Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Cover Focus

Kylie Padilla as Actress, Mother, Wife

Sa mundong ginagalawan ngayon ni Kylie Padilla ay masasabi nating tatlong importanteng role ang kanyang ginagalawan. Ang pagiging actress, ina at asawa. Ito ang masasabi niyang greatest performance na hindi matatawaran ng kahit sinuman.

Hiwalay man ang kanyang mga magulang, sa mura niyang edad ay nangarap na siyang pasukin ang mundong ginagalawan ng kanyang amang si Robin Padilla. At hindi ito naging handlang upang tuparin niya ang kanyang pangarap. Tumira siya sa poder ng kanyang ama, at pinasok niya ang pag-aartista. Naging home studio niya ang GMA Network kung saan nabigyan siya ng iba’t ibang proyekto. Isa siyang Padilla at hindi ito dapat kuwestiyunin. Ang dugong nananalaytay sa kanya ay dugong artista kaya yun din ang kanyang tinahak na landas.

Naging supportive ang kanyang pamilya sa kanyang pag-aartista. At sa kanyang pagdadalaga ay syempre hindi rin maiiwasan ang magkaroon ng tinatangi.

May naging crushes siya at naging makulay ang kanyang love life. Bukod sa kanyang inang si Liezl Sicangco ay nariyan din si Mariel Rodriguez na tumatayong pangalawang ina, confidante at kaibigan ni Kylie. Naging open book ang love story nila ni Aljur Abrenica na parang naging “You and Me Against the World” ang love theme dahil sa tutol ang kanyang amang si Robin sa kanilang pag-iibigan hanggang sa lumambot din ang puso nito at tinatanggap si Aljur bilang boyfriend ni Kylie.

Sa buhay pag-ibig, kapag kapwa artista ang magkarelasyon ay hindi maiiwasan ang away-bati at selosan. Tipikal na nangyayari sa ordinaryong magkasintahan. Inakala ng marami nang magkahiwalay sina Aljur at Kylie ay hindi na ito magkakabalikan pa. Subalit sabi nga ng iba, kapag totoo ang pagmamahalan, kahit harangin man ng sibat ay hindi mo ito mapipigilan. Nagkabalikan sina Kylie at Aljur.

Nagpatuloy si Kylie bilang contract artist ng GMA 7 at naging bahagi ng “Encantadia.” Maraming nag-audition sa role ng mga Sanggre at si Kylie ang napiling gumanap bilang Amihan at itinambal siya kay Ruru Madrid. Mabilis na tinanggap ng mga tagahanga ang love team na nabuo sa pagitan nina Kylie at Ruru kahit pa identified si Ruru bilang love team ni Gabbi Garcia.

Subalit sa hindi inaasahan, lumabas ang balitang nagdadalang-tao si Kylie. Naging maagap din ang pamunuan ng “Encantadia” upang protektahan ang role ni Amihan at si Kylie. Being a professional ay ipinagpatuloy ni Kylie ang pagte-taping hanggang sa kailangan na niyang mag-maternity leave. Ang kanyang pag-exit sa “Encantadia” ay naging maganda at hindi basta na lang tinanggal dahil alam ng pamunuan ng programa na kung hindi mabibigyan ng tamang exit ang role ni Amihan ay marami sa mga manonood ang magtatampo dahil maraming nabuong tagahanga ang Kylie-Ruru tandem at maging ang tagahanga ni Amihan.

Ang usaping pagbubuntis at pagbuo ng pamilya ay naging issue sa mag-amang Kylie at Robin dahil hiniling ni Robin na maikasal sila ni Aljur para mapagtibay ang kanilang samahan. Isang kahilingan ng isang magulang na walang hinangad na masama para sa kanyang anak. Hindi naging on speaking terms sina Aljur at Robin dahil sa isyung ito.

Hanggang sa ipinanganak si baby Alas, ang anak nina Aljur at Kylie. Tensyonado ang paligid nang magkita sina Robin at Aljur pero naging civil si Robin. Hindi rin naman nagtagal at ibinalita na rin nina Kylie at Aljur ang kanilang hangaring magpakasal na labis na ikinatuwa ni Robin at ng asawa nitong si Mariel at ng ina ni Kylie na si Liezel.

Natuloy ang kasalan at wala na sigurong pagsidlan ng tuwa si Kylie nang makita niyang maayos na ang lahat sa pagitan ng ama at ni Aljur.

Habang lumalaki si baby Alas ay ibinibigay nina Kylie at Aljur ang pagmamahal at atensyon na kaya nilang ibigay. Gusto nilang maging normal ang paglaki ni Alas kahit pa kapwa artista ang kanyang mga magulang. Busy dahil kabi-kabila ang guestings at tapings pero hindi nawawala ang quality time na ibinibigay nila sa kanilang pamilya. Ito yung tinatawag na challenging role na ginagampanan ng showbiz moms at isa na rito si Kylie.

Hindi rin naman sinosolo ni Kylie ang credit sa pag-aalaga sa kanilang anak ni Aljur. Kapag may trabaho si Aljur ay nasa bahay si Kylie para sa bata at vice versa pero paminsan-minsan ay dinadala rin ni Kylie si Alas sa set. All praises din si Kylie kay Aljur dahil hands on ito sa pag-aalaga sa bata.

Time flies so fast, parang kailan lang ay ipinanganak si baby Alas at ngayon ay magtu-two years old na siya at excited sina Kylie at Aljur na paghandaan ang kaarawan nito sa November. Unti-unti na ring nasasanay si Kylie na hatiin nang tama ang oras niya sa taping at pagiging mommy kay Alas at maybahay kay Aljur. Sabi nga, time management ang importante. Hindi rin naman siya pinapabayaan ng kanyang pamilya at laging nandyan kung kailangan ang suporta.

Sa kasalukuyan ay lumalabas si Kylie sa TV series na “TODA One I Love” katambal si Ruru. At masaya siya dahil maganda ang pagtanggap ng viewers sa programa na ito na isang family, love at politics serye.

Sa mga tagahanga ni Kylie ay masasabi nilang passing grade ang kanilang maibibigay sa kanya sa pagganap bilang isang artista, asawa at ina.

Photos by GMA 7