Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Showbizz

Sino ang hihiranging Grand Winner ng “Your Face Sounds Familiar” Season 3?

Pasabog na transformations sa The Grand Showdown

Matapos ang pasiklaban sa mga nakaraang 12 linggo, nagharap sa pinakahuling beses ang mga celebrity performers ng “Your Face Sounds Familiar Season 3” sa The Grand Showdown, kasama ang host na si Luis Manzano, noong Sabado (Mayo 29) at Linggo (Mayo 30) sa Kapamilya Channel at A2Z channel 11.

Live na napanood ang pagpasok nina Christian Bables, CJ Navato, Geneva Cruz, iDolls, Klarisse de Guzman, Lie Reposposa, at Vivoree Esclito sa iconator para makuha ang premyong tropeo, brand new house and lot, at P1 milyon, at sa pagkakataong ito, sila mismo ang pipili ng kanilang gagayahing music icon.

Bukod sa huling transformations ng mga kalahok, kaabang-abang din ang kauna-unahang guesting ng Filipino music icon na si Asia’s Songbird Regine Velasquez-Alcasid sa hit Kapamilya musical variety competition.

Malalaman ng KaFamiliars ngayong weekend kung sino ang napili ng mga contestant na nagtagisan ng galing sa weekly competitions sa loob ng tatlong buwan. Lahat sila naranasan nang manalo, gumaya sa local at foreign artists, at nagtanghal bilang babae o lalaki sa tulong ng celebrity mentors na sina Jed Madela at Nyoy Volante.

Nanalo si Christian bilang Mike Hanopol (Week 10), si CJ bilang Justin Bieber (Week 4), si Geneva bilang Liza Minnelli (Week 12), at ang iDolls na sina Matty Juniosa, Lucas Garcia, at Enzo Almario, bilang Rod Stewart, Bryan Adams, at Sting (Week 7).

Maging sina Lie at Vivoree, nanalo na rin. Si Lie bilang Elizabeth Ramsey (Week 8) at si Vivoree bilang Rihanna (Week 6). Si Klarisse ang pinakamaraming panalo para sa kanyang panggagaya kina Jaya (Week 3), Minnie Riperton (Week 5), Sharon Cuneta (Week 9), at Aretha Franklin (Week 11).

Bago umalis para siguraduhin ang kaligtasan ng pamilya, nagwagi rin si Jhong Hilario ng dalawang beses sa kanyang pagtatanghal bilang Apl.de.Ap at Bamboo sa unang dalawang linggo ng kompetisyon.

Sa Grand Showdown, 50 porsyento ng final score ng contestants ay magmumula sa pinagsamang puntos mula sa jury na sina Gary Valenciano, Ogie Alcasid, at Sharon Cuneta mula Week 1 hangang Week 12. Ang natitirang 50 porsyento naman ay base sa text votes mula sa mga manonood.

Nagbukas ang botohan noong Linggo (Mayo 30) pagkatapos ng lahat ng performances. Para bumoto, i-text lang ang VOTE <space> NAME OF CELEBRITY PERFORMER at i-send sa 2366 para sa Globe, TM, Smart at Talk N Text, at Sun Cellular subscribers. Isang boto lamang kada isang sim.

Alamin kung sino ang susunod kina Melai Cantiveros-Francisco at Denise Laurel bilang Filipino Grand Winners ng “Your Face Sounds Familiar,” na nagkaroon na rin ng pambatang edisyon kung saan nanalo sina Awra Briguela at TNT Boys.

Napanood ang “Your Face Sounds Familiar Season 3: The Grand Showdown” LIVE  mula sa ABS-CBN Studio 10 noong Sabado (Mayo 29), 8 pm at Linggo (Mayo 30), 7:30 pm sa Kapamilya Channel, A2Z channel 11, Kapamilya Online Live, at iWantTFC.

Mapapanood pa rin ang “KaFamiliar Online Live” show kasama sina Darren Espanto at AC Bonifacio sa Kapamilya Online Live tuwing patalastas. I-follow ang @YourFacePH para sa updates sa Facebook, Twitter, at Instagram. Para sa Kapamilya news, sundan ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram o pumunta sa www.abs-cbn.com/newsroom.