Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Cover Focus

Ngayon Pasko “Kapit-Bisig Tayo”

Lea Salonga and Groups

Kahit sino ka man at kahit saan ka man kapag sasapit ang ganitong kapaskuhan ay hindi mo kailanman maaawawaksi sa iyong puso ang diwa ng Pasko. Ang diwa nito na nakatatak na sa iyong isipan at damdamin.

Bago sumapit ang araw na ito ay hindi mo maiaalis na magmuni-muni sa simula. Anu-ano nga ba ang mga pangyayari sa buhay sa buong taon na sa tingin mo ay nagkaroon ng kabuluhan? At anu-ano ang mga bagay na iyong pinanghihinayangan? Mga bagay na ayaw mong balikan at mga bagay na gusto mong laging alalahanin? Ikaw lang, kabayan ang makakasagot niyan.

Bilang isang Pilipino, mas gugustuhin mo na laging masaya dahil ang Pinoy ay likas na masayahin at kahit ano pang problema o sakuna ang dumating sa ating buhay, pilit tayong bumabangon at nagkakapit-bisig. Ang Pinoy ay palaban. Tayo ay hindi nagpapadaig sa kahit ano pang sakuna na dumarating sa ating buhay.

Kahit usapang pulitika, ito ay tumitigil at nagkakaroon ng ceasefire sa tuwing sasapit ang panahon ng Kapaskuhan. Ang mga unos ng kalikasan na dinanas ng ating mga kababayan sa iba’t ibang panig ng bansa ay lubhang nakapagpabagabag sa atin dahil hindi pa man sila nakakaahon sa nakaraang lindol ay heto’t hinagupit sila ng naitalang pang-apat na pinakamalakas na bagyo sa buong mundo.

Enchong and Groups

Marami nga ang nagsasabing, ang pinakamalakas na bagyo sa mundo sa taong ito, humampas sa Pilipinas subalit nariyan pa rin ang ating bansa at ang Pinoy, NAKATAYO AT LUMALABAN!
Ika nga nila, hindi nito matitinag ang Pinoy. Kapit-bisig, mga Pinoy!

Sa ganitong pagkakataon, hindi lamang ang gobyerno kundi pati ang iba’t ibang sangay ng lipunan ay magkakasamang umaalalay sa mga kapuspalad nating kababayan na nangangailangan ng tulong.

Ang iba’t ibang kwento ng mga Pilipino ang inspirasyon ng ABS-CBN kaya naman ngayong Kapaskuhan ipaparamdam sa kanila ng network ang kanilang kahalagahan. Magbibigay saya at pasasalamat ngayong Pasko sa naiibang paraan ang ilan sa pinakamalaking ABS-CBN stars dahil personal nilang sosorpresahin ang piling mga Kapamilya sa iba’t ibang panig ng mundo na nakagpabigay ng inspirasyon sa kanila.

Aktwal na nakunan sa kamera ang mga nakakakurot-pusong mga tagpo na personal na pinag-isipan at pinaglaanan ng oras ng nasabing mga artista.

Kuwento ng Pasko ni Kim at Xian

May isang pamilya na matitikman ang tamis at sarap ng pagsasalo-salo sa Kapaskuhan sa unang pagkakataon, may mga magulang na mapapawi ang pangungulila sa pamilya, may mag-asawang pagtitibayin ang sinumpaang pagmamahalan, at may amang makakatanggap ng pinakamagandang regalo ngayong Pasko.

Hindi lamang ang kuwentong Pasko para OFWs ang ginagawa ng naturang network. Kung inyong magugunita, noong nakaraang taon ay gumawa rin sila ng tema na Liwanag ng Pasko na ang layunin ay upang makatulong sa mga taong nasalanta ng unos ng bagyo na sadyang bumagay din sa taong ito. Ayon sa kanila, ang layunin nito ay upang ipakita sa buong mundo kung paano nagsisilbing tanglaw o ilaw ang bawat Pilipino sa kanilang pagtulong sa kanilang mga kababayan na makaahon sa pagkakalugmok. Ang bansa ay talagang likas na mayaman sa mga taong busilak ang puso at laging handang magmalakasakit sa nangangailangan.

Kahit naman paiba-iba ang tema ng ABS CBN para sa Kapaskuhan, hindi pa rin nawawala ang saliutang ‘pagtulong’ sa kapwa. Sa ganitong panahon natin mas naipaparamdam sa kapwa ang ating busilak na layuning makatulong sa mga kapuspalad. Pagbibigay ng regalo at tulong na nagbibigay liwanag at pag-asa sa ating kapwa.

Kapag naririnig mo ang salitang Paskong Pinoy, ano nga ba ang pumapasok sa ating isipan? Siyempre yung mga pagkain na gawa sa atin tulad ng hamon, keso de bola, suman, biko, puto bumbong, bibingka at hindi mawawala ang mainit na salabat o tsokolate. Nariyan na ang iba’t ibang selebrasyong pampamilya, kabi-kabilang reunion, mga batang nagka-karoling at makukulay na ilaw na nagbibigay liwanag sa kapaligiran.

Para sa mga Pinoy na nakatira sa ibang bansa, nami-miss nila ang kani-kanilang pamilya lalo kung nakakarinig na sila ng mga awiting pamasko. Walang kahalintulad ang pagse-selebra natin ng Kapaskuhan kesa sa ibang bansa. Sabi nga nila, tayo ang may pinakamahabang selebrasyon ng Kapaskuhan. Pagtuntong pa lamang ng Setyembre ay maririnig mo na ang mga awiting pamasko. Sa mga malls ay ang iba’t ibang pang-regalo sa mga minamahal.

Sa taong ito, hindi man maging kasing sagana ang Kapaskuhan para sa ating mga kababayan sa Visayas at Mindanao ay hindi pa rin nito mapipigilan ang bawat pamilya na maging masaya sa paraang alam nila na magbibigay ng bagong pag-asa at muling tumayo para sa mas matatag na buhay sa panahon ng Pasko. Alay natin sa ating mga kababayan ang dalangin at dasal na maging mas mabilis ang kanilang pagbangon dahil hindi sila nag-iisa. Karamay nila ang mga Pilipino mula sa iba’t ibang panig ng mundo sa layuning ito.

Ang totoong kahulugan ng Pasko ay ang pagiging “generous” dahil tayo ay sobrang mahal ng Panginoon na ibinigay niya ang kanyang nagi-isang ANAK para sa atin, kaya maging maluho tayo hindi lamang sa pagbibigay ng regalo, dapat ay maging generous din tayo sa pagbibigay ng pagmamahal na taos sa ating puso. Magbigay tayo hanggang sa mapawi ang sakit na ating nararamdaman sa mga unos ng ating buhay.

Mabuhay kayo at Maligayang Pasko!