Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Cover Focus

Ejay Falcon’s Stars Keep on Shining

Malayo na ang narating ng dating housemate ng ABS-CBN reality show na “Pinoy Big Brother: Teen Edition Plus (PBB Teens)” kung saan siya ang tinanghal na big winner at ngayon ay isa na siya sa pinaka-hottest leading men ng naturang network, si Ejay Falcon.

Ang pagiging winner din sa Pinoy Big Brother ang nagbukas ng maraming oportunidad sa kanya upang makasama sa iba’t ibang Kapamilya shows at makasalamuha ang naglalakihang artista at makapareha ang naggagandahang leading ladies ng ABS-CBN tulad nina Erich Gonzales, Ellen Adarna, Ritz Azul at Lauren Young.

Hindi naitago ni Ejay ang saya sa pagkakataon na napasama sa isang episode ng Korean drama na “Where Stars Land” kasama niya si Lauren ng GMA 7. Dito ay humanga ang staff at crew ng naturang Korean production sa ipinakitang professionalism at kahusayan sa pagganap nina Ejay at Lauren.

Inihayag ni Ejay ang kanyang karanasan na makasama ang mga sikat na Korean stars na sina Lee Je Hoon at Chae Soo Bin.

Sabi ko nga sa caption ‘opportunity unlocked.’ Sobra kong blessed na tao. Sobrang ipinagpapasalamat ko sa Diyos at sa ABS-CBN at sa mga taong nagtulung-tulong para makapunta ako roon at magawa ang project na yon,” paglalahad ni Ejay.


Photo credit: ABS-CBN

Ikinuwento rin ni Ejay na sobrang kakaiba ang shooting ng mga Koreans kumpara sa shooting sa Pilipinas. “Kasi sa kanila ipapalabas siya sa TV pero ang take nila sa eksena ay film. Medyo advance sila in terms of equipment at doon hindi masyadong nagke-cable-cable kaya ang bilis ng galawan ng tao,” patuloy na kuwento ni Ejay.

Sa Korea, ipinalabas na sa SBS channel ang nakunang mga eksena nina Ejay at Lauren.
Nung una ay inamin ni Ejay na medyo nahirapan siya sa taping pero naging magaan na ang lahat habang tumatagal.

Iyong first scene kong ginawa, ang daming boses na naririnig kasi ‘yung instructions hindi ko agad makukuha kasi hindi rin sila ma-Ingles na tao. So nag-a-adjust ako. After lunch break, dire-diretso na kami, nakikipagbiruan na ako with the director. Tapos ang polite nilang tao. Mababait sila, ang sarap magtrabaho,” ani Ejay na hindi rin makakalimutan ang pakikisalamuha sa mga bida ng serye.

Hindi ko makakalimutang experience ‘yung bida ng ‘I’m Not A Robot’ ay super sikat doon, tapos super sikat dito. ‘Yung makilala mo lang sila at makakuwentuhan mo ng konti, kahit saglit, ay hindi na makakalimutang experience sa akin,” ani Ejay. Hindi rin makakalimutan ni Ejay ang papuri sa kanya ng lead star ng naturang series, si Lee Je Hoon. Niyakap siya diumano nito at sinabing “See you soon. You’re a good actor.

Sabi ko nga nung nandoon ako, baka kung may role kayo mag-audition ako. Kasi okay din talaga sa kanila, maganda magtrabaho sa kanila,” masayang paglalahad ni Ejay.

Ganun naman talaga sa atin eh. Kapag nakasilip ng oportunidad ay hindi inaatrasan ng Pinoy. Lalo pa at nasubukan na ng mga Korean TV executives ang galing ni Ejay, eh pasasaan ba at tatawagin ulit siya para mapasama sa isang Korean series and who knows baka ang susunod ay hindi lamang isang episode kasama si Ejay kundi baka full length na.

Sa kasalukuyan ay nagpe-prepare si Ejay para sa bagong teleserye na kanyang sasamahan, “Sandugo.” Dito ay makakasama niya ang kapwa Kapamilya stars niya na sina Aljur Abrenica at Elisse Joson. Ang Dreamscape ang magpo-produce ng “Sandugo,” parehong production unit sa likod ng “Ang Probinsyano” at “The General’s Daughter.”

Bagong challenge at excited na ang tatlong lead characters sa “Sandugo” dahil maaaring punumpuno ito ng aksyon.

Tungkol naman sa personal life, hindi naman kaila sa marami na si Ejay ay isa sa kinakikiligang personalidad sa ABS-CBN. Ang kanyang tikas at maamong mukha kung kaya’t maraming babaeng nagsu-swoon sa kanya.

Naging very careful si Ejay na i-reveal ang ilang detalye tungkol sa kanyang personal affairs kahit na na-link pa siya sa iba’t ibang celebrities na kasama na doon ang kanyang mga naging leading ladies.
Pero siguro dahil hindi na rin naman niya maikakaila dahil sa social media ay unti-unti na rin siyang nagiging open tungkol sa kanyang relationship status at ipinakita na siya sa pamamagitan ng social media ang love of his life, si Jana Roxas.

Si Jana ay produkto ng reality program ng GMA 7 na “Starstruck” noong 2005. Inamin nina Ejay at Jana na sila ay naging magkaibigan hanggang sa humantong sila sa kanyang kasalukuyang estado ng relasyon.

Mula sa pagiging mahiyain ay nagkaroon na rin ng lakas ng loob si Ejay na maging open sa kanyang lovelife. May umuugong na balita na papasok diumano si Ejay sa Philippine Army. Inamin niya na na-inspire raw siya ni Matteo Guidicelli na sumali sa Army bilang reservist.

Actually nakita ko nga ‘yung kay Matteo, kinuha ko ‘yung link at sinend ko sa manager ko. Sabi ko, ‘Paano makakapasok sa ganito?’ And ita-try nila hanapin kung paano,” paglalahad niya. “Ako gusto ko talaga,” kasi ever since talaga, noong bata pa ako, kung hindi ako artista gusto ko maging marine. Ganun talaga ang gusto kong puntahan.

Mas gusto ko talaga maging army pero may mga tao siyempre sa likod na hindi ko alam kung papayagan ako. Kasi alam natin na mas delikado ang army kasi inilalagay sila sa bundok, sa field. Iba ‘yung kalaban nila.