Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Cover Focus

Ramon “Bong” Revilla Jr. : Ang pagbabalik ni Agimat

Photo credit: GMA 7

Kapag sinabi mo ang salitang “Agimat” sa mundo ng showbusiness, dalawang tao lamang ang papasok sa isipan mo, ang yumaong Ramon Revilla Sr. at ang kanyang anak na si Ramon “Bong” Revilla Jr. na nagpatuloy ng legacy ng kanyang ama sa mundo ng showbiz.

Pansamantalang nanahimik sa showbiz sa nakalipas ng walong (8) taon, ngayon ay nagbabalik ang nag-iisang may ari ng AGIMAT sa showbiz, Si Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. Marami ang excited sa kanyang pagbabalik at hindi nasayang ang kanilang paghihintay dahil ang GMA Network ay may proyekto para sa kanya.

Ang pagbabalik sa telebisyon ng actor-politician na si Bong Revilla Jr. sa Kapuso network sa pamamagitan ng Agimat ng Agila, ang isa sa mga pangarap ni Senator Bong bukod sa kanyang pagbabalik pulitika.

“Matagal na puro pangarap lang, kailan ko ito magagawa na maisasakatuparan ko ulit.” Ayaw man namin balikan ang dark days na yun sa buhay ni Senator Bong ay hindi mo rin maiwasan mabanggit dahil naging parte na ito ng kanyang buhay. Ang kanyang pagkakapiit noong 2014 hanggang sa ma-acquit noong 2018 ay naging isang mahabang pagsubok na kanyang kinaya dahil na rin sa suporta ng kanyang pamilya, taga-suporta at mga tagahanga na naniniwala pa rin sa kanya at hindi rin mawawala ang kanyang malaking tiwala sa Panginoon na kanyang naging gabay habang nasa loob.

Ngayon ay ipinagmamalaki ni Sen.Bong ang kanyang proyekto sa GMA 7 na kanya ring pinasasalamatan dahil sa tiwala at suporta nito sa kanya at muli siyang nabigyan ng pagkakataon umarteng muli sa harap ng kamera. Ipinagmamalaki niya ang “Agimat ng Agila” dahil sa napakaganda at napakagaling na pagkakagawa ng lahat ngtao sa likod ng proyektong ito, Mula sa writer, director hanggang sa buong cast na para kay Sen. Bong ay Class A.

“Masasabi kong napakagagaling and I’m very, very thankful sa kanilang lahat na, kumbaga, nakagawa kami ng napakagandang proyekto na ganito. “Kaya iyong pananabik ko, matagal kong hinintay, ito ay isang magandang regalo sa akin ng Panginoon na naibigay sa akin. Acting is an integral part of my life, and I owe who I am today to the industry. Hindi ko talaga maiiwan ang industriya. Na-miss ko rin ‘yung camaraderie and ‘yung collective creativity with my co-workers – from co-actors to the writers, the directors, the crew, and the staff. All in all, na-miss ko ‘yung buong experience, and I am blessed to be doing it again.”

Naniniwala si Senator Bong na magugustuhan ito ng manonood dahil ipapakita rito ang ganda ng kalikasan na dapat alagaan. Narito sa proyektong ito ang kumpletong sangkap na hinahanap ng manonood. Sa panahon ng pandemya at puro nakakalungkot na balita ang ating naririnig at napapanood sa balita, ang proyektong ito ay magbibigay ng sigla sa kanila dahil narito ang elementong kanilang hinahanap. Fantasy, action, drama at tungkol sa pamilya.

Ang proyektong ito ay pampelikula na mapapanood sa telebisyon kaya naroon lahat ang rekado. Kumpletos rekados ika nga.

At syempre, sabi nga ni Senator Bong, hindi nawala yung kaba nung una siyang masalang muli sa kamera dahil medyo matagal anya siyang natigil sa paglabas sa telebisyon at pelikula.
“Kapag hindi ka na kinakabahan, may problema ka na.

Pero mas maganda raw na senyales para sa kanya kapag kinakabahan siya. Kasi ibig sabihin nun ay magiging maganda ang kalalabasan ng proyekto.

Ang gagampanan ni Senator Bong ay ang papel bilang si Major Gabriel Labrador na head ng Task Force Kalikasan na naakusahan sa pagkamatay ng kanyang pamilya at napiling maging bearer ng Agimat ng Agila.

