Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Wholesome

Ano ang ‘My Number’ system?

Noong Enero ay inumpisahan na ang paggamit ng bagong social security at tax number system sa Japan na tinawag na “My Number.” Ang sistemang ito ay isinabatas taong 2013 na ang layunin ay upang palakasin at simplehan ang social security at taxation sa bansa.

Oktubre 2015 nang magsimulang makatanggap ng temporary notification card o tsuchi kaado na naglalaman ng 12-digit individual numbers ang mga Hapon at dayuhang residente kung saan may option silang mag-apply ng “Individual Number Card” o kojin bango kaado sa kanilang city office nang libre. Ito ay magagamit bilang identification card kung saan nakalagay ang kanilang litrato at ilang personal na impormasyon tulad ng pangalan, address at araw ng kapanganakan sa isang IC chip.

Narito ang ilang mahahalahang impormasyon na dapat malaman at tandaan tungkol sa My Number system:

  1. Sakop nito ang mga dayuhan na legal na naninirahan sa Japan ng higit sa tatlong buwan at mayroong address dito kabilang ang Medium to Long-term Resident, Special Permanent Resident at Refugees.
  2. Hindi dapat ibigay sa ibang tao ang iyong 12-digit individual number maliban sa iyong kumpanya, administrative bodies at iba pang ahensya na nagsasagawa ng social security administration, taxation at disaster response.
  3. Bilang patakaran, ang iyong individual number ay hindi maaaring palitan at permanenteng gagamitin.
  4. Walang mga bagong Basic Resident Registration Card ang ibibigay pagkatapos ng pagpapalabas ng Individual Number Cards. Gayunman, ang Basic Resident Registration Card na inisyu bago ang Disyembre 2015 ay magagamit hanggang sa validity date nito.