Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Showbizz

Magsisimula na ang “The Promise of Forever” nina Ritz Azul, Paolo Avelino at Ejay Falcon

Tila titigil ang oras ng mga manonood dahil matutunghayan na ang kuwento ng pag-ibig na panghabambuhay na isinumpa ng tadhana sa “The Promise of Forever,” na mapapanood na simula Lunes, September 11, Manila time sa TFC na may live airing ang premiere sa ilang areas at streaming simulcast sa Philippine airing nito via TFC online (www.TFC.tv) sa key countries worldwide.

Bibigyan ng bagong kahulugan ng “The Promise of Forever” ang walang hanggan dahil imbes na maging susi sa masayang pagmamahalan, ito ang magiging hadlang upang makamtan ng dalawang taong itinakda ang inaasam-asam nilang buhay at pag-ibig.

Kilalanin si Nicolas (Paulo Avelino), ang lalaking tinaguriang ‘immortal man.’ Hindi ito tumatanda at namamatay, kaya naman hangga’t wala pang lunas ang karamdaman, sinisiguro niyang hindi siya iibig sa sino man upang hindi masaktan nang paulit-ulit sa pagkamatay ng mga minamahal.

Sa pamumuhay niya sa mundo nang mag-isa, marami siyang makikilala at isa na nga rito si Sophia (Ritz Azul), ang batang iniligtas niya mula sa isang sunog. Lubos ang pasasalamat sa ikalawang buhay, gagamitin ni Sophia na inspirasyon ang lalaking nagligtas sa kanya upang magsikap at bigyan ng maayos na kinabukasan ang pamilya.

Matapos ang maraming taon, magku-krus muli ang landas ng dalawa sa cruise ship na pinagtatrabahuhan ni Sophia. Pipilitin ng dalagang kilalanin si Nicolas at aalamin kung siya nga ba ang lalaking nagligtas sa kanya, hanggang sa hindi inaasahang mahulog ang loob nila sa isa’t-isa. Ngunit magiging balakid pa rin ang sumpa ng ‘immortal man’ sa pagmamahalan ng dalawa na pipigil sa kanilang maabot ang buhay nilang inaasam.

Bukod naman sa imortal na buhay, magiging hadlang din sa pagmamahalan nila si Philip (Ejay Falcon), ang lalaking nagmamahal kay Sophia na gagawin ang lahat upang mapasakaniya ito. Sabay rin dito ang panganib na dala ni Marlon (Tonton Gutierrez), ang lalaking may misyong tapusin ang buhay ni Nicolas.

Mahanap pa kaya ni Nicolas ang lunas sa kanyang sumpa? Paano nga kaya maipaglalaban ni Sophia ang pagmamahal niya para kay Nicolas kung nakahadlang sa kanila si Philip?

Bukod sa mga maiinit nitong mga eksena, siguradong magiging kaabang-abang ang mga tagpo ng “The Promise of Forever” dahil dadalhin nito ang mga manonood sa mga magagandang tanawin ng Czech Republic, Belgium, Netherlands, at Poland. Kasasabikan din ang premyadong cast ng serye kasama sina Cherry Pie Picache, Amy Austria, Benjie Paras, Susan Africa, Ynna Asistio at Nico Antonio. Ito ay sa ilalim ng direksyon nina Darnel Villaflor at Hannah Espia.

Huwag palampasin ang kuwento ng pangako ng walang hanggang pag-ibig sa “The Promise of Forever,” na mapapanood din sa labas ng Pilipinas ngayong Lunes, September 11 (Manila time) via TFC. Mapapanood din ang premiere nito live via TFC sa ilang areas (maaring i-check ang inyong local listings para sa schedule) at via streaming simulcast sa Philippine airing nito sa September 11 (Manila time) sa TFC online (www.TFC.tv) sa key countries worldwide. Mapapanood din ang catch-up episodes nito via TFC IPTV at TFC online (www.TFC.com) sa key countries worldwide.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *