Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Cover Focus

Oh My G! It’s Janella Salvador

Oh My G! It’s spring time! Maririnig na natin ang huni ng mga ibon na animo’y nagsasaya dahil patapos na ang taglamig. At siyempre, hindi rin nalalayo ang muling pamumukadkad ng mga bulaklak. Katulad ng cover girl ng spring issue ng Philippine Digest, tulad siya ng isang bulaklak na unti-unting namukadkad at nakikilala sa larangan ng showbiz, si Janella Maxene Desiderio Salvador o Janella Salvador. Ang unica hija ng singer-actress na si Jenine Desiderio at ng rock band singer noon na si Juan Miguel Salvador.

Sabi ng karamihan, kapag ang parehong magulang ay nasa showbiz, bibihira lamang sa mga ito ang nagtatagal ang pagsasama at ang kani-kanilang mga anak ang nagdurusa. Well, sa malas ay hindi naiba si Janella sa kanila. Siya ay lumaki na wala ang kanyang ama sa piling nila. Subalit dahil na rin sa mahusay na pagpapalaki ni Jenine na mag-isang itinaguyod ang anak ay hindi na halos naging malaking kawalan ito para kay Janella.

Sa murang edad ni Janella ay nakitaan na agad siya ng pagkahilig sa showbiz na hindi naman kaila dahil ang magulang niya ay parehong showbiz personalities. Pitong tang gulang pa lamang si Janella ay nakikita na siyang umaawit sa iba’t ibang talent search.

Hindi itinanggi ni Janella na hindi sila close ng amang si Juan Miguel Salvador at ni wala silang komunikasyon dahil tatlong taong gulang pa lamang siya nang maghiwalay ang kanyang mga magulang. Hindi man Papa’s girl si Janella ay hindi naman siya nagdaramdam dito kahit may iba nang pamilya ito subalit walang anak sa bago nitong pamilya. May step brother si Janella sa kanyang ina. Aniya, magkahiwalay man ang kanyang mga magulang ay ni minsan ay hindi niya naringgan ang ina na magsalita nang hindi maganda tungkol sa kanyang ama kaya naroon pa rin ang respeto ni Janella sa ama.

Pangarap ni Janella na mas paghusayan pa ang kanyang singing skills na minana sa kanyang mga magulang subalit nakita ang kanyang passion sa acting na hindi rin naman imposible dahil aktres din ang kanyang ina.

Nasubukan din ni Janella ang pag-arte sa stage at naging kinatawan siya ng ating bansa sa world trade fair sa Seoul, Korea noong 2008. Hindi maikakaila ang sobrang pagmamahal niya sa kanyang ina na tinatawag niyang “super mom.”

Sabi nga, “kapag may tiyaga, may nilaga.” At nagbunga naman ang hirap at tiyaga ng mag-ina. Nadiskubre si Janella sa “Eat Bulaga” kung saan kasama siya ng kanyang inang si Jenine sa “Sa Pula, Sa Puti” portion nito nang makita siya ni Manny Valera, ang co-manager ng Star Magic.

Taong 2013 nang siya ay makasama sa Star Magic Batch 2013 ng ABS-CBN at dito na nag-umpisa ang sweet success ng dalaga.

Ang kanyang kauna-unahang showbiz exposure ay nang mapasama siya sa “Please Be Careful With My Heart,” na pinagbidahan nina Jodi Sta. Maria at Richard Yap.

Sa teleseryeng ito nakilala ang mga fresh talents ng ABS-CBN na sina Jerome Ponce, Marlo Mortel at Janella. Naging stand out ang dalaga dahil sa kanyang mga kikay acting na naging hit sa mga teenagers.

Bukod sa telebisyon ay product endorser din si Janella. Busy man sa showbiz commitments ay tuloy pa rin ang kanyang pag-aaral under home study program.

Sobra ang pasasalamat ni Janella Salvador sa magandang takbo ng kanyang showbiz career ngayon. Hindi maikakailang malaki ang naging kontribusyon ng kanilang ABS-CBN daytime series na “Be Careful With My Heart” sa tinatamasa niya ngayong popularidad. Nabanggit nga ni Janella na ang pangalan niya sa serye ang madalas itinatawag sa kanya ng ibang tao. Sabi niya, “If not for ‘Be Careful,’ siguro I wouldn’t be this blessed. Minsan nga, kapag lumalabas ako, Nikki, Ate Nikki or Niknik ang tawag sa akin. Kaya malaki talaga ang utang na loob ko sa ‘Be Careful With My Heart.’”

“It has changed my life in so many ways. I met so many people and ngayon, I’m helping my mom put my four-year-old brother Russell to school.” Pero niliwanag ni Janella na hindi siya ang breadwinner ng kanilang pamilya. “Hindi naman po breadwinner, I’m just helping.”

In between acting ay hindi pa rin maiaalis kay Janella ang hilig sa singing. Napasali siya at pinalad na makuha ang third prize sa “Himig Handog Pinoy Pop Love Songs 2014.” “I’m happy and honored, pero at the same time, it was kinda nerve-wracking din.” Ang kanyang ever supportive mom ay laging nasa tabi niya at nagbibigay ng pointers and guidance sa kanya lalo na nung recording session ng kanyang isinaling awitin. “Yes, my mom was there sa studio to guide me with my song while I was recording it for the album. She always tells me to give my best.”

Naging very blessed si Janella sa loob ng dalawang taong paglabas niya sa “Be Careful With My Heart” at ang taong 2015 ang masasabing turning point ng kanyang career. Isang challenge ika nga para sa isang baguhan na mabigyan ng sariling teleserye, ang “Oh My G!” Dito rin inilunsad ang loveteam nina Janella at Marlo Mortel. “Si Marlo, he’s very kind naman. Actually, magkakilala na kami since I was 12 tapos siya nasa college na. Nag-Star Magic glee kasi kami noon, parang group ng talents sa Star Magic.”

Ang “Oh My G!” ay dinirehe ni Roni Velasco at kasama rin sa cast sina Sunshine Cruz, Manolo Pedrosa, Dominic Ochoa, John Arcilla, Edgar Allan Guzman at Janice de Belen.