan ang Spanish Influenza na nagsimula noong 1918 at tumagal ng 15 buwan ay kumitil ng maraming buhay. At ang COVID-19 na ating nararanasan ngayon ay halos kahalintulad ng Spanish Influenza na sa pangamba ng lahat ay baka lumikha ng Economic Recession sa buong mundo.

Taong 2002 nang lumabas ang SARS virus na lumaganap din sa iba’t ibang bansa na nakapagtala ng 8000 kaso at 774 ang namatay sa buong mundo. Tinawag ang SARS na kauna-unahang pandemya ng 21st century. Hindi ito ang magiging huli o magiging pinaka-nakakamatay na virus.

Ang SARS at COVID ay halos magkapareho ng origin na nagsimula sa hayop at lumundag sa tao. Ayon sa WHO (World Health Organization), ang Horseshoe bats ang pinagmulan ng SARS at COVID 19. Sandali lang ang pamiminsala ng SARS, mula November 2002 hanggang July 2003. Ni sa hinagap ay walang nakakaalam kung kelan matatapos ang pananalasa ng COVID-19 na kumitil ng milyun-milyong buhay sa buong mundo.

Hanggang sa kasalukuyan, iba’t ibang pharmaceutical companies ang nagu-unahan sa pagtuklas ng bakuna laban sa COVID-19. Ang mga tao sa buong mundo ay inip na inip nang makabalik sa normal ang kanilang buhay. Maraming buhay ang kinitil ng mapaminsalang virus na ito. Kailangan magpalabas ng quarantine order ang lahat ng liders ng iba’t ibang bansa upang mapangalagaan ang bawat mamamayan ng kanilang nasasakupan.

Hindi naging madali para sa lider ng isang bansa na makita niyang naghihirap ang kanyang mamamayan. Maraming buhay ang naapektuhan. Maraming negosyo ang nagsara dahil hindi na sila makapagbukas dahil walang pwedeng lumabas at sa takot na rin na madapuan ng sakit na dulot ng COVID-19.

Gumawa ng paraan ang mga lider ng bawat bansa upang matustusan ang hirap na dinaranas ng kanilang bansa. Sa pagkakataong ito, lahat ay pantay-pantay. Walang powerful o pinakamayaman na bansa. Lahat ay nagtutulung-tulong upang makahanap ang paraan upang kahit sa panahon ng epidemyang ito ay makapamuhay ng normal ang kanilang nasasakupan.

Ayuda sa Pilipinas, Stimulus package sa Amerika at iba’t ibang klase ng relief program ang ipinalabas para panustos sa gutom ng bawat tao sa mundo. Hindi man sapat ay tinanggap ng bawat tao sa mundo at niyakap ang ganitong sitwasyon.

Subalit kahit nagbibigay ng ayuda o relief mula sa gobyerno, hindi pwedeng ganito na lamang. Alam ng lahat ng liders sa buong mundo na maaaring magkaroon ng recession sa buong mundo kaya sila ay kumilos upang mapabangon muli ang ekonomiya ng bawat bansa.

Nag-isip sila ng unti-unting buksan ang lahat ng isinarang borders. Maging ang mga negosyo ay unti-unti na ring binubuksan. Subalit, dahil sa hindi pa nakakatuklas ng bakuna laban sa COVID-19, naging maingat pa rin ang mga lider na pagsabihan ang mga tao na dapat ay maglagay ng mask at ipagpatuloy ang physical distancing upang makaiwas na madapuan ng virus.

Hindi normal ang ganito at alam nating lahat yun pero kailangan nating yakapin ang kung anumang guidelines ng bawat pamahalaan upang mapangalagaan pa rin ang kaligtasan ng bawat mamamayan.

Sa paaralan, naging home study ang mga bata upang maiwasan ang pagkakasama-sama ng mga bata sa iisang classroom. Sa mayayamang bansa ay ok lang dahil may kakayanan silang gawin ito, may laptop at maayos na internet kaya tuloy pa rin ang classroom at home nila. Pero sa mga bansang mahihirap ay nagkakaroon ng problema dahil hindi kaya ng isang mahirap na pamilya ang magkaroon ng laptop sa bawat anak at internet na hindi paputul-putol. Iyan ang isa sa mga hinahanapan ng solusyon sa Pilipinas.

Sa mga grocery naman ay pinapaalala ang guidelines upang mapatupad ang social o physical distancing. Sa public transport naman, hindi lahat ng public transportation sa Pilipinas ay pinapayagang lumabas kaya naman sa unang araw pa lang ng muling pagpapabalik sa mga taong nagtatrabaho ay naging disaster. Kailangan nilang maglakad ng ilang oras papunta sa kanilang pinagtatrabahuhan at pag-uwi ay ilang oras din ang kanilang inaabot. Nakakaawa mang tignan ang mga manggagawa pero wala silang magawa dahil kailangan nilang lumabas at magtrabaho upang makakain ang kanilang pamilya.

Paglabas ng mga tao ay kailangan may suot silang mask at may dalang gloves at sanitizer o alcohol. Proteksyon nila ito para makaiwas makakuha ng virus sa labas at baka maiuwi sa kani-kanilang tahanan.

Maski ang mga bata na walang kamuwang-muwang ay nagtatanong kung bakit kailangan nilang magsuot ng mask. Ang akala nila ay laro ang nangyayari sa paligid nila.
Ito na ba ang bagong normal ng sosyedad? Ito na ba ang bagong normal na kailangang yakapin ng ating henerasyon?
Kailan matatapos ang pagsusuot ng mask o physical distancing? Kailan babalik ang dating normal na buhay ng bawat tao sa mundo?

Napakaraming katanungan na ang kalikasan lamang ang makakasagot. Ang kalaban ay hindi natin nakikita, hindi nahahawakan pero nararamdaman kapag umatake na.

Makakabalik pa ba tayo sa dati kung sakaling makatuklas na sila ng bakuna? Ang siyensiya lamang at ang magagaling na siyentipiko ang makakasagot sa ating mga katanungan.

Pansamantala lang ba ang “New Normal” na ito o dapat na nating tanggapin na ganito na ang ating magiging buhay?

As of this writing ay wala pang balita kung nakatuklas na ng bakuna laban sa COVID-19, at sabi ng marami na maaaring tumagal pa ito ng hanggang 1 taon. Kaya sa ngayon, sumabay tayo sa agos ng mundo at sosyedad at yakapin ang bagong normal ng ating buhay.