Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Miscellaneous

Mga Events sa Golden Week

Pag sumasapit ang buwan ng Mayo, maraming events ang nagaganap sa Japan. Bukod sa pamosong Golden Week na talagang golden dahil sa mahabang bakasyon, nariyan ang Flower festival, Matsuri, Kobe festival, Mifune festival at iba pang events sa iba’t ibang parte ng Japan. Lagi itong hinihintay ng mga bawat pamilya at magkakaibigan dahil iba’t ibang festival at events ang kanilang pinupuntahan para ma-enjoy nila ito at pati ang panahon ay nakikisama rin. Noong nakaraang taon ay hindi natuloy ang iba’t ibang events dahil na rin sa restrictions at lockdown dahil sa covid-19 pandemic. Ngayong unti-unti na ring nagbubukas ang ekonomiya at bansang Japan, ay nasasabik na rin ang mga tao na lumabas at gawin ang dati na nilang ginagawa sa tuwing sasapit ang ganitong panahon. Paalala lamang, mas mabuting sumangguni muna sa iba’t ibang ahensya na namamahala ng mga festivals at events na ito para sa updated notice nila dahil kahit nagluwag na ang pamahalaan sa restrictions ay meron pa rin dapat na pag-iingat upang maiwasan ang pagtaas ng case ng covid.

1.  Apr 29 – May 5 | Golden Week

Pinaka-busy na panahon tuwing sasapit ang buwan ng May sa Japan dahil sa Golden Week. Marami sa locals ang nagta-travel para sa kanilang much needed vacation kasama ang pamilya o mga kaibigan. Although hanggang ngayon ay sarado pa rin ang border para sa foreigners, nariyan pa rin ang mga local na ine-enjoy ang panahong ito. Kailangan lamang ang dobleng pag-iingat dahil sa covid restrictions. Magsisimula ng April 29 hanggang May 5 kung saan bawat araw ay may isine-selebra silang event.

2. May 3-May 5 | Hiroshima Flower Festival

jj-walsh_flickr.com

Hindi isang simpleng flower show dahil may iba’t ibang planned programs ang bawat venue at ang popular na performances na “yosakoi”, isang dance festival na may 100 na grupo ang magpa-participate at mga floats na pinalamutian ng makikinang na ilaw at ang flower queen contest na ginagawa kinagabihan. Ang parada ng mga bulaklak ay ginagawa sa Heiwa Dori sa ika-3 ng Pebrero samantalang ang Yosakoi contest naman ay sa parehong venue rin at sa May 5 naman.

3. May 9-23 | Tokyo Grand Sumo Tournament | Tokyo

Bart’s Dad_flickr.com

Tuwing sasapit ang ganitong panahon rin ay maraming tao ang excited dahil ito rin ang panahon sa pagbubukas ng paborito nilang sports. Ang Sumo Wrestling. Ang Tokyo Grand Sumo Tournament ay parte ng Sumo Hatsu Basho na nagaganap tuwing tag-araw sa buwan ng Mayo. Kailangan lamang na bilhin ang tickets, kung ikaw ay pupunta sa venue para panoorin ang live tournament. Ito ay popular sa locals at sa turista.

4. Mid of May | Kobe Festival

David Galen_flickr.com

Ito ang festival na popular sa siyudad ng Kobe. Ang international parade na may kasamang stage performances, tindahan na may pagpipiliang iba’t ibang vendors, mga banda na walang patid ang pagtugtog para sa entertainment ng mga bisita at ang maraming food stalls na sadyang kinagigiliwan ng locals at bisita. Dalawang araw ang event na ito at sa huling araw, dumaragsa ang mga spectators. 70 group na hanggang 200 katao na may costumes at floats ang masasaksihan sa Kobe festival.

5. Mid of May | Mifune Festival

Christian Kaden_flickr.com

Ang Mifune Festival ay ginagawa sa kahabaan ng Katsura River sa Arashiyama sa ikatlong linggo ng Mayo taun-taon. Ang highlights naman ng festival na ito ay yung traditional boats na may kargang musikero at performers habang tinatahak ang kahabaan ng river. Ito ay tinatawag nilang “Three Boat Festival.” Ang tatlong boats na ito ay tinatawag na Gozabune (ito ang nagkakarga ng mga noble na tao), ang Dragon Head boat at Gekishufune (waterfowl neck boat).
Ang festival na ito ay karugtong ng Kurumazaki Shrine grand festival.

6. Mid of May | Kanda Matsuri | Tokyo

Tokyo, Japan – May 14, 2017: The parades of portable shrines (Mikoshi) are passing along Akihabara area during Kanda Matsuri festival

Ang regular na Kanda Matsuri na ginaganap taun-taon tuwing kalagitnaan ng May. Ang Kanda Matsuri ay isa sa tatlong popular na festival kasama ang Sanno Matsuri at Fukagawa Matsuri. Ang full version ng festival ay ginaganap lamang sa odd numbers ng taon samantalang ang pinaka-simpleng shadow festival ay ginaganap tuwing even number years na hindi na nagtatawag ng mga turista. Maraming malalaking events ang ginagawa sa buong linggo ng Kanda Matsuri at ang main attraction ay ginagawa sa pinakamalapit na date ng weekend sa May 15th. Ang highlights ng festival ay isang buong araw na prusisyon sa Central Tokyo na ginagawa sa araw ng Sabado at ang parada ng portable shrines (mikoshi) na ginaganap naman sa iba’t ibang neighborhood sa araw ng Linggo.

Note: Dahil sa coronavirus, ang event ng Kanda Matsuri para sa taong ito 2021 na dapat ay ise-celebrate na full version ay gagawing “shadow festival” at ang iba pang major events kasama ang parada ay kanselado sa taong ito.