Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Cover Focus

Chika Besh- Basta Everyday Super Happy!

Ang morning show na ‘di lang pampagising, kundi pampa-super happy!

Hindi lingid sa kaalaman ng lahat ang pamamaalam ng ABS-CBN sa ere dahil hindi na-renew ang kanilang prangkisa upang makapagpatuloy ang kanilang mga programa sa ere.  Masakit man ang kalooban ng lahat ng namumuno pati ang mga empleyado ng ABS-CBN ay kailangan nilang sundin ang batas.

Marami ang nagtanong sa kung ano na nga ba ang kahihinatnatan ng mga talents at empleyado ng naturang network.  Naging mapagmatyag ang iba’t ibang istasyon ng telebisyon sa naging kaganapan hanggang sa dumating na sa puntong nais nilang tulungan ang mga nawalan ng trabaho, mapa-empleyado at talento ng ABS-CBN.

Yung ibang artista ay nanatili sa ABS-CBN at karamihan naman ay unti unti nang lumilipat, syempre may basbas naman ng kanilang former network dahil sa network na rin nanggaling na tinatapos na nila ang kontrata ng mga ito upang makapaghanap ng ibang trabaho para maisalba ang kanilang kabuhayan.

Hindi naging maramot ang istasyon sa ganitong bagay. Kumbaga, sila ay nagtulung-tulong, ang mga blocktime producers ay agad na kumilos, at gumawa ng hakbang upang makatawid ng ibang istasyon ang mga dating talents ng ABS-CBN.

Dalawa sa talents ng ABS-CBN ay sina Pokwang at Ria Atayde (talent pa rin siya ng Star Magic) na mga unang talents na nagkaroon ng bagong tv show sa kanilang bagong tahanan, ang TV 5.

Ang Chika, Besh! (Basta Everyday Super Happy) ay isa sa mga bagong programang laging inaabangan ngayon ng mga televiewers dahil dito ay nagsama-sama ang tatlong mahuhusay na artista at hosts na sina Pokwang, Pauleen Luna-Sotto at si Ria Atayde.

Ang programang ito ay line produced ng Archangel Media sa pangunguna ng kanilang presidente at CEO na si Mike Tuviera at COO Jojo Oconer.

Pinili ng producers ang tatlong magagandang artista upang magbigay good vibes sa TV5 daily morning show. Iba’t ibang topic ang kanilang tinatalakay everyday at may mga guest celebrities din sila na kanilang ini-interview. Sa bawat topic ay may kanya-kanyang opinion at pagtalakay at hindi rin mawawala ang light moments nila. Hindi maikakaila na may good rapport ang tatlo kaya naman nag-eenjoy ang mga manonood mula Lunes hanggang Biyernes ng umaga. 

Pokwang


Naging emosyonal at sentimetal si Pokwang nung siya ay magpaalam sa kanyang mother studio, ABS-CBN.  Thankful siya sa maraming taong pinagsamahan nila ng naturang network.  Naalala pa niya nang sabihan silang mga talents na kung sakaling hindi ma-renew ang prangkisa ng ABS-CBN ay dun na rin matatapos ang kanilang kontrata sa nasabing network.  Masakit man sa kanyang loob ay kailangan niyang mag-move on. At malaki ang pasasalamat niya kay Mr. Mike Tuviera at TV 5 dahil isa siya sa mga unang talents na kinausap para sa bagong show na gagawin sa bakuran ng Channel 5.  Bukod sa Chika Besh ay may isa pa siyang programa na Fill In The Bank kasama si Jose Manalo.

Si Pokwang ay ilan sa mga artista natin na masasabi nating madaling maka-relate sa masa.  Naging bukas na libro ang kanyang buhay mula sa pagiging OFW hanggang sa maging artista. Hindi rin naman naging madali ang pagpasok ni Pokwang o Marietta sa showbiz, nag-umpisa ito nung siya ay mag-guest sa isang comedy bar at dun niya nakilala ang isang Eric Nicolas na naghahanap ng talent para lumabas sa ABS-CBN. Taong 2004, sa pangungumbinsi ni Eric ay  sumali si  Pokwang sa reality talent show segment ng Yes Yes Show ng ABS-CBN,  “Clown in a Million,”  at sa swerte ay nasungkit ni Marietta ang grand price at tinanghal siya bilang grand champion. Ang pagkapanalo niya sa reality talent show na ito ang nagbigay sa kanya ng   exclusive artist contract sa ABS-CBN and the rest is history.

