Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Cover Focus

Alden Richards & Maine Mendoza: The Accidental Love Team Has Become a Phenomenon

Alden & Maine Photo Credit GMA7

Sa kalagitnaan ng taong 2015 ay may nangyaring kakaiba sa mundo ng showbiz. Isang accidental love team ang nabuo sa pamamagitan ng “Kalye Serye” ng “Eat Bulaga” na pinapanood ng maraming tagahanga tuwing tanghali.

Ang Simula

Noong 2015, kakatapos pa lamang ni Alden Richards na gawin ang mini-series na “Ilustrado” na nagsimula taong 2014, nang siya ay inimbitahan upang sumali bilang co-host ng “Eat Bulaga” para sa ilan nitong segments. Ang imbitasyon ay para sa isang buwang trial bilang host, nauna na rito ang “Pak na Pak” at sumunod ang “That’s My Bae.”

Makaraan ang isang buwan, pumasok sa eksena si Maine Mendoza na nag-audition para sa programa. May nakitang potensyal ang mga producers ng “Eat Bulaga” dahil popular na rin siya bilang “Dubsmash Queen” na maraming followers sa iba’t ibang social media sites kung kaya’t naisip nilang isama si Maine sa kanilang “Juan For All, All For Juan” segment. Ang orihinal na plano ay maging abogado ang kanyang gagampanang papel matapos umalis ang karakter ni Dra. Dora Explorer sa naturang segment. Ang unang labas ni Maine sa segment ay noong Hulyo at hindi na abogado ang kanyang ginampanang role kundi isang yaya. Siya ay ipinakilala bilang si Yaya Dub (Divina Ursula Bokbokova Smash), personal assistant kay Lola Nidora na ginagampanan ni Wally Bayola (lola ni Dra. Dora Explorer).

Sa seryeng ito, nakita ng mga manonood ang kakaibang papel ni Maine na kung saan nakikipag-usap lamang siya sa pamamagitan ng pag-dubsmash.

Sa episode nila noong Hulyo 16, 2015, nagsimula ang lahat nang makita siya na habang nagda-dubsmash ay biglang ipinakita ang mukha ni Alden Richards na nanonood sa kanya sa pamamagitan ng split screen at doon ay nakita ang kakaibang ningning sa mga mata ni Yaya Dub at nagpakita pa ng kilig na nakita ng mga manonood at doon nabuhay ang imahinasyon ng mga producers na gawin silang onscreen love team. And the rest is history, ika nga.

Araw-araw ay kinasasabikan na silang mapanood sa tanghali at maging ang mga hosts ng “Eat Bulaga” na sina Tito, Vic at Joey ay nasabik na ring tunghayan ang “Kalye Serye.”

Nagsimulang magkaroon ng sariling hukbo ng mga tagahanga at dumami pa ng dumami na maging ang mga hosts at producers ng “Eat Bulaga” ay namamahanga sa ipinakitang pagka-solido ng mga tagahanga na binansagan nilang “AlDub.”

Lumipas pa ang ilang buwan, marami pang nakakakilig moments ang nasaksihan sa telebisyon at di nila namalayan na mas lalong lumaki ang hukbo ng tagahanga ng AlDub na maging sa iba’t ibang bansa ay naging phenomenal ang tagumpay. Habang napipigilan ang pagkikita nina Alden at Yaya Dub ay lalong nasasabik ang mga manonood sa telebisyon. At dumating na ang tamang panahon para sa tambalang AlDub. Saksi ang mahigit sa 55,000 katao na dumayo pa sa Philippine Arena para maging parte ng tinawag nilang “history” na hindi lamang ang buong Pilipinas ang nakapanood kundi pati ang mga Pinoy sa iba’t ibang bansa.

Kasalukuyan

Katatapos lamang ng Metro Manila Film Festival at isa sa kasaling pelikula ay tinampukan nina Alden Richards at Maine Mendoza, ang “My Bebe Love.” Sa unang pagkakataon ay napanood ng kani-kanilang mga tagahanga na magkaharap na sina Alden at Maine. Maraming kilig moments ang pelikulang ito na itinuturing nilang unang pelikula ng kanilang tambalan. Marami ring nagko-komento na hindi ito ang love team na madaling mabuwag.

Ayon sa pamunuan ng “Eat Bulaga,” marami pa silang plano sa love team na ito at sana ay patuloy na tangkilin ang tambalang AlDub. Marami ang nagpapasalamat sa mga manunulat ng “Eat Bulaga”dahil hindi sila nauubusan ng kwento para sa “Kalye Serye” at umaasa silang magtatagal pa lalo ang segment dahil marami itong napapaligaya mapa-bata man o matanda.

Malaki ang pasasalamat nina Alden at Maine sa mga tumatangkilik at sumusuporta sa kanilang tambalan. At malaki din ang pasasalamat ng pamunuan ng “Eat Bulaga” at Tape Inc. sa patuloy na pagtangkilik ng mga fans sa tambalang Alden Richards at Maine Mendoza.

 Ngayong 2016 ay maraming nakalinyang proyekto para sa tambalang AlDub na dapat abangan.