Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Cover Focus

Ken Chan at Rita Daniela: “One of The Baes”

Umpisa kong narinig ang salitang ‘Bae’ noong panahong may patimpalak ang Eat Bulaga “That’s My Bae” Twerk it dance contest. At mga panahon ding yun ay nagu-umpisa nang makilala ang kalyeserye kung saan nakilala ang ALDUB. Si Alden Richards ang binigyan nila ng titulong “Pambansang Bae” dahil sa kakisigan ng binata at hanggang ngayon ay kinagigiliwan pa rin.

Pero ano nga ba ang ibig sabihin ng ‘bae’? May nagsasabing shortened ito ng salitang “Before Anyone Else”, o di kaya boyfriend o girlfriend term of endearment. Napapanahon rin ang salitang yan dahil ang ongoing series ng dalawang breakthrough loveteam na ito ay may pamagat na “One of The Baes” na pinapanood ng marami.

Marami na nga ang nakakakilala sa tambalang ito na nag-umpisa sa kanilang unang teleseryeng pinagtambalan, ang My Special Tatay. Isang sweet romance comedy series na kinakiligan ng mga manonood. Mahusay na nagampanan ni Ken ang title role na may mild intellectual disability. Ang series na humakot ng iba’t ibang awards para sa dalawa (Ken at Rita) at na-nominate pa para sa Best Daytime Series.

Malayo na ang narating ng nabuong loveteam nina Ken at Rita na tinatawag nila ngayong RitKen. Nang matapos ang teleserye ay marami sa mga tagahanga nila ang humiling na magkaroon ng kasunod ang kanilang tambalan dahil maganda ang registration nila sa TV at maganda rin ang lumabas na chemistry.

Hindi naman naghintay ng matagal ang kanilang mga tagahanga, dahil habang napapanood sila sa TV guestings at private gatherings kung saan sila naiimbitahan para mag-perform ay niluluto na ang show na pagsasamahang muli nina Ken at Rita.

At sa kasalukuyan ay humahataw sa ratings ang One of the Baes na nasimula noong later part of 2019 at hanggang ngayon ay kinababaliwang panoorin ng mga masugid na televiewers ng GMA 7. Bukod kina Ken at Rita ay sinahugan din ng mahuhusay na artistang suporta tulad ni Roderick Paulate, Amy Austria, Tonton Gutierrez, Melanie Marquez, at Jestoni Alarcon. Kasama rin sina Maureen Larrazabal, Edgar Allan Guzman, Rodjun Cruz, Joyce Ching, Archie Alemania, Buboy Villar, Kenneth Medrano, at James Teng.

Ken Chan

Isa si Ken sa mga naging co-host performer sa defunct show ni German Moreno “Walang Tulugan With The Master Showman.” Sa kanyang pagsusumikap ay nagbunga rin ang kanyang pangarap. Ang naging turning point ng kanyang career ay nang ibigay sa kaniya ang isang very challenging role bilang si Joey Vergara, Jr. at Destiny Rose Flores sa award-winning TV-series na Destiny Rose. Naging bukambibig si Ken ng mga tagahanga at tinitilian kapag nakikita sa show ni Kuya Germs. Sa Destiny Rose, unti-unting nakilala ng madla si Ken at kahit saan siya magpunta ay tumatak na sa mga tagahanga ang kanyang mapaghamong role.

Pagkatapos ng Destiny Rose ay sumabak ulit sa teleserye si Ken and this time ay sa Meant To Be kasama si Barbie Forteza, Jak Roberto, Ivan Dorschner, at Addy Raj na tinanggap din ng manonood. Pagkatapos ay nakita rin siya sa “The Cure.” Ang sumunod na project ni Ken ay ang My Special Tatay kung saan isang mapaghamong papel ulit ang kanyang ginampanan. Isang Autistic na nagkaroon ng anak. At sa pagkakataong ito, ang kanyang katambal ay si Rita Daniela.

Hindi kinwestiyon ng mga tagahanga ni Ken ang pakikipagtambal nito kay Rita. Isang experiment na nauwi sa magandang chemistry. Dito na nabuo ang tambalang RitKen dahil sapul na sapul nila ang kiliti ng mga fans. Parehong mahusay kumanta at mahusay mag-perform kaya nag-blend ang kanilang mga talented moves.

Rita Daniela

Kung pagmamasdan mo sa umpisa ay parang masungit o isnabera, pero kapag nakausap mo na at nakilala mo ay mawawala lahat ng agam agam mo tungkol sa kanya. May issue na lumabas na si Rita diumano ay nagpapa-prima donna sa set ng One of the Baes pero mariin itong pinabulaan ng dalaga. Hindi niya alam kung saan nanggaling ang isyu at syempre, alam nating lahat na kapag ang isang bunga ay hinog at matamis, binabato ito upang mahulog o bumagsak. Nagulat din si Rita sa kwento at pinabulaan niya na siya ay may attitude problem. Maging ang mga kasamahan niya sa set at production ay nagpatunay na si Rita ay napaka-sweet sa lahat.

Totoo nga ang kasabihang you can never please everybody. Sabi nga ni Rita, hindi naman siya affected sa issue dahil alam niyang hindi ito totoo.

Sa kasalukuyang estado ng tambalang Ken Chan at Rita Daniela, unti-unti nilang tinatahak ang landas ng success. Mas dumarami ang kanilang mga tagahanga, endorsements, tv shows at iba pa. Ang tambalang RitKen ay hindi mabubuwag hangga’t nandyan ang kani-kanilang tagahanga na sumusuporta sa kanila at ang GMA Network na nagbigay ng pagkakataon upang sila ay makilala bilang isa sa sought after loveteams sa kasalukuyan. Ito ang loveteam na bukod sa paggawa ng teleserye, may recording pa at may concert pa. Ano pa ba ang hahanapin natin? Kumpletos Recados ang RitKen.