Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Cover Focus

Ferdinand Romualdez Marcos Jr.: “A Leadership of Unity”

Pagkakaisa ang layong iparating ni President-elect Bongbong Marcos sa sambayanang Pilipino nang maisipan niyang tumakbo sa pagka-Pangulo ng Pilipinas.  Naging masusi rin ang kanyang pagpili sa kanyang naging running mate na si Vice-President –elect Sara Duterte-Carpio dahil alam niya na kaisa si Sara sa kanyang layuning mapagkaisa ang sambayanang Pilipino para sa muling pagbangon ng Pilipinas.

Hindi na lingid sa ating kaalaman na sa tuwing eleksiyon ay nagkakaroon ng batuhan  ng masasakit na salita ang magkakalaban sa pulitika.  Tinawag siyang anak ng diktador, tinawag siyang magnanakaw at kung anu-ano pa. Pero hindi natinag si Bongbong sa kanyang pangangampanya.

Kakaiba nga ang eleksiyon na ito dahil maraming nagpahayag ng kanilang kagustuhang mag-participate sa eleksiyong pampanguluhan.  Mayroong ayaw kay Bongbong pero mas marami ang naghahangad na iluklok siya sa posisyon.

Alam ng lahat na hindi naging madali para kay Marcos ang tumanggap ng paglait, at kung minsan nga ay nais pa siyang saktan, pero dahil sa likas na mabait si Bongbong ay hindi niya ininda ang lahat ng yun.

Mas nag-focus siya sa pangangampanya at ni minsan ay hindi siya nagsalita ng masakit sa kanyang mga katunggali.

Nasaksihan  naman ng buong Pilipinas at buong mundo kung paano manggalaiti ang kanyang mga katunggali na naghihintay lamang ng kanyang pagpatol subalit hindi nagpadala sa bugso ng damdamin,bagkus ay nanatili na lamang siyang tahimik at mas pinagbuhusan ng panahon ang kanyang pangangampanya at pagsasalita sa mga taong nais niyang himuking sumama sa kanyang adhikain, at ito ay ang pagkakaisa tungo sa pag-unlad muli ng Pilipino at ng bansang Pilipinas.

Mula sa hanay ng nakakariwasa pababa sa hanay ng tinatawag nilang laylayan ng lipunan, Napagwagian ni Bongbong Marcos ang puso ng lahat ng sektor ng lipunan.

Alam niyang pag siya ang nahalal ay hindi magiging madali ang lahat, nasa ilalim pa rin tayo ng pandemya at maraming nagugutom, mahirap ang trabaho at halos lahat ay dumaraing na. Ang tanging hiling niya sa lahat ay ang kooperasyon at tulong upang sama-sama tayong maibangong muli ang ating bansa at mangyayari lamang yan kung mayroong “PAGKAKAISA.”

Hindi lang landslide victory kundi “Tsunami victory”  ang pagkapanalo ni Marcos at ng ka-tandem niyang si Sara Duterte, sa survey pa lamang ay nakita na ng lahat ng political analysts kung ano ang babanggain ng mga katunggali ng BBM-Sara Tandem.

Ngayong, magbabalik na muli ang isang Marcos sa Malacanang, marami ang umaasang magbabalik muli ang ningning ng Pilipinas sa buong mundo.  Sa loob ng 6 na taon, anu-ano nga ba ang maaaring mangyari sa pamumuno ni Bongbong Marcos?  Kahit sinong pulitiko ang tanungin mo ay sasabihin, mahirap matupad ang kanilang platapormang naipangako nung nangangampanya pa sila dahil kulang ang anim na taon upang matupad ito. Subalit para kay Marcos, inamin niyang hindi magiging madali pero kung ang lahat ng tao ay magkakaroon ng partisipasyon ay magkakaroon ng pag-asa para sa lahat.  Tulung-tulong ika nga, mula sa agrikultura, sektor ng hanapbuhay, pinansiyal, at maging ang naumpisahan nang proyekto ng nakaraang administrasyong Duterte ay kanyang ipagpapatuloy at ito ay ang Build, Build, Build project.   Bubuhaying muli ni Marcos ang ilang matagumpay na proyekto ng kanyang ama para matulungan ang mga magsasaka, imbes na mag-angkat sa ibang bansa, mas gugustuhin niyang ang Pilipinas ang mage-export ng mga produktong Pinoy.  May nakalaan din siyang proyekto para sa mga OFWs, ang pagpapatayo ng hospitals sa kanila.

As of this writing ay puspusan pa rin ang paghahanap ng mga karapat-dapat na tao na kanyang itatalaga na mapasama sa kanyang binubuong gabinete. Ang ilan sa kumpirmadong makakasama sa gabinete ng administrasyong Marcos ay sina:

  • Vice President Inday Sara Duterte-Carpio para sa Department of Education
  • Former Metropolitan Manila Development Authority chair Benhur Abalos para sa Department of the Interior and Local Government
  • Atty. Vic Rodriguez bilang Executive Secretary
  • Cavite 7th District Rep. Boying Remulla para sa Department of Justice
  • Former Philippine Socio-economic Planning Secretary Arsenio Balisacan para sa National Economic and Development Authority
  • Former labor chief Bienvenido Laguesma para sa Department of Labor and Employment
  • Migrant workers advocate  Susan “Toots” Ople para sa Department of Migrant Workers

Ayon rin sa kampo ni Pangulong Marcos na bukas sila sa mga options na tanggapin ang oposisyon sa kanilang gabinete kung makikita nila itong karapat-dapat at magkakaisa sila sa iisang layunin.

Marami pang binabalak si PBBM para maibalik muli ang Pilipinas sa mapa at maging solido at matatag muli ang ekonomiya.

At maisasakatuparan yan kung tayong lahat ay magkakaisa at magtutulung-tulong upang makabangong muli at ang ating bansang Pilipinas.

“Judge me not by my ancestors but my actions”-  Ferdinand Romualdez Marcos Jr. (The 17th President of the Republic of the Philippines)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *