Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Wholesome

COVID-19 sa Panahon ng Kapaskuhan

Panahon ng holiday season at marami sa atin ang nag-iisip ng kung paano magse-celebrate ng Kapaskuhan sa panahon ng pandemya. Ang taong 2020 ay masasabi nating maraming nangyari na hindi inaasahan ng kahit na sinuman. Lahat tayo ay involve dito. Hindi lamang sa bansang Pilipinas o sa bansang Hapon. Ito ay pandaigdigan. Pero hindi ang pandemyang ito ang makakapigil sa ating lahat upang ipagdiwang ang Kapaskuhan. Yun nga lang, hindi natin magagawa ang kung anumang nakasanayan na. Sa hindi pangkaraniwan at hindi inaasahang pangyayari sa ating paligid, dapat ay maging responsable tayo sa bawat kilos natin, dahil sa konting pagkakamali ay maaaring magdulot ito ng “disaster” hindi lamang sa atin kundi maging sa taong nakapaligid sa atin.
Sa mga nakaraang taon, ang panahon ng Kapaskuhan ang nagbibigay oras sa atin upang i-celebrate ito kasama ang ating mga pamilya, relatives at mga kaibigan Nariyan ang reunion, at kabi-kabilang parties at maging ang paglalakbay sa iba’t ibang lugar kasama ang pamilya ay nakaugalian na tuwing sasapit ang holiday season.

PAANO I-CELEBRATE ANG PASKO SA PANAHON NG PANDEMYA?

Sa ganitong panahon ng taglamig ay alam nating nauuso ang flu season.  Ito ang pangamba ng marami dahil kapag ang isang indibiduwal ay nakaramdam ng parang flu-like symptom ay nagpa-panic na dahil ito rin ang sintomas ng coronavirus.  Kaya bago pa lamang pumasok ang panahon ng taglamig ay hinihimok na ng gobyerno magpapbakuna para sa flu (influenza vaccine) dahil sa ganitong panahon ng taglamig ay nagkakaroon rin ng epidemya ng flu.

Nakakalungkot mang isipin ay dapat sumunod at makinig tayong lahat sa mga eksperto upang maging safe at healthy ang pagse-selebra natin ng Kapaskuhan.  Kasama na sa guidelines ang paglilimita sa pag-travel sa iba’t ibang lugar sa panahon ng holidays.  Maging ang family gatherings ay nagkaroon na rin ng limitasyon.

Sa panahon ng pandemya, maging mas maingat tayo.  Iwasan na muna natin ang mag-imbita ng mga kaibigan o maging kamag-anak. Iwasan na rin ang pag-travel (lalo na sa mga pamilyang nakasanayan na ang magpunta sa ibang lugar para mag-celebrate ng Kapaskuhan), o lumabas para kumain sa restaurants.

Sa panahon ng taglamig, inaasahan na muling bubulusok pataas ang datos ng coronavirus cases sa buong mundo lalo na sa mga bansang may winter season.  Kaya nagpalabas muli ng babala ang lahat ng mga government officials upang sundin ang mas istriktong guidelines para makaiwas na mahawa ng virus.

Salu-salo kasama ang household

Ang malaking gathering ang isa sa dapat iwasan sa panahon na ito dahil ang mga ganitong pagsasama-sama ay tinatawag na “super spreader”. Ibig sabihin na karamihan sa mga ganitong nagpa-party ay nakakalimot na magsuot ng mask o ang social distancing.  Kaya naman ipinapayo ng gobyerno na mas safe ang mag-celebrate na kayo-kayo na lang muna ng kasama mo sa bahay.

Umiwas din na magpunta sa groceries para mamili ng pagkain o pang-regalo. Iminumungkahi ang online shopping para umiwas na sa overcrowded na lugar.  Dito nawawala ang social distancing dahil na rin maraming taong nagra-rush mamili ng kanilang ihahanda sa holidays at mga pang-regalo.

May experts rin na nagmumungkahi na kung talagang hindi mapipigilan ang pagpunta sa mga kamag-anak sa malayong lugar, ay mag-self quarantine bago ang sumapit ang Pasko (14 days) o di kaya 3 days bago maglakbay ay magpa-covid-test muna para safe ka at pati na rin ang mga taong bibisitahin. May mga lugar na naglilimita lamang ng 6 hanggang 10 katao para sa family gathering. Ang mungkahing ito ay para na rin sa kaligtasan ng buong pamilya.

