Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Cover Focus

Justice Never Looked This Beautiful: The Women Power is On!

Ang pinakabagong drama-action series ng GMA Telebabad na maghahatid ng hitik na hitik na aksyon sa telebisyon, ang “Beautiful Justice.” Istorya ng tatlong kababaihan na pinagtagpo ng tadhana dahil sa trahedyang sinapit ng kani-kanilang mahal sa buhay.

Itinatampok sina Yasmien Kurdi, Bea Binene at Gabbi Garcia. Nung una kong makita ang trailer at mga pics, pumasok agad sa isip ko ang defunct U.S. show na “Charlie’s Angels” na isinapelikula rin.

Labis kong hinangaan ang mga kababaihang character sa nasabing TV series at nag-asam na sana ay magkaroon din ng teleserye na itatampok ang tatlong kababaihan na matapang na lalaban sa kriminalidad na bumabalot sa sosyedad.

Ang kapalaran ng tatlong kababaihan, si Yasmien na gaganap bilang si Alice, si Bea na gaganap bilang si Kitkat, at si Gabbi na gaganap bilang si Brie. Paano sila pinagtago ng pagkakataon? Ang asawa ni Alice (Yasmien), kapatid ni Kitkat (Bea) at boyfriend ni Brie (Gabbi) ay pare-parehong ahente ng pamahalaan, ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). 

Sa kasamaang palad, ang mga ahente ng PDEA na ito ay namatay dahil sa isa diumanong failed mission. Hanggang sa madiskubre ni Alice (Yasmien) na nagkaroon ng foul play. Hindi aksidente kundi sadyang pinatay sila ng isang makapangyarihang drug syndicate. Dito na mag-uumpisa ang paghihiganti ng tatlong kababaihan at sa pamamagitan ni Vin (Gil Cuerva), isa rin ahente ng PDEA ay tinuruan niya ang tatlong kababaihan upang mahanap at maipaghiganti ang kanilang namatay na mahal sa buhay. Hanggang saan nga ba makakarating ang paghihiganting ito?  Yan ang tutukan ng mga manonood dahil siguradong punum-puno ng aksiyon at drama ang seryeng ito.

Maganda at bagay sa tatlong lead na sina Yasmien, Bea at Gabbi ang kani-kanilang role. Sa panahon ngayon, may napatunayan na ang mga kababaihan na kaya rin nilang makipagsabayan sa mga kalalakihan. Kumbaga, nagkaroon na ng boses ang mga kababaihan at dito sa bagong teleseryeng ito ay pinapatunayan lamang na nabago na ang mundo ng mga kababaihan at may kakayahan na rin silang ipagtanggol ang kanilang mga sarili.

Si Yasmien Kurdi na produkto ng “Starstruck” ay matagal na rin loyal Kapuso. Mula sa umpisa hanggang sa siya ay nagkaroon ng pamilya ay nanatili siyang Kapuso. Kaya naman malaki rin ang pasalamat niya sa mga projects na ibinibigay sa kanya. Naging inspirasyon ng ilang artista nang tapusin niya ang pag-aaral sa kolehiyo. Naging successful hindi lamang sa showbiz kundi maging sa loob ng kanyang tahanan. Kahit sunud-sunod pa ang kanyang mga projects sa GMA 7 ay hindi niya pinababayaan ang kanyang pamilya. Ulirang ina at asawa kaya naman laging nagkakakabit sa kanya ang swerte.

Si Bea ay hindi na bago sa mundo ng martial arts. Isa siyang active wushu member at umaasam na makasama siya sa Philippine national wushu team sa future. Masaya siya at napasama siya sa “Beautiful Justice” dahil physically fit siya upang gampanan ang role bilang si Kitkat. Nag-enjoy siya sa intense training na ginawa nilang tatlo para mapaghandaan ang kanilang role. Maituturing niyang isa ito sa kanyang dream project dahil action ang naturang serye.

Si Gabbi nakilala bilang si Sang’gre Alena sa “Encantadia.” Bago pa dumating ang role niya sa “Beautiful Justice” ay nagkaroon na rin siya ng training noong panahon ng “Encantadia.” Pero ang intensity ng training sa “Beautiful Justice” ay kakaiba dahil baril na ang hawak nila. Pagulung-gulong, paglundag, paghawak ng baril, pagtakbo, at kung anu-ano pa ay kailangan maayos nilang matutuhan para lahat ay nasa timing para maiwasan ang disgrasya.

Umaasa ang tatlo na magugustuhan ng manonood ang kanilang teleserye dahil kanilang pinagbutihan at pinaghandaan ang kanilang role sa maaksyong “Beautiful Justice.”