Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Cover Focus

Sarah Geronimo: The Popstar Royalty

Hindi matatawaran ang talento ng magandang singer na ito na tinaguriang “Popstar Princess.” Ang kanyang husay sa pag-awit kung saan siya unang nakilala at ang kanyang husay sa pag-arte ay hindi maikakaila na siya ay isang tunay na performer. Hinubog ng panahon at nahasa sa iba’t ibang field ng showbiz – singer, songwriter, good dancer and actress rolled into one. Ang kanyang kontribusyon sa mundo ng showbiz, kasama na ang musika, pelikula at telebisyon ang nagluklok sa kanya bilang “Asia’s Pop Superstar” at “Queen of Pop/Pop Star Royalty.” Siya na at wala ng iba, si Sarah Geronimo, ang Philippines’ “Ultimate Pop Superstar.”

Bata pa nang magsimulang kumanta si Sarah. Sa edad na 14 ay sumali siya sa isang patimpalak sa telebisyon ang “Star For A Night” and the rest is history. Siya ang itinanghal na winner at dito na nag-umpisa ang buhos ng swerte.

Kinontrata siya ng Viva Records at ang kanyang debut album na “Popstar: A Deam Come True” ang nagbigay-daan sa kanya upang mas makilala. Naging multi-platinum record at nakatanggap ng awards mula sa Awit Awards.

Ang kanyang musika na nasa kategorya ng pop ay naging mabili sa mga fans hanggang sa mas pinalawak pa ng Viva Records ang kanyang genre at sinubukan ang R&B and dance sa kanyang style.

Hindi nagkamali ang pamunuan ng Viva dahil tinanggap ng mga tagahanga ang crossover success ni Sarah sa mundo ng musikang kanyang ginagalawan. Hindi nabigo ang Viva sa pagkambyo mula pop hanggang sa R&B ay itunuloy na ang pagbabago ng kanyang style sa musika. Mula sa “Expressions” album niya ay nagpatuloy pa rin siyang gumawa ng ganitong klase ng istilo ng musika dahil tanggap na ng tagahanga ang kahit na ano pang klase ng musika ang ihandog ni Sarah ay siguradong tatangkilikin dahil sa husay ng kanyang pag-atake sa bawat kantang nakapaloob sa album.

Dalawang beses siyang nakatanggap ng Album of the Year awards mula sa Awit Awards. Ito ay ang “Perfectly Imperfect” (2014) at “The Great Unknown” (2015).

Sa aminin man o hindi, bihira sa pumapasok sa showbiz ang mag-e-excel sa dalawang fields, meaning, pag-arte at pagkanta. Mabibilang sa daliri ang nag-excel. Unahin na natin si Nora Aunor na nagkamit ng iba’t ibang awards sa kanyang pag-arte at nagkamit din ng awards sa pag-awit kung saan siya unang nakilala. Si Sharon Cuneta na nauna sa pag-awit at sinundan ng pag-arte. Maihahalintulad sa kanila si Sarah dahil nagtagal ang kanyang success sa dalawang fields.

Masasabing mahusay ang Viva sa paghurno ng kanilang talents (isa sa kanilang biggest success ay si Sharon) at syempre, kay Sarah, nung nanalo pa lamang ang dalaga sa “Star For A Night” ay alam nila na mas mapapalawak pa ng dalaga ang mundo na kanyang ginagalawan.

Nagsimula si Sarah sa ABS-CBN noong 2004 at nagkaroon ng regular stints sa “ASAP” simula 2004 hanggang sa kasalukuyan. Napanood din siya sa “Bituing Walang Ningning” (2006), “Sarah G. Live!” (2012-2013) at naging coach ng “The Voice of the Philippines” (2013-2017).

Bukod diyan ay hindi inaksaya ng Viva ang pagkakataon upang igawa ng pelikula si Sarah, ang “A Very Special Love” (2008), “You Changed My Life” (2009) at “It Takes a Man and a Woman” (2013). Ginawaran siya ng award bilang Box-office Queen mula sa GMMSF Box-Office Entertainment Awards para sa bawat pelikula na kanyang ginawa at dalawang nominasyon sa FAMAS Award para sa Best Actress.

Nagpatuloy pa sa paggawa ng albums si Sarah at nagpatuloy pa rin siya sa pag-appear sa telebisyon at pelikula at mga concerts abroad. This time, nakalagay na sa pedestal ang pangalang Sarah Geronimo. Sa mundo ng musika ay marami na siyang natanggap na mga awards bilang pagkilala sa kanyang husay sa pag-awit: 12 Awit Awards, walong Aliw Awards, 28 Myx Music Awards at isang FAMAS Golden Artist Award, and as of this writing ay tuluy-tuloy pa rin ang mga awards na inaani ni Sarah.

Mahigit pa sa kalahati ng kanyang oras at sa kung ilang taong pamamalagi niya sa showbiz ay inaambag niya dahil sa kanyang pagmamahal sa kanyang craft. Marami nga ang humahanga, tuwing mapapanood siya sa “ASAP” tuwing linggo ay puno siya lagi ng enerhiya. Bukod sa “ASAP” ay marami rin siyang provincial shows, recordings, shootings, tapings at concerts hindi lang sa ating bansa kundi maging sa ibang bansa. Kahit saan mo dalhin ay laging panalo. Ang mga masusugid na tagahanga ay laging nakaabang kung saan at kelan ba ang kanyang susunod na show. Nakakapagod pero hindi mo makikita sa mukha ni Sarah ang pagkapagod dahil para sa kanya, nang pinasok niya ang showbiz, alam niya lahat ang nakapaloob sa mundo na kanyang ginagalawan, “the show must go on,” ika nga. Kahit ano pa ang kanyang dinaramdam ay tuloy pa rin. Isang instance na riyan ang nangyari sa kanyang concert sa ibang bansa kung saan siya nag-breakdown.

Maraming nakasaksi at marami ring nakaunawa. Tao lamang si Sarah. Kahit nakikita mong nakangiti yan ay hindi mo malalaman kung ano talaga ang nasa puso’t isipan niya. Sa nangyari ay mas lalong pinagtibay ni Sarah na siya ay isang total performer.

Pagkatapos ng pangyayari ay mas lalong maraming nagbigay-suporta kay Sarah, mula sa kanyang pamilya, tagahanga at kasintahang si Matteo Guidicelli.

Masaya naman si Sarah sa kanyang love life at marami ang nagdarasal na maging mas matibay pa ang kanilang relasyon. Kasabihan na hindi pwedeng pagsabayin ang career at love life, kaya naman hinay-hinay lang ang lahat at hindi naman nagmamadali.

Sa kasalukuyan ay kaliwa’t kanan ang showbiz commitments ni Sarah, lalo na sa darating na October 7, 2018 ang “This 15 Me Live in Nagoya”, Japan. Kasama niya sa show ang kapwa ABS CBN talent na sina Sam Concepcion, Ronnie Liang at ang G-Force dancers. Ito ay sa pamamagitan ng Viva Live Inc. at Worldcom International Company LTD.

Sa loob ng 15 taon ay marami nang naimbag si Sarah sa mundo ng showbiz at taos puso siyang nagpapasalamat sa mga taong sa simula ay hindi siya pinabayaan at sinuportahan siya sa kanyang paglalakbay mula sa pagiging “Star For A Night” winner hanggang sa marating niya ang pagiging “Ultimate Pop Superstar”.

Photo credits: World Com and Viva