May nag-suggest din na gawing virtual ang pagbati at pag-celebrate ng Christmas “kasama” ang mga mahal sa buhay.  Hindi na kailangan pa ang maglakbay papunta sa kinaroroonan ng kamag-anak, ang virtual o online meeting ay isa sa suhestiyon para makasama mo ang mahal sa buhay kahit sila ay nasa malayong lugar.

Kung ikaw naman ay maghahanda, pwede ka ring mag-order online sa mga paboritong restaurants o kung gusto mong ikaw ang magluluto ay makaka-order ka ng ingredients mula sa iyong paboritong grocery para i-deliver na lang sa inyong tahanan.  Tandaan lamang na dapat ay ilang weeks mo na itong pinaghandaan para may preparasyon at hindi rush dahil sa ganitong panahon ay siguradong busy na rin ang mga groceries o supermarkets.  Huwag pahuhuli, dapat maging maaga.

Kung ikaw naman ay magkakaroon ng kaunting salu-salo sa inyong tahanan, siguraduhing may limitasyon ang bilang ng taong iyong iimbitahan. Isama sa bilang ang kasama mo sa bahay.  Pero bago ito gawin ay magtanong muna sa lokal na government agency kung saan ka nasasakop para alamin ang tamang guidelines kung paano gagawin ito. May ilan kasing mga lugar na hindi pinapayagan ang magkaroon ng gatherings at mayroon din namang pumapayag pero may limitasyon ang bilang ng guests at may pag-iingat.

Kadalasan ang ganitong gathering na pinapayagan ay pang-outdoor lamang at hindi pwede sa loob para ma-observe ang social distancing.  Bukod sa outdoor gathering, hindi rin dapat kalimutan ang hand hygiene at pagsusuot ng face mask o face shield kung kinakailangan. Ang bilang ng mga guests ang importante at dapat ay sa isang lugar lamang kayo nakatira.  May iba na pinapayagan hanggang 6 na katao lamang kaya mas mabuting alamin muna bago magplano ng ganitong pagtitipon.

Ipinapayo rin naman na kung may small party na ganito ay planuhing mabuti mula sa pagkain.  Iwasan ang tinatawag na potluck, mas mabuting ang host ng party ang siyang magluto ng pagkain para alam mong safe. Gumamit ng disposable utensils, mula sa paper plate, plastic spoon and forks, knives.  Gawing lahat ay disposable para madaling itapon.  Iwasan ang self serving, mas mabuting may designated na “food server” para siya mismo ang magbigay ng pagkain sa guest o kamag-anak.  Huwag kalimutang mag-face mask o gloves habang nagbibigay ng pagkain at inumin.

Mas mabuti ring separate ang washroom, bathroom ng bisita. Kung sakali namang iisa lang ang bathroom ay maglagay ng disinfecting supplies sa loob ng bathroom para sa bawat guest na mismo ang maglilinis bago sila lumabas.  Ipaliwanag sa guest na ito ay safety measures upang maiwasan ang virus spread.

I-disinfect ang madalas na hinahawakan ng guests tulad ng doorknob at maglagay ng handa sanitizer sa lahat ng sulok ng bahay o sa labas ng tahanan kung saan ginaganap ang party.

Sa harap ng hapag kainan ay siguruhing 6 feet ang distansya ng mga upuan. Maghugas ng kamay at maglagay ng hand sanitizer.

May mga nagpa-plano ring maglakbay sa malayong lugar upang mag-celebrate ng holidays dahil nasa malayong probinsiya ang kanilang mga kamag-anak. Ito ang dapat iwasan ayon sa CDC dahil mas malaki ang risk na magdadala ito ng virus.

Obvious na kapag ang isang indibiduwal ay may sakit o na-exposed sa taong may COVID-19, dapat ay hindi na ito nagpupunta pa sa mga group gathering.  Common sense na lang,  para maiwasan ang paglaganap ng virus, mag-stay at mag-isolate sa kani-kanilang tahanan.

Para sa mga taong nagkakaroon ng panghihinayang dahil hindi sila makakapag-celebrate ng bongga kasama ang pamilya o kaibigan sa panahon ng Pasko, huwag manghinayang dahil hindi ibig sabihin nito at titigil na ang tradisyon ng Kapaskuhan.  Darating pa rin ang Pasko at pwede mo pa rin itong i-celebrate pero dapat mong isaalang-alang ang iyong kaligtasan pati na rin ang kaligtasan ng iyong pamilya.

Kayong magkakasama sa iisang tahanan ay pwedeng mag-celebrate, magluto ng masarap na pagkain, mag-bake ng holiday cookies o kahit anong paraan ninyo gustong i-celebrate ang Pasko. Basta nasa ligtas kayong lahat, ay ito na ang isang mahalagang regalo sa Pasko.