Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Latest News

Carpio, nangunguna sa listahan ng JBC; de Lima, tanggal

Nawala na sa listahan ang haka-hakang pambato ng palasyo na si Justice Secretary Leila de Lima para maging susunod na Punong Mahistrado sa Korte Suprema. Sa halip, siya kasama ang walo pang mga nominado ay inungusan ni Acting Chief Justice Antonio Carpio sa huling listahan ng mga pagpipilian. Isinumite na ito sa Malacañang upang makapili na si Pangulong Aquino. Nakakuha si Carpio ng walong boto mula sa mga kasapi ng Judicial and Bar Council (JBC) samantalang anim na boto naman kina Justice Roberto Abad, Justice Arturo Brion, Justice Ma. Lourdes Sereno, Solicitor General Francis Jardeleza at dating Executive Secretary na ngayon ay kongresista ng San Juan na si Rep. Ronaldo Zamora. Samantala, limang boto naman ang nakuha nina Associate Justice Teresita de Castro at dating dekano ng Ateneo Law na si Cesar Villanueva. Ayon kay Iloilo Rep. Niel Tupas Jr., ang pagpili sa mga nominado ay pinagbotohan mula sa dalawampung pangalan kung saan kukuha sila ng walo mula rito. Sa pagkawala ni de Lima, hindi niya maitago ang pagkadismaya niya sa hatol ng JBC ngunit ikinatuwa naman ito ng Senado dahil pinapakita ng JBC ang pagsunod nito sa mga nakasaad na alituntunin. (Philippine Star)