Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Showbizz

Kadenang Ginto, Patuloy sa Pamamayagpag

Mas dumarami pa ang mga kabahayang tumututok sa mga nakakagigil na eksena ng bagong season ng “Kadenang Ginto” tuwing hapon, kaya naman muli itong nagtala ng bagong all-time high national TV rating. 

Tinutukan ng mga manonood ang episode kung saan pilit na hinadlangan ni Marga (Andrea Brillantes) si Kristoff (Kyle Echarri) sa pag-amin niya ng tunay niyang nararamdaman para kay Cassie (Francine Diaz). Ito rin ang pagkakataong ipinagtapat ni Marga ang pagmamahal para sa binata, ngunit binalewala ito ni Kristoff, at nanindigang si Cassie ang tunay niyang mahal.

Wala naman nang sinayang na pagkakataon si Kristoff nang muli silang magtagpo ni Cassie dahil agad niya nang sinabi na mahal niya ito. Bagama’t nagulat, hindi rin naman napigilan ni Cassie na umamin at sabihing mahal niya rin ang binata.

Ngayong nagtapat na sina Cassie at Kristoff sa isa’t-isa, paano tatanggapin ni Marga na karibal niya rin sa pag-ibig ang kanyang tiyahin? May makikilala nga kaya siyang ibang lalaki na babago sa kanyang nararamdaman?