Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Cover Focus

Ozeki Takayasu: Naglalagablab ang Dugong Pinoy ng Bagong Sumo

Opisyal na iginawad ng Japan Sumo Association kay dating Sekiwake Takayasu ang promosyon bilang Ozeki, ang pangalawang pinakamataas na ranggo sa sumo wrestling, noong Mayo 31, 2017.

Dinaluhan ito ng halos lahat ng sports media at representate mula sa iba’t ibang istasyon ng telebisyon sa buong Japan sa makasaysayang Imperial Hotel. Dumalo din ang kanyang mga magulang at malalapit na kaibigang Pilipino ng kanyang ina.

Si Ozeki Takayasu ay isang dugong Pilipino dahil ang kanyang ina ay isang Pinay.

Si Bebelita Torrefiel Reblinca Bernadas na tubong Getafe, Bohol at ang kanyang ama ay si Eiji Takayasu mula sa Tsuchiura Ibaraki. Si Ozeki Takayasu (Akira) ay ipinanganak noong Pebrero, 1990.

Nagsimula ang kanyang pagiging propesyunal na sumo wrestler noong taong 2005 at inabot ang mataas na makuuchi division noong 2011, ang kauna-unahang wrestler na ipinanganak sa panahon ng Heisei. Naging runner up sa isang tournament at umani ng 9 na espesyal na pagkilala: apat para sa Fighting Spirit, tatlng pagkilala bilang Outstanding Performance at dalawang pagkilala para sa Technique. Nanalo din siya ng apat na gold stars nang matalo niya ang isang yokozuna. Matapos makakuha ng 34 panalo sa tatlong tournament mula Enero hanggang Mayo taong kasalukuyan. At dito rin siya opisyal na ginawaran ng pagkilala bilang isang Ozeki.

Sa edad na 15 taon, ay angkin na niya ang laki ng pangangatawan at taas kung kaya’t nag-desisyon ang kanyang ama na ipasok siya sa sports na sumo.

Ang Sumo wrestling ay pambansang laro ng Japan. Bago marating ng isang sumo wrestler ang karangalang Ozeki at Yokozuna, ito ay daraan sa masusing disiplina ng katawan at marubdob na page- ensayo. Dapat ding maipanalo ng sunud – sunod ang bawat laban.

Dahil sa determinasyon, sipag at tiyaga kasama ang suporta ng inang si Bebelita, ay nagkasunud-sunod ang tagumpay ni Takayasu sa taunang Sumo Grand Tournaments na ginaganap sa Tokyo, Osaka, Fukuoka at Nagoya.

Ang mga tagumpay na ito ang naging hagdan niya upang mapagpasiyahan ng Japan Sumo Association na igawad sa kanya ang pangalawang pinakamataas na ranggo sa sumo, ang Ozeki.

Bukod sa mga Japanese, kasama sa nagbunyi sa natamong tagumpay ni Ozeki Takayasu ang mga Pilipinong naninirahan dito sa Japan. Sila ay nagagalak dahil isa itong karangalan sa kanila bilang minoryang banyaga na naninirahan sa Japan. Siya ang kauna-unahang manlalaro na may dugong Pilipino na umabot sa ganyang puwesto.

Samantala, ang kanyang inang Pilipina na si Bebelita ay masugid na sinusuportahan ang lahat ng laro ng anak. Siya’y pinupupuri sa disiplinang ipinapakita. Sa mga telebisyon sa buong Japan na kanyang nilalabasan, palagi niyang itinataguyod ang ugali at kulturang Pilipino na itinuro sa anak. Palagi niyang ipinagmamalaki ang pagka -Pilipino nito.

Sa kanyang tradisyunal na talumpati, matapos niyang tanggapin sa opisyales ng Japan Sumo Association ang promosyon, ipinangako niya na ibubuhos niya ng lubos ang kanyang kakayahan bilang Ozeki sa pamamagitan ng paglaro sa sumo ng malinis at may dignidad na pamamaraan, upang sa ganon ang sumo ay lalo pang maipagpatuloy ang antas nito bilang kagalang-galang na sport ng Japan.

Sa darating na Hulyo 9, gaganapin ang Nagoya Grand Sumo Tournament. Inaabangan ng buong Japan sampu ng kanyang mga tagahangang Pilipino ang kaunaunahan niyang laban bilang Ozeki. Ang lahat ay nananalangin na nawa’y siya ang maging kampeon at patuloy na manalo sa mga darating pang mga Grand Tournaments upang sa gayun ay makuha na niya ang pinakamataas na ranggo na Yokozuna.

Samantala, patuloy pa rin si Ozeki Takayasu sa kanyang ensayo para sa paghahanda sa darating na Nagoya Grand Tournament.

Lubos ang pasasalamat ng kanyang ina hindi lamang sa mga taong tumulong at sumuporta sa kanyang anak at lalung-lalo na sa Maykapal. Isang karangalang maipagmamalaki hindi lamang sa bansang Hapon kundi maging sa Pilipinas. Ang pagiging Ozeki ni Takayasu ay maitatala na sa historya ng buong Japan at sa Pilipinas na minsan ay may isang dugog Pinoy na naabot ang pangalawa sa pinakamataas na ranggo sa larangan ng sumo, ang pagiging isang Ozeki.

Article and Photo by: Dr. Chino Caddarao

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *