Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Cover Focus

Dimples Romana: Thankful for the Blessings

Matagal na sa showbiz si Dimples Romana. Isa siya sa mga hinahangaan ng marami na hindi nagpabaya sa kanyang edukasyon kahit siya ay nag-aartista. Nag-aral siya sa University of Sto. Tomas at kumuha ng Bachelor of Science in Tourism at nagtapos din siya ng International Hospitality Management Major in Culinary Arts sa Enderun College

Bilang artista, si Dimples ay napaka-versatile na kaya niyang gampanan ang mga papel mula sa pagiging isang mabuting kaibigan hanggang sa pinakamabagsik na kaaway. Ang kanyang acting ability ang naglagay sa kanya sa estado bilang isa sa bankable supporting actresses ng kanyang henerasyon.

Una siyang napanood sa primetime soap opera na “Esperanza” kung saan bida si Judy Ann Santos, ang sikat na youth-oriented television drama series na “Tabing Ilog” kasama sina John Lloyd Cruz, Jodie Sta. Maria, Baron Geisler at Kaye Abad. Naulit muli ang pagsasama nila ni John Lloyd sa hit na teleseryeng “Kay Tagal Kitang Hinintay” kasama rin sina Bea Alonzo at Lorna Tolentino.

Kahit na marami na siyang alok sa showbiz at tuluy-tuloy ang kanyang guestings ay hindi napigilan ang tawag ng pag-ibig kay Dimples. Sa edad na 19 ay nagpakasal siya sa kanyang non-showbiz boyfriend na si Boyet Ahmee at kailangan niya munang magpahinga upang iluwal ang kanilang unang sanggol na babae na si Cal.

Pagkatapos ng dalawang taong pamamahinga sa showbiz ay muling nagbalik si Dimples sa pamamagitan ng mga pelikulang “All My Life” at “Minsan Pa.” Tumanggap ulit siya ng mga TV projects kasama rito ang “Carlo Caparas’ Ang Panday,” “Sineserye Presents: May Minamahal,” “Lobo,” “Only You” at “George and Cecil.’

Noong 2012, ginampanan ni Dimples ang role bilang Criselda Barrameda, ang kontrabida sa fantaseryeng “Agua Bendita” kasama sina Andi Eigenmann bilang pangunahing karakter. At nagsunud-sunod ang kanyang mga proyekto at naisama ulit siya sa remake ng drama series na “Mara Clara” bilang si Alvira Del Valle. 

On top of those teleserye ay hindi rin pinalampas ni Dimples ang mag-guest sa award-winning drama antholoy na “MMK  (Maalaala Mo Kaya)” kasama ang Ninoy and Cory Aquino story kung saan ginampanan niya ang karakter na Imelda Marcos at iba pang teleserye tulad ng “100 Days to Heaven,” “Ikaw Ay Pag-Ibig,” “Lorenzo’s Time,” at “A Beautiful Affair.”


Bukod sa pagganap sa mga teleserye ay busy rin si Dimples sa pagho-host at isa sa kanyang naging hosting stint ay ang “Kabuhayang Swak na Swak,” an informative program about setting up and maintaining a certain business, alongside Bobby Yan.

Taong 2018 ay nakasama si Dimples sa cast ng “Bagani” na pinangunahan nina Enrique Gil at Liza Soberano bilang si Babaylan Gloria na tumatak sa isipan ng mga tao. Ang seryeng ito ay may pagka-epic na may modern day fusion. Kaya naman click na click si Dimples sa role niya bilang Babaylan Gloria at paghataw niya ng dance moves.

Pagkatapos ng “Bagani,” early part ng October 2018 ay nagsimula ang isang teleserye na unti-unting pumukaw sa pansin ng mga manonood ang “Kadenang Ginto.” Naging curious ang mga manonood kung ano ang io-offer ng teleseryeng ito sa kanila, kung ito ba ay tipikal na istorya ng pag-aagawan sa pagmamahal ng isang lalaki o agawan sa kayamanan. Ang unang palabas ay naging fair sa ratings at unti-unting nagugustuhan ng manonood ang mga artistang gumaganap dito.

 Habang nagtatagal ay nagkaroon na ng tagahanga ang nasabing teleserye at sinusundan na nila ito at kung ano ang mangyayari sa mga karakter. Hindi naglaon, nawala ang isang main character, si Albert Martinez, na inakala ng mga tao ay lalaylay na ang istorya pero hindi, mas lalong naging kaabang-abang ang bawat eksena dahil na rin sa galing nang pagganap ng artista sa kani-kanilang karakter na pati ang mga manonood ay nadadala na rin.

Dito na sumikat ang karakter nina Romina at Daniela.

Si Romina na ginagampanan ni Beauty Gonzales ang inaapi at si Daniela na ginagampanan ni Dimples ang nang-aapi.

Marami ang nagalit kay Daniela Mondragon at yun ang nakatulong sa karakter ni Dimples dahil effective ika nga ang kanyang pagkakaganap sa role. 

Hanggang ngayong 2019 ay palabas pa rin ang naturang teleserye at ayaw bitiwan ng mga manonood kung ano ang susunod na mga eksena ng harapan nina Daniela at Romina.

May mga nagtatanong nga kay Dimples kung kailan ba magwawakas ang “Kadenang Ginto.” Ang tanging sagot lang niya ay hanggang gusto ng tao ang face to face nina Romina at Daniela at hanggang wala pa silang natatanggap na memo na malapit na itong magtapos ay patuloy na magbibigay saya at excitement sa panonood ang mga tagahanga ng “Kadenang Ginto.”

Malaki ang pasasalamat ni Dimples sa ABS-CBN dahil hindi siya pinabayaan nito at patuloy pa rin ang suportang kanyang natatanggap mula sa kanyang pamilya at tagahanga.  Sabi nga ng mga tao, kapag mahusay na artista ay hindi basta-basta nakakalimutan. At yan si Dimples Romana, ang Daniela Mondragon ng makabagong henerasyon.