Nag-guest siya sa iba’t ibang shows ng ABS-CBN at hindi rin naitago ni Pokwang ang paghanga niya sa mga artistang nakasalamuha niya sa naturang network tulad nina, Dolphy, Ai-Ai de las Alas, Willie Rivellame, Piolo Pascual, Sam Milby, Claudine Barretto, Judy Ann Santos, Sharon Cuneta, and Kris Aquino. At dahil sa husay at natural na pag-arte ay nakamit niya ang Best Comedy Actress award mula sa Philippine Movie Press Club at Best Female Comedian award mula sa People’s Choice Award. Bilang film actress naman ay nakuha niya ang Bert Marcelo Lifetime Achievement Award ng dalawang beses. Malayo na nga ang narating ni Pokwang, mula sa pagiging dance performer sa Japan at ngayon ay isa na sa tinitingalang artista, komedya at host sa telebisyon.

Ang laging subject ng kanyang pagpapatawa ay ang kanyang sarili kesa gamitin ang ibang tao.  Ayaw din niya ng mga green jokes dahil ika nga niya, mas mabuti yung wholesome para maka-relate sa lahat ng audience. Sa ngayon ay masayang-masaya si Pokwang dahil after ng ABS-CBN ay nabigyan ulit siya ng pagkakataon upang makalipat naman sa kanyang bagong tahanan, ang TV5 na sa kasalukuyan ay full blast sa promotions dahil sa malaking changes na ginawa sa kanilang entertainment department.

Para kay Pokwang ay forever niyang pasasalamatan ang ABS-CBN dahil sa kanyang narating bilang artista at nagpapasalamat din siya sa TV5 sa pagtanggap nila sa kanya bilang bagong KAPATID.

Ria Atayde


Hindi na niya kailangan pa ang too much introduction sa showbusiness dahil ang kanyang ina at kapatid at pinsan ay nasa showbiz na.  Anak siya ng mahusay na aktres na si Sylvia Sanchez at kapatid niya si Arjo Atayde.  Pinsan din niya si Coleen Garcia na dating co-host ng It’s Showtime na ngayon ay maybahay ni Billy Crawford.  Kumbaga, nasa pamilya na ni Ria ang pag-aartista at ang kanyang ama naman ay isang negosyante.

Nag-umpisa ang kanyang career sa ABS-CBN noong taong 2015 nang makasama siya bilang support cast sa teleseryeng NingNing. At pagkatapos ay nagsunud-sunod na ang kanyang tv guesting sa iba’t ibang drama series. Ang huling fantasy tv series na sinalihan ni Ria sa ABS- CBN ay ang My Dear Heart na umani ng papuri sa manonood. Sa kasalukuyan ay talent pa rin si Ria ng Star Magic at nagpapasalamat siya dahil sa cooperation ng Star Magic at TV 5 ay maayos ang kanyang paglipat sa TV5. Nang magsimula sa ere ang programang Chika Besh ay marami ang na-curious kay Ria dahil bukod sa magandang registration ng kanyang mukha sa tv screen at parang at home agad siya sa hosting at nakikipagsabayan kina Pauleen at Pokwang.

Maraming changes ang nangyayari ngayon sa bakuran ng Kapatid Network, nagkaroon ito uli ng re-launching at nagbalik na ang mga game shows, fitness show at ang Morning Variety Talk Show pero may umaasa rin na sana ay magkaroon din sila ng televison drama series para kumpletong rekados at isa na dyan ang pagkakaroon ng drama series na kasama si Ria Atayde.

Pauleen Luna-Sotto


Bukod sa pagiging hands on kay Tali, baby ni Pauleen kay Vic Sotto, ay busy rin si Pauleen sa pag-aasikaso sa bahay at hindi syempre mawawala ang pagko-cohost sa long time running noontime show na Eat Bulaga.  Kahit may pandemya ay hindi tumigil ang programang Eat Bulaga upang magpasaya sa manonood. Work from home pa rin sina Bossing Vic at Pauleen pero sa TV5 ay personal siyang nagpupunta sa studio para mag-taping ng kanilang programa.

Masaya at wala na sigurong mahihiling pa si Pauleen dahil bukod sa kanyang ever supportive at mapagmahal na husband ay nariyan din ang kanilang apple of the eyes na si Tali na super smart.

Noong una ay medyo nanibago si Pauleen dahil sa ilang buwan na naka-quarantine silang pamilya at nagwo-work from home, ay dumating ang offer ng TV5 at ni Mike Tuviera ng Archangel Media para sa isang morning talk show sa Kapatid network.  Medyo ninenerbiyos nung una dahil nga sa covid-19 pero sinigurado ng pamunuan ng TV5 na sumusunod sila safety guidelines para mapangalagaan nila ang kanilang mga talents once na ito ay tumuntong sa studio.

Sa kasalukuyan ay happy si Pauleen dahil bukod sa matagal na niyang pangarap ang magkaroon ng talk show at ito ang in-offer sa kanya ng TV5.  Masaya rin siya dahil maganda ang rapport nilang tatlo nina Pokwang at Ria sa programa. Walang sapawan at nagbibigayan. 

Halina’t maki-chika tuwing umaga kasama sina Pokwang, Pauleen at Ria sa programang Chika Besh ng TV5, ang ating Kapatid Network.