Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Showbizz

ABS-CBN, hahataw sa mga bagong programa sa pagbubukas ng 2020

Sunod-sunod na mga bago at naglalakihang programa ang hatid ng ABS-CBN sa pagbubukas ng 2020, kasama ang mga teleseryeng pagbibidahan ng mga pinakasikat na bituin, pagbabalik ng minahal na reality-singing competition, at inaabangang Asian dramas.

Matapos ang higit sa isang taon na paghihintay ng kanilang mga tagahanga, nagbalik-telebisyon na ang tambalan nina Liza Soberano at Enrique Gil noong Enero sa pag-uumpisa ng kanilang seryeng “Make It With You” na kinuhanan sa Croatia.

Natunghayan din simula noong Enero ang pagsasama-sama ng mga aktor mula sa iba’t-ibang henerasyon na binigyang buhay ang kwento ng mga huwarang sundalo sa “A Soldier’s Heart,” na pinangunahan nina Gerald Anderson, Nash Aguas, Yves Flores, Elmo Magalona, Vin Abrenica, Jerome Ponce, at Carlo Aquino.

Dalawang bagong Asian dramas din ang simulang napanood noong Enero, kabilang ang most awarded nitong 2019 na “Yang Xi” at “Flower Crew Dating Agency” na pinagbibidahan ng South Korean actor at rapper na si Kim Min-jae.

Mag-uumpisa naman ang Pebrero sa pagbabalik ng reality-singing competition na “The Voice Teens,” kung saan muling sasabak ang international star na si Apl.De.Ap bilang isa sa mga coach.

Tampok naman sa Marso ang tambalan nina Maymay Entrata at Edward Barber na kakikiligan sa kanilang unang teleserye na “When We Fall In Love” na kinunan sa bansang Japan.