Tamang-tama rin ang paglabas ng proyektong ito ni Senator Bong dahil kalikasan ang pinaguusapan at marami ang nagiging alerto at mapagmatyag sa paga-alaga ng ating kalikasan.

Pangarap ni Bong na maging isa siya sa instrumento upang ipalaganap ang environmental awareness at upang hikayatin ang lahat ng manonood bata man o matanda upang pangalagaan ang kapaligiran.

“Napakaganda ng Pilipinas at punong-puno ito ng likas na yaman. Agimat ng Agila shows this – the rich ecosystem and biodiversity in the country. Ipinakita rin namin dito ang epekto nito sa mga tao – the good and bad. Kung maipapaalala lang namin sa mga tao ang kagandahan ng ating kalikasan at ang mga simpleng pwedeng gawin para huwag nang lalo pa masira ito, then we have imparted a meaningful message.”

Paulit-ulit na pagpapasalamat ang ipinaabot ni Senator Bong sa GMA 7 dahil sa ibinigay sa kanyang suporta sa kanyang pagbabalik-TV. ” HIndi nila ako binitiwan kaya nasa GMA-7 ang puso ko,” paglalahad ni Bong. Very proud din si Bong sa mabusising trabaho ni Director Rico Gutierrez dahil pinaganda talaga ang special effects.

Bukod kay Senator Bong ay makakasama rin niya ang powerhouse cast na sina Sanya Lopez bilang si Maya Lagman, ang matapag at masigasig na adopted daughter ni Nanay Berta; Elizabeth Oropesa bilang si Nanay Berta, ang misteryosang matandang babae na tutulong at gagabay kay Gabriel sa kanyang paglalakbay bilang tagapagligtas ng kalikasan; Roi Vinzon bilang si Alejandro Dominguez, respetado at kinatatakutang negosyante at isang crime lord; Benjie Paras bilang Sgt. Wesley Dimanahan, pinagkakatiwalaang kanang-kamay ni Gabriel; Allen Dizon bilang Capt. Gerry Flores, second-in-command ng task force; Michelle Dee bilang si Serpenta, isang evil shadow creature; EA Guzman bilang si Julian, kababata ni Maya na may lihim na pagtingin sa dalaga; Miggs Cuaderno bilang si Bidoy, magiging malapit kay Gabriel; Ian Ignacio bilang si Malvar, deputy henchman ni Alejandro.

Bukod sa mga karakter na nabanggit ay magkakaroon rin ng special participation si Sheryl Cruz na gaganap bilang Dr.Myrna Labrador ang soft-sporken na asawa ni Gabriel.

Kasam rin bilang support sina King Gutierrez bilang si Timon, ang lider ng tauhan ni Alejandro; Jhong Cuenca bilang si Mulong na gaganap bilang isang engkantado na isinumpa bilang maging ibon; Mike Lloren bilang Lt. Col. Roman Abdilla, ang unsupportive commander ng Task Force Kalikasan na matindi ang galit kay Gabriel. Ang direktor ng Agimat ng Agila ay si Rico Gutierrez.

Ang Agimat ng Agila ay sa ilalim ng pangangasiwa ng GMA Entertainment Group sa pangunguna ni SVP for Entertainment Group Lilybeth G. Rasonable, FVP for Drama Redgie A. Magno, SAVP for Drama Cheryl Ching-Sy, Senior Program Manager Ali Marie Nokom-Dedicatoria, at Executive Producer Joy Lumboy-Pili.

Ang Agimat ng Agila ay base sa film concept ni Ramon “Bong”Revilla; ang series naman ay pinagtulung-tulungang concept ng award winning creative team ng GMA 7 na sina Creative Director Aloy Adlawan; Creative Consultant Agnes Gagelonia-Uligan; Head Writer Jojo Tawasil Nones; Senior Writer John Roque; at dinevelop sa television ni Agnes Gagelonia-Uligan at Jojo Tawasil Nones, kasama rin si Genaro Nerdie Cruz, script consultant ni Ramon “Bong” Revilla, Jr.

Mapapanood din ng viewers abroad ang Agimat ng Agila sa pamamagitan ng GMA Pinoy TV, ang flagship international channel ng GMA Network.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *