Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Gourmet Galore

Pinatisang Manok

Tinola, Nilaga o Pinatisan. Ano ang pagkakaiba ng mga ito? Ang Tinola ay gumagamit ng luya at dahon ng sili na sinasamahan ng papayang hilaw o sayote. Ang Nilaga naman ay simpleng sabaw na nagmumula sa manok bilang pangunahing sangkap. Ang Pinatisan naman ay mas hawig ng tinola subalit mas kaunting luya ang inilalagay at mas malalasahan ang patis at gumagamit ng sabaw ng hinugas na bigas. Ang pagkakahawig lang ng tatlong nabanggit ay ang pangunahing sangkap na manok na siyang ginagamit para sa mga lutuing ito.

Sangkap:
  • 1 kg thighs at legs ng manok
  • 1 litro hinugas na bigas
  • 1 bungkos ng dahon ng spinach, malunggay o kangkong
  • 1 bungkos ng dahon ng sili
  • 1 kutsarang pinitpit na luya
  • 1 malaking sibuyas na pula, tadtarin
  • 6 piraso ng bawang, pitpitin at hiwaing maliliit
  • Patis
  • Paminta
  • Tinadtad na spring onions, pang-dekorasyon
  • Mantika
Paraan:
  1. Sa isang mangkok, i-marinada ang manok sa 4 na kutsara ng patis sa loob ng 15 minuto.
  2. Sa kaserola, painitin ang mantika at ilagay ang manok, lutuin sa loob ng 2 minuto hanggang magkulay brown at alisin sa kaserola at itabi.
  3. Igisa ang bawang, sibuyas at luya. Lutuin hanggang lumambot ang sibuyas.
  4. Ilagay ang hugas bigas at ibalik ang manok at pakuluin. Hayaang kumulo sa loob ng 35 minuto hanggang 1 oras o hanggang ang manok ay lumambot.
  5. Idagdag ang dahon ng sili at spinach at takpan at hayaang kumulo sa loob ng karagdagang 1 minuto.
  6. Lasahan ng patis at paminta at lagyan ng spring onion sa ibabaw pandagdag palamuti sa ulam.