Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Community Watch

Hanggang sa Muli, Assistant Labor Attaché Liwayway Y. Ilo

Ma`am Liway” – ito ang bansag sa kanya ng Filipino communities. “Choo choo train” naman ang paboritong patugtugin sa mga event kapag nandiyan na si A.L.A. Liway.

Ang ating Assistant Labor Attaché na si Liwayway Y. Ilo ay tubong Medellin, Cebu at ipinanganak noong Agosto 1. Pinalad siya na ma-assign sa Japan noong Enero 2012 hanggang 2015 bilang Welfare Officer at naging A.L.A. isang taon at sampung buwan ng kasalukuyan. Ang unang pagdalo niya sa isang Filipino community ay sa Abraenian Association in Japan (AAIJ). At, ang unang talumpati niya ay sa oath-taking ceremony ng Philippine Digest Readers Club (PDRC) na ginanap sa Ihawan Restaurant sa Kabukicho, Shinjuku.

Si Ma’am Liway sa mahabang panahong nang pagbibigay ng serbisyo sa mga Pinoy sa Japan. Ayon sa kanya, “Siyempre maraming iba’t-ibang problema ang ating mga manggagawang Pilipino ang na-encounter ko. Merong mga problema sa trabaho, relasyon sa mga katrabaho at superiors, personal na buhay, pamilya at iba pa. Pero ang masasabi kong tumatak sa aking isipan at puso ay iyong mga kaso ng mga nakulong nating kababayan at mga may malubhang sakit na binisita ko sa mga ospital. At napakabigat sa damdamin ko kapag nakakita ka, na kahit lalaki ay umiiyak sa pasasalamat na nadalaw ko sila sa loob ng kulungan. Doon ko naramdaman ang malalim na pagmamalasakit sa ating mga kababayan na nangangailangan ng atensyon naming mga kawani ng pamahalaang Pilipinas.

Nang tinanong namin si A.L.A Liway kung ano ang masasabi niya sa Filipino Communities dito sa Japan, ito ang kanyang sagot “Maliban sa masayahin ang ating Filipino Community, sila ay masigasig sa pagsulong sa adhikain ng kani-kanilang grupo, at ang lahat ay patungkol sa pag-angat sa antas ng kabuhayan ng ating mga kababayan. Sila ay nagkakaisa lalo na kung ang pinaglalaanan ay pagtutulungan para sa kapakanan ng ating bansa.” Nagbigay din siya ng isang maikling mensahe para sa Filipino Community. “Nandito po kami upang makatulong sa anumang bagay na may kinalaman sa hanap-buhay ng ating mga kababayan. Pero kailangan rin po namin ang tulong at pang-unawa ninyo para magawa nang maayos ang aming tungkulin. Meron po tayong mga patakaran na dapat sundin kung kaya’t inaasahan po namin na lagi ninyong aalalahanin na ang mga patakarang ito ay ginawa para maprotektahan ang mga karapatan, at maisulong ang kapakanan at interes ng ating mga migranteng manggagawang Pilipino. Panatilihin po natin ang magandang imahe ng ating bansa at patuloy na itaas ang bandila ng mga Pilipino sa Japan.  Mabuhay po tayong lahat!”

<

Hanggang sa muli Ma’am Liway! Maraming salamat po!