Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Cover Focus

Martin Del Rosario- Overflowing with Blessings

Photos courtesy of GMA7

Hindi na iba si Martin Del Rosario sa larangan ng showbiz. Nakilala siya una bilang isa sa Kapamilya artists ng ABS CBN at nakagawa ng pangalan sa sarili niyang sikap. Nakalabas sa iba’t ibang shows ng ABS at mapa-drama o comedy ay nage-excel si Martin. Mahusay siyang umarte ayon sa mga direktor at kapwa artista na kanyang nakatrabaho. Mabait at ma-respeto sa kapwa at hindi siya yung klase ng artista na sa isang project lang ay lumalaki na agad ang ulo. Marunong siyang lumingon sa kanyang pinanggalingan kaya naman lubus-lubos ang blessings na kanyang natatanggap.

Taong 2007 nang siya ay unang tumuntong sa bakuran ng ABS CBN para sa isang acting workshop at para sa una niyang project ay napunta sa kanya ang role bilang si Ray Avellino sa Star Magic Presents: Abt Ur Luv. Lumabas din siya bilang nakababatang kapatid ni Roxanne Guinoo sa Sineserye Presents: Natutulog Ba Ang Diyos? Para sa isang newcomer tulad ni Martin ay impress ang mga namamahala ng Star Magic sa kanyang husay sa pag-arte. At bakit nga naman hindi huhusay sa harap ng kamera si Martin eh nasa dugo niya ang pagiging artista. Tiyahin niya ang mahusay na charcter actress na si Ces Quesada at kamaganak din niya ang mahusay na news anchor ng GMA 7 na si Connie Sison. Kumbaga, nasa dugo niya ang mapasama sa showbusiness kahit anong genre pa siya.

Ang initial project niya sa ABS CBN ay nasundan pa ng maraming guestings sa TV at naging paborito siyang guest sa Star Magic Presents at Maalala Mo Kaya. Napasama rin siya sa isang primetime drama na Iisa Pa Lamang. Sunud-sunod ang naging project niya na siya mismo ay natutuwa dahil sa tiwalang ibinigay sa kanyang ng Star Magic.

Inamin naman ng mga namumuno ng Star Magic na talagang may talent si Martin at ang talent nito ay natural at hindi na kailangan pang pilitin. Mahusay siya sa akting, sa drama man o comedy ay papuri ang natamo ni Martin.

Hindi lamang sa telebisyon napanood si Martin dahil lumawak na ang kanyang ginagalawan nang mag-debut siya sa pelikula ng Star Cinema, ang Till My Heartaches End at nakuha niya rin ang lead role sa isang Indie film na Dagim. Niliwanag ni Martin na ang talagang unang pelikulang ginawa niya ay Dagim pero dahil sa naunang lumabas ang Till My Heartaches End kaya ito ang naitalang una niyang pelikula.

Sa bakuran ng ABS CBN ay marami pa siyang nagawang mga tv appearances sa drama series at ilan dito ay ang Magkano Ang Iyong Dangal? , Juanita Banana at ang horror-fantasy drama TV series na Rosalka.

Nagkaroon din ng pagkakataong makasama si Martin para sa guesting appearance sa remake ng Mara Clara. Unang acting award din ang kanyang nakuha noong taon na yun bilang “Breakthrough Performance by an Actor” para sa Indie film na Dagim mula sa 8th Golden Screen Awards na inihandog ng Entertainment Press Society, Inc. Nakuha din niya ang “New Movie Actor of the Year” award, para sa Dagim mula sa 27th PMPC Star Awards for Movies. At dahil sa awards na nakuha niya ay nagpatuloy ang buhos ng offers sa kanya. Nagkaroon din siya ng pagkakataon na mai-direk ng mahusay na direktor na si Cathy Garcia Molina para sa tv series na Precious Hearts Romances Presents: Pintada, kasama si Denise Laurel. At ang huli niyang project sa ABS ay ang Juan dela Cruz kung saan ang lead actor ay si Coco Martin.

Tinatanaw na malaking utang na loob ni Martin Del Rosario sa ABS CBN ang pagkakaroon niya ng pagkakataon na maipakita ang kanyang talent sa larangan ng akting. Ilang taon ang kanyang pananatili sa bakuran ng ABS CBN at marami siyang naging masayang experiences at ngayon ay gusto naman niyang subukan ang ibang network hindi para makipag-kumpitensya kundi para lumawak pa ang kanyang mundong ginagalawan.

Sa bakuran ng GMA 7 at napasabak agad siya sa isang psychological drama series na Rhodora X. Taong 2014 nang pumirma siya ng exclusive contract sa bakuran ng GMA 7 at pagkatapos noon ay sabak agad siya sa afternoon drama series na Buena Familia. Nagkaroon din siya ng guest appearance sa primetime series na Pari ‘Koy bilang gay lover ni Hiro Peralta at sa teleseryeng Beautiful Strangers na ginampanan niya ang role bilang si Oliver Lacsamana.

Taong 2015 nang makuha niya ang “Best Supporting Actor” award mula sa Gawad Urian Award para sa pelikulang Dagitab. Nagtuluy-tuloy ang buhos ng proyekto kay Martin dahil bukod sa pagiging artista sa telebisyon ay naging abala rin siya sa paggawa ng pelikula.

Taong 2016 nang lumabas ang pelikulang Die Beautiful kung saan ang lead role ay si Paolo Ballesteros, ito ay tumabo ng awards mula sa iba’t ibang international award giving bodies na ikinatuwa ng producers na sina Percy Intalan at Jun Lana kaya naman taong 2018 ay gumawa ulit sila ng isa pang pelikula na

Alam nilang tatatak din sa isipan ng mga manonood, ang Born Beautiful. Mahusay ang kanyang pagkakaganap at maraming kritikong humanga sa kanyang role bilang si Barbie at dito ay nanalo siya ng isa pang acting award bilang Best Leading Male Performance (Digital) sa 24th Asian Television Awards.

Ang sumunod na pelikula ay ang The Panti Sisters kasama sina Paolo Ballesteros at Christian Bables na naging super hit sa takilya at nakakuha pa ng award si Martin sa pagganap niya bilang si Daniel Panti, bilang Best Actor sa Pista Ng Pelikulang Pilipino. “Nakagawa ako ng isang character na kahit na sobrang extreme niya, nabigyan ko siya ng puso. Nakaka-overwhelm” Bukod sa top grosser, nanalo pa ng Best Actor. At kasabay pa nun ay napasama din siya sa teleseryeng The Gift kung saan siya ay gaganap na half brother/ kontrabida kay Alden Richards. “Overflowing ‘yung blessings, hindi ko na ma-explain ‘yung saya na nararamdaman ko,” pag-amin ni Martin.

“Gustung-gusto ko talagang magplay ng iba’t ibang roles. Sa bawat character na ‘yan, feel ko nagagawa ko ‘yung best ko, itong mga awards na ito, ito ‘yung nakaka-inspire bilang artista. Pag na-recognize kasi parang may affirmation na tama pala ‘tong ginagawa ko, nasa tamang landas ako,” lahad pa ni Martin.

Sa panahon ng pandemya, unti-unti nilang itinutuloy ang pagte-taping at balik-trabaho na pero may restrictions at kailangan nilang sundin ang safety guidelines para siguruhing ligtas ang bawat artista at empleyado ng GMA Network.