Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Cover Focus

Ang Pagkakaibigan

JOJITLORENZO2016071320160713 LANGIT AT LUPA_JOJITLORENZO_157

Sa mundong ating ginagalawan, marami sa atin ang may kanya-kanyang istorya ng pagkakaibigan. May pagkakaibigang nabubuo mula sa pagkabata, magkalaro, magkaklase sa eskwela, pagkakaibigan dahil sa pamilya. Mas madalas na makita ang mga magkakaibigang pareho ng antas sa buhay. Bihira mong makita ang magkaibigang ang isa ay nakakaangat at ang isa ay hindi nakakaangat. Ibig sabihin ay langit at lupa ang agwat.

Ang ganitong klaseng pagkakaibigan ay madalas na sinusubok ng tadhana. Ang tadhana na mismo ang gumagawa ng paraan upang mapatunayan kung ang kanila bang pagkakaibigan ay tunay o hanggang salita lamang. Tulad ng teleseryeng inihandog ng ABS-CBN, ang “Langit Lupa.” Maging sapat kaya ang salitang pagkakaibigan upang pagtugmain ang kani-kanilang mga buhay na maituturing na langit at lupa ang agwat?

Ang istorya ng nasabing teleserye ay tungkol sa dalawang ‘prinsesa’ ng kani-kanilang tahanan na magkaibang buhay ang nakagisnan. Dito ipinakikilala ang mga bagong child wonder na sina Xia Vigor at Yesha Camile. Si Xia bilang si Princess at si Yesha bilang si Esang.

Lumaki sa marangyang pamilya ang una (Xia) samantalang simpleng buhay naman ang kinagisnan ng huli (Yesha). Dahil sa kanilang pagkakaiba, nagsimula sa away ang kanilang pagkakaibigan pero hindi nagtagal, nauwi rin ang dalawa sa pagiging mag-best friends.

Ngunit sa pagtibay ng kanilang samahan, muling sasariwa ang hindi pa naghihilom na sugat ng nakaraan na hindi nila akalaing magbabalik pa.

Gaya nila, naging matalik na magkaibigan din ang kanilang mga ina na sina Lala (Yam Concepcion) at Dey (Alessandra De Rossi). Sabay nilang tinupad ang kanilang mga pangarap at kalauna’y naging business partners. Pero nang magkaroon ng malubhang sakit si Dey, hindi nakuha ng kanyang asawang si Joey (Jason Abalos) ang sapat na halagang pampagamot nito mula kay Lala at asawa niyang si Ian (Patrick Garcia). Dahil dito, naging matindi ang galit ni Joey sa mag-asawa at sinisi ang dalawa sa maagang pagkamatay ni Dey. Matagal na panahong kinimkim ang hinanakit dahil sa pagkamatay ni Dey at nasira ang kanilang pagiging magkaibigan. Ang pagkakaibigan napuno ng galit at hinanakit na pati ang mga munting anghel ng kanilang tahanan ay naapektuhan.

Sa pagkakaibigan bang ito nina Esang at Princess ay magbigay daan sa muling pagbubuklod ng kani-kanilang pamilya?

Yesha Camile

Itinanghal na Grand i-Shiner ng “Promil Pre-School i-Shine Talent Camp 2” si Yesha Camile, ang “Incredible Drama Princess” ng Davao. Siya rin ang hinirang na Top i-Shiner for acting.

Si Yesha ang pinakabatang kalahok sa naturang kompetisyon. Nang tanungin ang bibong bata kung expected na niya ang pagkakapanalo, ang maliksing sagot nito, “Opo, alam ko na po at excited na po ako doon. Gusto ko po kasi talagang manalo at maging Grand i-Shiner.”

Lumabas na rin siya sa ilang Kapamilya shows gaya ng “Nathaniel” at “Hawak Kamay,” kung saan marami ang humanga sa kanyang mahusay na pag-arte. Ang sabi ng mga manonood ay natural at hindi pilit ang akting ng bata.

Xia Vigor

Maganda ang bukas ng mukha na para bang munting kerubin. Nadiskubre siya sa pamamagitan ng pag-i-impersonate niya kay Selena Gomez. Ang isang segment ng “It’s Showtime” na “Mini Me” kung saan itinanghal siya bilang grand winner. Pinabilib niya ang audience sa kanyang natural na pag-akting at adlib na nakikipagtagisan ng talino sa mga may edad at nagpakita ng confidence kung kaya’t hinangaan siya ng mga hosts ng “Its Showtime.” Dahil sa angking talino sa pag-arte ay binigyan siya, tulad ni Yesha, ng isang magandang proyekto na susubok sa kanyang talento. Bago pa man dumating ang “Langit Lupa” ay lumalabas na rin si Xia sa iba’t ibang teleserye ng ABS-CBN at isa na rito ay ang “FPJ’s Ang Probinsyano.”

Hindi pinalampas ng mga manonood ang pag-uumpisa ng kwento ng pagmamahal at pagkakaibigan sa pinakabagong serye ng ABS-CBN na “Langit Lupa,” kaya naman nanguna ito sa national TV ratings.

Kasama rin sa “Langit Lupa” sina Ellen Adarna, Tommy Esguerra, Miho Nishida, Jairus Aquino, Sharlene San Pedro, Buboy Garovillo, Viveika Ravanes at Kitkat. Ito ay sa direksyon nina Carlo Po Artillaga at Myla Ajero-Gaite, kasama si Mel Del Rosario bilang creative manager, sa ilalim ng business unit na pinamumunuan ni Ruel Bayani.