Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Cover Focus

Jericho Rosales: Multi-Awarded Asia’s Prince of Dramas

Sa 20 taon ni Jericho Rosales sa showbiz ay hindi na matatawaran ang kanyang mga achievements. Mula sa pagiging “Mr. Pogi” winner sa “Eat Bulaga” ay naipamalas na ni Echo ang kanyang talento sa iba’t ibang larangan – mapa-acting man, music at business ay naipakita na niya ang kanyang husay.

Magaling na aktor si Echo, kumbaga, wala na siyang dapat patunayan sa kanyang mga nakapanabayan. Masasabing ang kanyang career ay nasa steady status. Kapag hindi mo napapanood sa telebisyon, may ibang pinagkakaabalahan si Echo, either gumagawa ng pelikula o
bagong recording o inaasikaso ang kanyang negosyo.

Sumikat ang tambalan nila ni Kristine Hermosa sa teleseryeng “Pangako Sa’Yo” (2000-2002) na ipinalabas sa iba’t ibang bansa tulad ng Malaysia, China, Ghana, Cambodia, Peru at Colombia. Sumunod na napanood ng mga tagahanga ang “Sana’’y Wala Nang Wakas” (2003-2004) at “Dahil May Isang Ikaw” (2009-2010) kasama si Kristine. Sa Peru, kilala si Echo sa kanyang role sa “Bridges of Love (Puentes de Amor)”, ang kauna-unahang Filipino drama na inere sa Latin American market. Tulad din ng “The Legal Wife” (2014), kasama sina Maja
Salvador at Angel Locsin, na sumikat sa African at Balkan regions.

Sa pagitan nang paggawa ni Echo ng mga teleserye sa telebisyon ay gumagawa rin siya ng mga pelikulang natatak sa isipan ng mga manonood. Ginawa niya ang “Pacquio: The Movie” noong 2006 kung saan pinortray niya ang buhay ng legendary Filipino boxer champion na si Manny Pacquiao na nagbigay sa kanya ng dalawang best actor trophies. Taong 2008 ay naulit muli ang kanyang success sa pagkamit ng dalawa pang best actor awards para sa pelikulang “Baler” katambal si Anne Curtis.

Isang international film, ang “Alagwa” ang nagbigay ulit sa kanya ng best actor trophy mula sa prestihiyosong Gawad Urian Awards. Maraming nakamit na awards ang naturang pelikula at binigyang pagkilala, ang Most Outstanding Achievement in Film Acting Award sa 2013 Newport Beach Film Festival sa California; the Grand Jury Award – Best Narrative Feature sa 3rd Guam International Film Festival; Best Narrative in the Third World Independent Film Festival; at ang First ASEAN International Film Festival.

Bukod sa pagkilala sa kanyang acting mula sa iba’t ibang award giving bodies sa iba’t ibang bansa ay patuloy pa rin siyang gumagawa ng pelikula para sa Metro Manila Festival. Noong 2016, ginampanan niya ang role ni Jose Rizal sa pelikulang “Bonifacio: Ang Unang Pangulo” na ginampanan naman ni Robin Padilla. Pagkatapos ay ginawa rin niya ang isang romance comedy, ang “Walang Forever” (2015), katambal si Jennylyn Mercado, “Ang Babae sa Septic Tank 2: #ForeverIsNotEnough” taong 2016, at “Luck At First Sight” katambal naman si
Bela Padilla noong 2017.

Taong 2017 din nang gawin ni Echo ang pelikulang “Siargao” na dinerehe ni Paul Sorinao kung saan nakatambal niya sina Erich Gonzales at Jasmine Curtis-Smith.

Ang versatility ni Echo ay hindi matatawaran. Kapag hindi siya gumagawa ng pelikula ay abala naman siya sa paggawa ng musika. Nakapag-release na siya ng tatlong full-length albums at nagkamit ng maraming music awards kasama na riyan ang Song of the Year Award para sa “Pusong Ligaw.” Iba pang musika na kanyang nai-produce at isinulat ay para sa mga teleserye tulad ng “Green Rose,” “Dahil sa Pag-Ibig (Because of Love)” at “I Dare You.”

Ang pinakabagong teleserye ni Echo ay ang “Halik.” Kino-konsiderang groundbreaking drama dahil ang istorya ay inilalahad sa point of view ng bidang lalake. Ang lead actor ang focus ng naturang istorya. Bago ito dahil palagi nating napapanood sa mga teleserye na ang istorya ay ayon sa pananaw ng bidang babae, kaya naman dapat talagang tutukan ng mga manonood dahil kakaiba ang shift ng istorya at umaasa si Echo na ang kanyang mga loyal fans at mga TV audience ay ready na sa pagtanggap sa ganitong klaseng formula. Ang character na ginagampanan ni Echo sa teleseryeng ito ay isang lalake na pilit na umiiwas sa tukso. Bukod sa “Halik” ay gumagawa rin si Echo ng pelikula, ang “The Girl in the Orange Dress” katambal si Jessy Mendiola na entry sa Metro Manila Film Festival sa Disyembre.