Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Cover Focus

Ang ‘Pamilya Ko’ sa Panahon ng Pasko

Sa Pilipinas, ang pagdiriwang ng Kapaskuhan ay mahaba na nagsisimula ng “ber” months. Excited na silang bumili ng regalo para sa kani-kanilang mga kaibigan, pamilya at sarili. Hikahos man sa buhay ay hindi nila iniinda at mayroon silang sariling paraan para ipagdiwang ang Pasko. Ang laging nasa puso’t isipan nila ay masarap ang pakiramdam nila kapag magpa-Pasko. Mga kabataang naghahanda para sa karoling, solo man o grupo, masaya ang lahat. Mga iba’t ibang klase ng ilaw na kumukuti-kutitap kahit saan mo ibaling ang iyong paningin. Bawat bahay ay may nakasabit na parol o dekorasyon at maririning mo mula sa labas ang pamilyang nagkakatuwaan at naglalagay ng Christmas tree at nagsasabit ng palamuti – ang ama ng tahanan na nakatuntong sa silya para ilagay ang star sa ibabaw ng Christmas tree habang ang ina at mga anak ay excited na nakatingala at hinihintay na pailawin ni tatay ang Christmas tree. Kay sayang pagmasdan at nakakagaan ng pakiramdam. Pasko na!

Kapag sumasapit ang panahon ng Kapaskuhan, ang mga OFWs, mga balikbayans ay iisa lamang ang nasa isipan – ang kanilang pamilya na naiwan nila sa kanilang bansa. Masakit sa damdamin at mahirap man tanggapin ay kailangan pang lumayo sa ating mga pamilya upang magtrabaho at upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga umaasa sa atin. Mga balikbayan na matagal na pinlano ang kanilang pag-uwi at namimili nang maaga para sa pasalubong sa kanilang pamilya. Ang Pasko ay para sa pamilya.

Ang teleserye ng ABS-CBN na “Pamilya Ko” ay tumatak agad sa puso ng mga manonood nang ito ay i-ere sa telebisyon. Marami kaagad ang naka-relate dahil ito ang tipikal na nangyayari sa isang pamilya. Ang buhay ng bawat isa sa atin ay parang teleserye. Nag-uumpisa sa tatay at nanay at sa kanilang pagbuo ng pamilya ay darating sa buhay nila si ate, susunod si kuya at ang huli ay si bunso. Masaya dahil kumpleto sila at kung anuman ang dumating sa kanila ay sama-sama nilang hinaharap na walang pagtatanong o paninisi. Of course, dumarating din ang pagkakataong nabe-burnt out ang isa pero natural yun. Walang iwanan, ika nga. Ang tatay na siyang haligi ng tahanan na dapat ay matatag sa anumang pagsubok na darating sa buhay ng kanyang pamilya, ang nanay na ilaw ng tahanan ang siya naman nagbibigay paalala at siyang laging nakasuporta sa kanyang asawa, at mga anak na laging magkakasama at handang sumuporta sa mga magulang.

Hindi naiiba ang teleseryeng ito sa typical Filipino family. Ang seryeng nagpapaalala sa atin ng isang modernong pamilyang Pinoy na hinaharap ang iba’t ibang issue na bumabalot sa loob ng isang pamilya. Mula sa infidelity, trahedya, maging sibling rivalry. Kung iisipin natin ay parang hindi totoo na nangyayari ang ganito sa loob at labas ng tahanan pero sa maniwala kayo’t sa hindi, lahat yan ay totoo at kailangan nating harapin at tanggapin. Ang mga pangyayaring ito na dumaraan sa atin at isa-isang binibigyan ng solusyon at buong pusong humayo sa panibagong pagsubok ng buhay.

At sa pagharap sa mga isyung ito ay makikita mo ang iyong pamilya na sama-sama at nagtutulong-tulong, nariyan na ang pagpapatawad, pagtanggap at ang pinaka-importante sa lahat, ang pagmamahal.

Ang Pasko ay mahiwaga. Dala nito ang salitang kasiyahan, pagpapatawad at pagmamahal. Magkakaibigang nagkakagalit, magkasintahang nagkakatampuhan, pamilya at kamag-anak na nagkakaroon ng hidwaan, pagdating ng Pasko, makikita mo silang lahat na magkakasama, magkakasundo, nagtatawanan, nagyayakapan at ipinagdiriwang ang diwa ng Pasko. Ang Pasko na ang dala ay pagmamahal at kapayapaan sa buong mundo. Kahit saang dako ka pa ng mundo, makakaramdam ka ng peacefulness dahil iginagalang nila ang mahalagang araw na ito.

I think makakatulong ito especially dun sa may maraming anak. Makikita nila rito kung anong klase yung pagdadaanan ng pamilya. Pero makikita din nila na ‘pag may problema, basta sama-sama, makakayanan. Makakakuha sila ng aral sa amin dito. Kasi lahat kami ng creative at ng cast, isa lang ang gusto namin — ang makapagbigay ng magandang ehemplo, halimbawa sa mga kapwa Pilipino,” paglalahad ni Sylvia Sanchez na isa sa lead stars ng serye at gumaganap na nanay ng pamilya.

Ito yung scenario na typical, ordinary Filipino family,” lahad naman ni Joey Marquez na gumaganap na tatay. “Minsan aakalain nila, walang solusyon sa mga pang-araw-araw na problema. Dito, ipapakita namin na may solusyon sa lahat.

May mga eksena kami na tumatawa kami, pero paiiyakin namin kayo. Mayroon din kaming umiiyak kami, pero papatawanin kayo. Dadalhin natin sila sa iba’t-ibang klaseng emosyon,” dagdag pa ni Sylvia.

Layon ng teleseryeng “Pamilya Ko” na ipakita ang iba’t ibang pagsubok na laging hinaharap ng isang pamilya at kung paano ang mga pagsubok na ito ang nagpapatibay sa bond ng isang pamilya. Hawak-kamay nilang hinarap at hindi nila binibitawan ang isa’t isa. Ang key word doon ay basta may pagmamahalan, anumang pagsubok o problema, mabigat man o mahirap, lahat ay may karampatang solusyon.

Bukod kina Joey Marquez (Fernan) at Sylvia Sanchez (Luzviminda) na gumaganap na tatay at nanay sa serye kasama rin sina JM De Guzman (Chico), at ang kanyang mga “kapatid” na sina Kiko Estrada (Beri), Kid Yambao (Apol), Jairus Aquino (Persi ), Maris Racal (Peachy), Kira Balinger (Lemon), Mutya Orquia (Cherry) at Raikko Mateo (Pongky)—sa kanilang pagharap sa mga problemang susubok sa kanilang pagmamahal sa pamilya.

Kasama rin sa powehouse cast ng “Pamilya Ko” sina Irma Adlwan, Alyssa Muhlach at Arci Muñoz. Ito ay sa direksyon ni Raymund Ocampo.