Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Showbizz

Pamilyang hangad ay pag-ibig, igagapos ng kasakiman sa seryeng “Kadenang Ginto”

Isang bagong kuwento ang kakapitan ng mga manonood tungkol sa isang pamilyang pinakinang ng pag-ibig ngunit binalot ng kasakiman sa “Kadenang Ginto,” na mapapanood sa labas ng Pilipinas via The Filipino Channel (TFC), na ang pilot episode ay mayroong streaming sa karamihan ng mga bansa via TFC Online (www.TFC.tv) sa October 8.

Kilalanin si Romina (Beauty Gonzalez), ang babaeng maaasahan lalo na ng kaniyang pamilya dahil sa kaniyang kasipagan. Puno rin siya ng ligaya dahil kay Carlos (Adrian Alandy), ang kaniyang butihing nobyo. Masaya silang mag-iibigan at bubuo ng pangarap, hanggang sa magpasya silang magpakasal.

Ngunit bago maganap ang pinakahihintay nilang araw, isang krimen ang sisira sa buhay ni Romina–gagahasain siya ng isang hindi kilalang lalaki. Dahil hindi naniniwalang ginahasa ang nobya, makikipaghiwalay si Carlos kay Romina, na hahantong naman sa matinding pagluluksa ng dalaga. Lalo pang gugulo ang sitwasyon dahil magbubunga ang nangyaring krimen kay Romina at magdudulot ng matinding panghuhusga.

Sa gitna ng unos, masasandalan niya si Robert (Albert Martinez), ang may-ari ng pinagtatrabahuhan niyang kumpanya. Mauuwi sa isang relasyon ang kanilang pagsasama, ngunit hahadlangan ito ng anak ni Robert na si Daniela (Dimples Romana). Dahil mababa ang tingin sa dalaga kay Romina, ipapamukha ni Daniela na pera lang ang habol ni Romina sa pamilya at gagawin ang lahat upang mailayo ito mula sa ama.

Upang pahirapan at galitin ang kaaway, aakitin ni Daniela si Carlos–isang relasyong mauuwi sa kasalan at magbubunga ng anak nilang si Margaret (Andrea Brillantes).

Ngunit sa pag-aakalang madali niyang makukuha ang mana mula sa kaniyang ama, malalaman niyang makakaagaw na rin nilang mag-ina sa yaman hindi lang si Romina kundi maging ang anak nitong si Cassandra (Francine Diaz). Dito mas titindi ang kanilang hidwaan para sa karapatan at pagmamahal mula kay Robert, lalo na dahil magsasama-sama sila sa iisang bubong.

Ang hidwaan sa pagitan nina Daniela at Romina ay tila madadala rin ng kanilang mga anak na sina Margaret at Cassandra. Si Margaret ay lalaking maluho at malapit sa kaniyang ina na si Daniela. Habang si Cassandra ay palalakihin ni Romina na matulungin, mabait at masunurin.

Sa pagsasama-sama nila sa iisang bubong, titindi ang inggit ni Margaret kay Cassandra dahil sa pagiging malapit nito kay Robert na kaniyang lolo at kalalakihang ama ng huli.

Nagpakita na ng kakaibang talento sa pag-arte sina Brillantes at Diaz sa murang edad. Unang pinabilib ni Brillantes ang lahat nang bumida siya sa seryeng “Annaliza”. Dito ay tinagurian siyang Teleserye Princess at nagwaging Best Child Performer Award mula sa PMPC Star Awards for Television noong 2013.

Ang batang aktres na si Diaz naman ay unang pinamalas ang husay sa pag-arte ng gumanap bilang batang Erich Gonzales sa “Be My Lady” noong 2016, at batang Kim Chiu sa “Ikaw Lamang ang Iibigin” noong 2017.

Samantala, kasama rin sa cast ng “Kadenang Ginto” sina Eula Valdez, Ronnie Lazaro, Luke Conde, Nikko Natividad, Adrian Lindayag, Kat Galang, at Savannah Rosales. Ito ay sa ilalim ng direksyon ni Jerry Lopez Sineneng.

Muli nga kayang maibalik sa dati ang mga ginintuan nilang puso na nabahiran na ng poot?

Huwag palampasin ang seryeng “Kadenang Ginto,” na mapapanood sa labas ng Pilipinas via TFC, na ang pilot episode ay mayroong streaming sa karamihan ng mga bansa sa mundo via TFC Online (www.TFC.tv) sa October 8 at 3:45 P.M. (Manila time).