Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Cover Focus

Maine Mendoza is Vic Sotto’s ‘Daddy’s Gurl’

Bagong taon na! Siyempre dapat masaya ang lahat sa pagsalubong sa Bagong Taon. Bagong taon, bagong buhay at mga bagong tao na ating makakasalamuha sa taong ito. Lahat masaya at dapat tuluy-tuloy ang kasiyahan. Ang mga Pinoy ay masayahin kaya mahilig sila sa masasayang lugar at events sa kahit anong form of entertainment. Ang kasiyahang nararamdaman nila kapag naririnig nila ang mga musikang nagpapasaya sa kanila lalo pa’t kung ito ay inaawit ng kanilang paboritong singers, o mga masayang pelikula na sadyang dinarayo ng manonood at sa hindi naman mahilig manood ng sine, ang isa pang medium kung saan nila nakukuha ang kanilang kasiyahan ay sa panonood ng telebisyon. At isa na riyan ang panonood ng mga paborito nilang artista na umaarte at nagpapatawa sa telebisyon.
Sina Vic Sotto at Maine Mendoza ay araw-araw napapanood sa “Eat Bulaga” at nagbibigay-aliw sa mga manonood mula Aparri hanggang Jolo. Ang Tito, Vic at Joey na nagpaligaya ng halos apat na dekada at bumibilang pa. Marami sa mga sikat na artista natin ngayon ay nag-umpisa rin sa “Eat Bulaga” at isa na riyan ang Phenomenal Star na si Maine. Malaki ang pasasalamat ni Maine sa bumubuo ng “Eat Bulaga” dahil ito ang nagbigay daan sa kanya upang matupad ang kanyang pangarap na mapasok ang mundo ng showbiz.

Bago pa man sumapit ang Kapaskuhan ay may inihandog na bagong sitcom si Bossing Vic at kasama niya ang Phenomenal Star na si Maine. Situational Comedy (sitcom) kasama si Wally Bayola. Bukod diyan ay ipinalabas din ang kanilang pelikulang “Jack Em Popoy: The Puliscredibles” kasama ang sikat na si Coco Martin. Tumabo sa takilya dahil pagsamahin ba naman ang dalawang artistang tinitingala sa showbiz at isama pa ang pinakabagong star phenomenon na si Maine eh natural na maghi-hit ang pelikula. Kumbaga, maganda ang chemistry nina Vic at Maine sa pagpapatawa. Unti-unti nang nahuhurno si Maine sa comedy na likas din namang masayahin at mapagpatawa. Malayo na ang narating ni Maine mula sa pagiging Dubsmash Queen at ngayon ay isa ng ganap na artista at umaaksiyon pa. ‘Yan din naman ang gusto ng management na nagha-handle sa kanya, ang Triple A talent management na pag-aari ng executive producer ng “Eat Bulaga!” na si Antonio Tuviera, naging versatile si Maine para kahit sa comedy man o aksyon at drama ay pwede si Maine at ang kanyang pagko-co-host sa “Eat Bulaga” araw-araw ay nagbibigay din sa kanya ng pagkakataon na ma-practice naman ang kanyang hosting skills. Isa si Maine sa highest paid at most-preferred faces para sa television commercials. Noong taong 2017 ay na-surpass niya si Kris Aquino bilang top endorser. At sa kasalukuyan ay dagsa pa rin ang endorsements niya kaya hindi na paaawat itong si Maine para ma-reach niya ang achievement bilang isang star. Isa si Bossing Vic na nainiwala na ang talent ni Maine ay mae-enrich pa sa pagtagal-tagal niya sa showbiz. Malabo pang mag-retire sina Bossing Vic, Senator Tito at Joey sa “Eat Bulaga.” Ika nga nila, hangga’t may nanonood ng kanilang programa ay hindi sila titigil sa pagpapasaya ng mga tao. Kaya nga kapag napapanood ang trio sa noontime show nila ay makikitang naka-relax mode na sila dahil hinahayaan na nila ang kanilang co-hosts ang magbigay-aliw sa mga manonood. Pero hindi rin naman nila diumano papabayaan ang show dahil kakabit na ito ng kanilang pang araw-araw na aktibidades at therapy na sa kanila ang magpunta sa studio na lumipat na sa bagong bahay nito sa Marcos Highway sa Cainta. Kung matatandaan, sa studio sa Marcos Highway unang nag-broadcast ang pinaka-unang episode ng “Eat Bulaga” at kanilang babalikan ang kanilang pinagmulan. Anyway, saan man ilagay ang “Eat Bulaga” ay darayuhin pa rin ng live audience.

Kay Bossing Vic ay parang pangalawang tahanan na niya ang “Eat Bulaga,” ang daily routine niya na hindi na mababago. Well, ang nagbago ay nang ikasal siya kay Pauleen Luna at pagkakaroon nila ng baby na si Tali na lalong nagbigay sigla kay Bossing Vic. Wala nang makakatinag sa kanya, ika nga, at si Maine naman ay unti-unti na rin nakakasanayan ang mundo ng showbiz.
Ang bago nilang programa na i-introduce late part ng 2018, ang “Daddy’s Gurl” ay laging inaabangan ng mga manonood dahil alam nilang kapag Bossing Vic eh comedy yan at samahan pa ni Maine at ni Wally Bayola ay mas lalong wacky ang programa. Ang role nila ay promding widower na si Barak Otogan (Vic Sotto) at ang pasosyal na unica hija ni Barak na si Visitacion “Stacy” Otogan. Ang mag-amang laging magkasalungat ang pananaw at opinyon sa buhay.
Si Barak na isang devoted husband na nagmamay-ari ng Otogan Farm sa Batangas at si Visitacion na mapagmahal na anak. Subalit nang sila ay lumipat sa Maynila ay nagpalit si Visitacion ng pangalan at siya ay naging si Stacy na isang trendsetter/influencer/digital maven na ang tanging goal ay mag-trend sa social media.
Kasama sa pagpapasaya ng “Daddy’s Gurl” ay si Wally Bayola na gumaganap bilang namayapang asawa ni Barak na si Marikit Otogan. Namayapa man siya ay hindi naman umalis ang kanyang kaluluwa sa mundo ng mga buhay kaya nakakausap pa rin niya si Barak sa pamamagitan ng kanyang larawan na naka-hang sa dingding na kinakausap ni Barak madalas. Ang dying wish ni Marikit ay i-guide at subaybayan ni Barak ang kanilang nag-iisang anak na si Visitacion hanggang sa makatayo na siya sa sarili niyang mga paa. Mula sa probinsya na sadyang kinasanayan ni Barak ay lumipat sila sa Maynila at tumira sa condo upang masundan ang hilig ng anak. Hindi man sila magkasundo sa maraming bagay ay umiiral pa rin sa huli ang kanilang pagiging isang pamilya.
Ang “Daddy’s Gurl” ay istoryang nakikita natin sa tunay na buhay. Kahit anuman ang kanilang pinagdadanaan o hindi pinagkakasunduan, sa huli ay naaayos din dahil nareresolba ito sa maayos na usapan.
Masaya at nakakatuwa ang hatid nina Bossing Vic at Maine sa mga manonood at patuloy pa silang magbibigay ng saya hangga’t nariyan ang mga manonood na patuloy na sumusubaysay sa kanila.