Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Cover Focus

Dennis Trillo: The Drama King

Medyo matagal na rin si Dennis Trillo sa showbiz at hindi na kukuwestitunin pa ang kanyang husay bilang isang modelo, artista at mang-aawit.

Si Dennis ay nagsimula sa bakuran ABS-CBN noong 2001 at kasama siya sa batch 10 ng Star Circle kasabay sina Bea Alonzo, TJ Trinidad at Alfred Vargas.

Nagkaroon siya ng minor roles sa teleseryeng “Pangako Sa’Yo” at “Sa Dulo ng Walang Hanggan.” Kahit minor lang ang roles niya ay napansin ang kanyang husay sa pag-arte. Pagkatapos nito ay lumipat siya sa ibang bakuran at nag-sign up sa GMA 7. Hindi sinayang ng Kapuso network ang panahon at binigyan agad ng proyekto si Dennis at nakasama siya sa isang youth-oriented drama na “Kahit Kailan” bilang supporting cast. Marami pa siyang nasalihang mga programa na pangkabataan.

Ang taong 2004 ang maituturing ni Dennis na magandang break para sa kanya nang mapasama siya sa cast ng “Mulawin” kasama sina Angel Locsin at Richard Gutierrez. Pagkatapos nito ay nabigyan pa ulit siya ng isang proyekto at this time ay sa pelikulang kasama sa Metro Manila Film Festival na “Aishite Imasu 1941: Mahal Kita” bilang isang transgender woman noong World War II. Sa pelikulang ito ay binigyang pagkilala ang kanyang pagganap bilang Best Supporting Actor. Kasunod ng recognition na ito ay nakatanggap pa siya ng lima pang Best Actor trophies mula sa Film Academy of the Philippines, the Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS), PMPC Star Awards for Movies, Golden Screen Awards and the Young Critics Circle. At nakasama din siya sa ikatatlong installment ng pelikulang “Mano Po.”

Taong 2005 nang ipinareha siya kay Angel Locsin sa television adaptation ng “Darna.” Gumawa pa ulit siya ng mga pelikula at kasama rito ang “Mulawin: The Movie” kung saan ginampanan niyang muli ang kanyang role bilang isang Ravena. Isa pang maipapagmalaki niyang pelikula na umani ng papuri ay ang “Blue Moon” kung saan nakasama niya ang mga batikang artistang sina Eddie Garcia, Christopher de Leon at Boots Anson-Roa.dennis-trillo-3

Ang unang bersiyon ng “Encantadia” ay kasama si Dennis bilang si Raquim, ang prinsipe ng Sapirian subalit hindi siya nagtagal dito dahil binigyan siya ng isang pang teleserye ng GMA 7, ang “Majika” kung saan katambal niyang muli si Angel Locsin. Naging makulay ang mundo ni Dennis bilang artista dahil sunud-sunod ang mga roles at teleserye na kanyang nagampanan. Siya ang binansagang Drama King ng GMA 7. Kahit abala siya sa pagiging aktor ay hindi pa rin niya nalimutan ang pag-awit. Ini-release ang kanyang self-titled album noong 2007 sa ilalim ng IndiMusic. At bukod dito ay sinubukan din niyang maging host upang palitan si Dingdong Dantes sa “StarStruck V.” Nagtuluy-tuloy ang pagiging host niya at napasama siya sa panglingguhang programa ng siyete, ang “Party Pilipinas.”

Taong 2011, nakatambal ni Dennis si Heart Evangelista sa romantic-fantasy series na “Dwarfina.” At pagkatapos nito ay ibinigay ng GMA 7 kay Dennis ang isa sa pinakakontrobersyal na role bilang si Eric del Mundo na isang gay sa “My Husband’s Lover” kasama si Tom Rodriguez. Nakatanggap siya ng papuri mula sa iba’t ibang kritiko at nagkaroon ng nominasyon sa International Emmy sa drama series at kung saan nakatanggap din siya ng dalawa pang award at commendation mula sa Asian TV Awards.

Nakagawa rin siya ng pelikula kasama ang mga artista ng ABS-CBN kung saan pinayagan siya ng GMA 7 na mag-promote ng pelikula niyang “You’re Still The One” at kasama niya rito sina Maja Salvador at Richard Yap na produced ng Star Cinema at Regal films. Taong 2014 nang i-launch si Dennis ng Viva Films sa pelikulang “Felix Manalo” kung saan nakuha niya ang Movie Actor of the Year award mula sa PMPC Star Awards for Movies.

Mula noon hanggang ngayon ay tuluy-tuloy pa rin ang paggawa ni Dennis ng mga soap operas sa GMA 7. Marami ang nag-aakalang siya ay lilipat ng istasyon subalit nanatili siya sa bakuran ng Kapuso Network. Malaki ang pasasalamat ni Dennis sa Siyete kung kaya nananatili siyang isang Kapuso. Sa kasalukuyan ay patuloy pa rin siyang napapanood sa primetime series kung saan katambal niyang muli si Heart Evangelista, ang “Juan Happy Love Story.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *