Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Showbizz

Sampung original compositions maglalaban para sa “Himig Handog 2018” title

Napili na ang sampung awitin mula sa mahigit 5,000 entries na nagmula sa mga Pinoy sa iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas pati na rin sa ibang bansa bilang “Himig Handog 2018” finalists, na maglalaban-laban para itanghal na Best Song sa pinakamalaking songwriting competition sa bansa.

Kasunod sa tema ngayong taon ng kompetisyon na Love Songs and Love Stories, kakantahin ang mga orihinal na komposisyon na ito ng ilan sa mga magagaling na local musical performers alinsunod na rin sa tradisyon ng Himig Handog.

Dalawang Pinoy mula sa labas ng PIlipinas ang nakapasok bilang finalist ng “Himig Handog 2018”. Kakantahin ng BoybandPH ang “Para Sa Tabi” na isinulat ni Robert William Pereña mula pa sa Dubai sa Middle East.

Nagbabalik naman si Jona para sa ikatlong taon niya bilang Himig Handog interpreter, ngayon para sa awiting “Tinatapos Ko Na,” isang komposisyon ni Sarah Jane Gandia ng USA.

Para naman sa mga nakapasok na local composers, ang “Your Face Sounds Familiar Kids” season 2 contestants na sina Krystal Brimner at Sheena Belarmino, kasama ang female idol group na MNL 48, ang aawit ng “Dalawang Pag-ibig Niya” mula sa isinulat ni Bernard Reforsado ng Albay.

Ang “Tawag Ng Tanghalan” singer naman na si Eumee ang kakanta ng “Hati Na Lang Tayo Sa Kanya” ni Joseph Santiago ng Quezon City.

Nagbabalik naman ang R&B royalty na si Kyla sa ika-apat na pagkakataon bilang Himig Handog interpreter at sasamahan siya ng rapper na si Kritiko para sa awiting “Kababata” ni John Michael Edixon ng Parañaque City.

Ang “Mas Mabuti Pa” mula sa komposisyon nina Mhonver Lopez at Joanna Concepcion ng Laguna ay bibigyang buhay ng “Tawag Ng Tanghalan” grand champion na si Janine Berdin.

Samantala, pangungunahan ni JM de Guzman ang awitin ng Davao pride na si Kyle Raphael Borbon na may titulong “Sa Mga Bituin Na Lang Ibubulong.”

Ang Star Pop artist na si Maris Racal ang magpe-perform ng “Sugarol” na isinulat naman ni Jan Sabili ng Muntinlupa City.

Ang OPM band na Agsunta ang magbibigay interpretasyon sa “Wakasan” ni Philip Arvin Jarilla ng Antipolo, habang si Sam Mangubat naman ang aawit ng “Wala Kang Alam” na binuo nina Martin John Arellano ng Manila at Mel Magno ng Pampanga.

Tatanggap ng Php1-million ang grand prize winner, habang Php 500,000 naman ang makukuha ng sumulat ng 2nd Best Song. Ang composer na tatanghaling 3rd place ay tatanggap ng Php 200,000; ang 4th placer naman ay makakuha ng Php 150,000; at ang 5th placer ay makakatanggap ng Php 100,000.

Magbibigay din ng special award ang The Filipino Channel (TFC), ang Global Choice for Favorite Song award, kung saan maaaring makapag-uwi ang composer ng USD 2,000.

Ang tatanghalin na nagwagi ng special award ay iyong komposisyon na makakakuha nang pinakamaraming boto mula sa mga overseas Filipinos mula October 25 to November 10 (11:59 P.M., Manila Time) voting period. Para makaboto, bisitahin ang onemusic.ph/himighandog. Bawat account ay maaari lamang makaboto ng isang beses sa isang araw.

Ang mga magwawagi sa “Himig Handog 2018” ay iaanunsyo sa November 11 sa “ASAP”, na napapanood sa labas ng bansa via TFC. Mayroon din streaming ang awarding sa karamihan ng mga bansa via TFC Online (www.tfc.tv/himighandog2018) sa November 11 at 11:45 A.M. (Manila Time).

Pakinggan ang mga kantang nakapasok sa “Himig Handog 2018” via TFC Online (www.TFC.tv) at TFC IPTV, hanapin lamang ang “Himig Handog 2018” tab sa loob ng “Variety” section.

Nasa ika-siyam na taon na ang Himig Handog na handog ng ABS-CBN at Star Music. Nagsimula ito noong 2000 hanggang 2003 at ibinalik muli pagkatapos ng isang dekada. Patuloy ito sa pagdidiskubre ng local talents at pagsuporta sa OPM sa pagkakalap nito ng mga bagong awiting tatak Pinoy.

Ang kantang “Titibo-Tibo” mula kay Libertine Amistoso at inawit ni Moira dela Torre ang itinanghal na Himig Handog 2017 Best Song na siya ring nakapukaw sa damdamin ng mga Pinoy. Habang ang kantang “Wow na Feelings” na interpreted by Janella Salvador at composed by Karo Zabala ang nagwagi ng 2017 Global Choice for Favorite Song.