Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Cover Focus

Janine Gutierrez: The New Darling of Showbiz

Janine Gutierez

Love, they say, blooms in the most unexpected places.

Sa mundo ng showbiz, hindi lilipas ang isang taon na hindi makakadiskubre ang mga TV networks o mga talent managers ng mga bagong mukha at talento. Isa na rito si Janine Gutierrez. Kapag sinabi mong Gutierrez, ang unang papasok sa iyong isipan ay si Eddie Gutierrez, Ruffa Gutierrez at Richard and Raymond. Si Janine ay mula sa angkan na ito na kinikilala at tinitingala sa larangan ng pag-arte, hosting at modelling.

Ang mga magulang ni Janine ay isa kabilang sa pinakasikat na love team noong dekada 80. Ang kanyang ama ay si Ramon Christopher at ang kanyang ina naman ay si Lotlot de Leon na mula rin sa showbiz family. Si Ramon Christopher ay anak ni Pilita Corrales kay Eddie Gutierrez habang si Lotlot naman ay legally adopted nina Nora Aunor at Christopher de Leon. Nasa rurok ng tagumpay ang dalawa nang sila ay magdesisyon na magpakasal at dahil nga sa murang edad at walang karanasan sa pagkakaroon ng pamilya ay hindi naging perpekto ang pagsasama nina Lotlot at Monching. Naghiwalay man ng landas ang mag-asawa ay hindi naging hadlang ang kani-kanilang sitwasyon upang palakihin nang maayos ang kanilang mga anak. Sa tulong at gabay ng mga lolo at lola ay naging normal ang buhay ng mga anak nina Lotlot at Monching.

Lumaking magalang, mabait at disente si Janine. Nang pasukin niya ang showbiz ay maraming nagsabing bagay siyang maging modelo at maging kandidata sa beauty contest pero mas pinili niya ang sining na kung saan nakilala ang kanyang mga magulang – ang pag-arte.

Kinuha siya ng GMA 7 para maging contract artist at binigyan ng hosting job sa dating pang-lingguhang show na “Party Pilipinas.” Matapos ang kanyang hosting stint ay binigyan siya ng GMA Artists Center ng guestings sa mga shows nito at isa rito ang “Magpakailanman” kung saan ipinakita niya sa mga manonood na hindi lamang ang pagho-host ang kayang alam gawin kundi pati pag-arte na minana niya sa kanyang mga magulang.

Bukod sa mga shows ay busy rin siya sa pagiging cover girl ng iba’t ibang fashion magazines. Hindi naman kaila sa marami na siya ay bagay na modelo dahil sa angking taas at balingkinitang pangangatawan.

Sa mga TV shows na kanyang kinabibilangan ay lagi niyang kasama ang kanyang reel/real sweetheart na si Elmo Magalona, anak ng yumaong Francis Magalona at Pia Arroyo-Magalona. Sina Janine at Elmo ay nag-umpisa bilang love team sa isang Kapuso afternoon soap na “Villa Quintana,” hanggang sa na-develop sila sa isa’t isa at naging magkasintahan sa tunay na buhay noong huling quarter ng 2014.

Kung may pagkukumparahan ayon kay Janine ay sinabi niyang mas mabigat ang “Villa Quintana.”

“Kasi iba rin ito sa ‘Villa Quintana’ dahil nag-focus talaga sa family. Ang bigat ng pinanggagalingan nina Lynette (role ni Janine) at Isagani (role ni Elmo). Dito naman sa ‘More Than Words,’ ang ipinakita namin ay mas magaan na kwento at mas kikiligin ka,” ayon kay Janine.

Hindi man natupad ang pangarap ng kanilang mga tagahanga na makita silang magkasama sa teleserye ay natutuwa na rin ang mga tagahanga ni Janine na binigyan siya ng pagkakataon ng GMA 7 na magkaroon ng solo starrer sa primetime na “Dangwa Girl.” Na-shock si Janine nang ibalita sa kanya ng GMA 7 management na magkakaroon siya ng solo starrer at hindi si Elmo ang kanyang makakatambal.

“At first siyempre nagulat ako. Medyo may konting lungkot at takot. Pero I guess normal reaction lang ‘yan since nasanay ako na palagi kaming magkasama sa mga projects,” pag-amin ni Janine.

“Pero I’m really thankful, kasi even if we do things na hindi kami magkasama, talagang full support pa rin siya at ako rin sa kanya. So, nakakatuwa na it doesn’t end sa pagiging love team.”

Optimistic si Janine na ang pagkakaroon ng individual projects ay magpapatibay sa samahan nila ng kanyang boyfriend. “I guess, in a way, para nagpapa-miss!”

Sa “Dangwa Girl,” dalawa ang kanyang leading men. Sina Aljur Abrenica at Mark Herras at tuwang-tuwa siya dahil bukod sa pagiging supportive ng kanyang boyfriend na si Elmo ay sinusuportahan din siya ng kanyang mga kasamahan sa nasabing teleserye.

“Unbelievable for me saka nakaka-humble and at the same time nakaka-pressure at nakaka-inspire na galingan kasi feel nila na kaya kong gampanan nang mabuti ’yung role, so kailangan kong patunayan na kaya ko nga,” paglalahad niya.

Thankful si Janine sa GMA 7 sa pagbibigay sa kanya ng importansiya at ayon sa pamunuan ng Siyete ay marami pa silang mga proyekto na nakalaan para sa dalaga.

Maging ang inang si Lotlot at ang lola niya na si Nora Aunor ay masaya sa takbo ng career ng dalaga dahil unti-unti na nitong natutupad ang kanyang pangarap. Isa pa sa pangarap ni Janine na magkakaroon na ng katuparan ay makabili ng sarili condo unit. Hopefully, aniya ay makakalipat na siya dito anytime.

“May sahig na saka may pader. Kinuha ko kasi nang bare. Inayos ko yung design. Gusto ko na nga matapos e.”

Maging ang kanyang inang si Lotlot ay natutuwa dahil magkakaroon na siya ng experience na mamuhay ng mag-isa at tiwala naman ito na kanyang edad ay magiging responsable siya.

“She’s happy for me. Pangarap din niya para sa akin na makabili ako ng sarili kong lugar. Kasi sa bahay, kaming tatlong girls, one room kami ever since. Tapos ang dami pa naming aso sa bahay. Para na rin may isa pa kaming lugar na pwedeng mapuntahan, konting luwag,” nakangiting sabi ni Janine.

Ngayong Kapaskuhan ay maraming ipinagpapasalamat si Janie, unang-una na sa management ng GMA 7 dahil binigyan siya ng magandang break via “Dangwa Girl,” ang kanyang boyfriend na si Elmo sa pagiging mabait at supportive nito, sa mga tagahanga na walang sawang tumatangkilik at sa kanyang pamilya na laging sumusubaybay sa kanya. Inamin ni Janine na ito ang pinaka-memorable Christmas para sa kanya dahil natupad ang mga pangarap niya.