Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Wholesome

The Japanese Fast Food ‘Donburi’

Ang Donburi ay tipikal na pang-araw-araw na pagkain ng Japanese. Ito ay tinatawag na “donburi-mono” na ibig sabihin ay “bowl” at ang kanin at ulam ay inihahain bilang meal sa isang bowl lamang. Ang donburi-mono ay popular sa mga tahanan at restaurants dahil ito ay inihahain sa isang bowl na kumpleto na at mas covenient at masarap pa, ika nga ng mga Hapon at turista. Maraming klase ang donburi tulad ng tendon (tempura over rice), gyudon (simmered beef over rice), at katsudon (breaded pork cutlet over rice) at marami pang iba na kumbinasyon ng kanin at ulam.

Ang donburi-mono ay madalas inihahain sa bowl na may takip at may dahilan kung bakit. Una ay upang mapanatili ang init ng pagkain at mapanatili ang aroma ng toppings at sauce nito na masipsip ng kanin para mas masarap at malasa. Pangalawa ay kapag ibinuhos na ang toppings sa kanin, hinahayaan nito na ang sauce ay masipsip hanggang ilalim ng bowl at masipsip ng kanin.

History of donburi-mono

Ang history ng donburi-mono ay bumabalik sa panahon ng Muromachi Period (1330-1570). Noong mga panahong iyon ay may isang ulam na tinawag na “houhan.” Isang bowl na may toppings na stewed vegetables na may kasamang dashi soup na ibinuhos sa ibabaw nito. Ang houhan ay orihinal na inihahain sa mga templo. Ang gulay at dried food ay tinadtad at nilagyan ng lasa at inilalagay sa ibabaw ng mainit na kanin. Ang mga toppings na inilalagay ay may limang iba’t ibang kulay na gulay: white, yellow, red, green at black upang mag-represent sa Chinese theory ng Yin-at-Yang at ng limang elemento. Ang ulam ay tinatakpan ng malinaw na broth o soup at saka kinakain.

Hanggang sa ang urban economy ay na-developed noong Edo Period (1603-1867) na ang mga donburi dishes ay mas lalong nakilala. Ang isang donburi dish ay pinagsamang culinary arts para sa paghahanda na parang sasakyan na kailangang maayos na preparasyon tulad ng tendon (tempura donburi) na hindi maihahain kung walang tempura.

Ang makabagong donburi ay kinokonsiderang nagmula sa unadon na naimbento noong Bunka Bunsei Era (1804-1829) ng Edo Period. Ito ay isang klase ng ulam kung saan ang inihaw na eel o unagi ay inihahain na nakabalot sa loob ng kanin upang mas madaling kainin sa loob ng teatro. At dito na nagsimula ang iba’t ibang kainan na naghain ng mura at iba’t ibang klase ng donburi kasama na rito ang chameshi-ya (specializing in rice cooked with tea), rice ball restaurants at marami pang iba. Ang food industry ay naging mayabong noong panahon ng Edo Era dahil ang populasyon ay higit sa isang milyong katao at ang bilang ng mga kalalakihan ay 1.5 higit sa bilang ng mga kababaihan. Noong una, ang isang serving ng donburi bowl ay hindi gaanong popular dahil ito ay kahalintulad sa mga malaking bowl na inihahain sa mga namatay subalit lumipas ang panahon ay humakot ng popularidad sa mga karaniwang tao na naghahanap ng isang klase ng pagkain na masarap at mas convenient dahil magkasama na ang kanin at ulam sa iisang bowl.

Ang donburi mono dishes ay lumabas at naging pamilyar noong panahon ng Meiji Period (1868-1912). Ang oyakodon at gyudon ay lumabas noong Meiji Period, ang tekkadon sa umpisa ng Taisho Period (1912-1926), ang katsudon, na sinasabing unang inihain o isinilbi sa katapusan ng Taisho Period. Ang iba’t ibang variations ng donburi mono ay mas lalong lumawak at na-develop dahil sa maraming mga lokal na restautants ang gumawa ng iba’t ibang klase ng donburi mono bowl na may iba’t ibang sangkap na madaling nagugustuhan ng mga customers.

Popularity

Bakit nga ba napakapopular ng donburi? Tatlong rason: Una, mabilis kainin. Kung kakain ka ng hamburger at hamburger steak at tinapay, alin ang mabilis kainin? Hindi lang yan, ang donburi ay inihahain nang mabilis sa mga restaurants ng Japan, ilang minuto lang pagkatapos mong orderin ay isisilbi na ang iyong in-order kase ang mga toppings ay luto na at ilalagay na lamang sa ibabaw ng lutong kanin. Marami sa mga Japanese restaurants ay naghihintay lamang ng 5-6 na minuto at makukuha na nila ang kanilang in-order. Pangalawang rason, mura lamang ito dahil simula’t sapul ito ay dinesign para sa mga Japanese workers. Pangatlong rason, masarap at malasa.