Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Cover Focus

Gabby Concepcion: Mr. Gwapo ng Philippine Showbiz

Pag binanggit mo ang pangalang Gabby Concepcion, babalik ang alaala mo noong panahon ng mga Regal babies kung saan nakasabayan niya sina Snooky Serna, Maricel Soriano, William Martinez, Albert Martinez, Dina Bonnevie. Unang napansin ang kanyang kaguwapuhan sa Close Up commercial and since then ay hindi na napigil ang pagbulusok ng pangalang Gabby Concepcion sa showbiz. Noong 80’s era ay masasabi nating exciting sa mga kabataan dahil kahit anong klaseng pelikula ng Regal na kapag sila ang kasama ay sadyang box office hit. Buhay na buhay ang showbiz noong mga panahon na yun. Mapa-pelikula, recording, tv guesting ay patok na patok ang mga loveteams na ito. Iba’t ibang genre ang kanilang ginawa. Mula sa musical, drama, comedy, fantasy at horror.

At sa paglipas ng panahon, hindi pa rin nalimutan ang mga pangalan nina Gabby, Maricel, Snooky, Albert, William at Dina. Nag-mature na sila at pati ang roles na kanilang ginampanan ay nag-mature na rin. Si Gabby na gumawa ng iba’t ibang matured roles na humakot ng iba’t ibang awards sa pagkilala sa kanyang acting sa iba’t ibang pelikula at pagbati mula sa iba’t ibang kritiko.

Hindi rin malilimutan ng mga tagahanga nang ikasal si Gabby kay Sharon Cuneta at ang kanilang kasalan ay isa sa itinuring na pinakamalaking event sa showbusiness. Binayayaan ng supling, si KC Concepcion na ngayon ay may sarili na ring pangalan na nakaukit hindi lang sa showbiz kundi sa business.

Nagkahiwalay man ng landas sina Gabby at Sharon, naging open book ang kanilang parang aso’t pusang “patutsadahan”, nanatiling open sila sa communication lalo pa kung tungkol sa kanilang anak. Sa kasalukuyan ay may kani-kaniya na silang pamilya at masaya na pero hindi mo pa rin mapipigilan ang mga tagahanga na kiligin kapag nababanggit na may mga nagpaplanong pagsamahin silang muli sa pelikula.

Open naman sina Gabby at Sharon sa movie reunion nila. Hindi isinasara ang posibilidad na sila’y magsama muli sa pelikula sa tamang panahon.

Ang kanilang anak na si KC Concepcion ang kanilang tulay upang patuloy ang kanilang mabuting samahan bilang magulang ni KC at bilang magkaibigan.
Sa kasalukuyan, masasabing pa-easy-easy na rin sa pagtanggap ng shows, dahil kumbaga, mula sa estado ng kanyang career noong dekada 80 hanggang sa kasalukuyan, masasabi nating isa na si Gabby sa may sarili nang pwesto sa showbiz. Hindi na niya kailangan pang ipakilala ang sarili niya sa showbiz dahil nakatatak na siya sa puso ng masa.
Mula sa teenager roles hanggang sa mas matured at daring roles ay nagampanan na ni Gabby.

Sa kasalukuyan, si Gabby ay isa sa treasured talent ng GMA Network at marami ang laging nag-aabang kapag may bagong teleserye si Gabby. Kamakailan ay ipinalabas ang pilot show ng “The First Yaya”, at nagbunyi taga GMA Network pati ang buong cast ng The First Yaya dahil sa mataas na ratings ng kanilang pilot show.

Labis labis ang pasasalamat ng cast ng The First Yaya. Matagumpay ang naging world premiere ng First Yaya na pinagtatambalan nina Sanya Lopez at Gabby Concepcion. Bukod sa high ratings ay nag-trending din ito sa Twitter. Napabilib naman ang netizens sa husay ni Sanya sa pagganap bilang si Yaya Melody. Ang First Yaya ay tinaguriang modern fairy tale series ng GMA Network.
Ginagampanan ni Gabby ang role ni President Glenn Acosta at si Sanya Lopez na gumaganap bilang si Yaya Melody.
Ipinagtapat din ni Gabby na naging at ease siya sa set ng First Yaya sa unang lockdown taping ng First Yaya dahil nakapag-form agad sila ng genuine camaraderie. Magkakasama ang lahat ng cast, kaya maganda itong First Yaya kasi maraming ‘firsts’ na nangyari dito. “Akala ko mahihirapan ako makipag-usap sa mga tao, but it turns out na lahat nag-blend at nag-jive. Maganda ang chemistry namin.”

At maging si Sanya Lopez ay nagsambit na natutuwa siya at parang pamilya ang turingan nila sa set. Naging impressive ang ipinakitang acting prowess ni Sanya Lopez dahil sa pagganap ng iba’t ibang klase ng roles sa GMA 7 at ibinahagi rin niya kung paano niya nakuha ang role na Yaya Melody. “Bago kasi sa akin ang rom-com, si Direk LA [Madridejos] ang nag-introduce sa akin kung paano siya atakihin at may movies na pinapanood siya para makatulong sa akin. Pero sinabi nga sa akin ni Direk LA, maging ikaw lang, kahit wala ka ng ibang gagayahin, ‘wag kang umarte at ikaw na si Yaya Melody.”

Nagkaroon ng training sessions at seminars ang buong cast at masasabi nilang naging fruitful ang kanilang ginawang seminar dahil naging smooth ang takbo ng taping ng First Yaya. Bukod kina Gabby at Sanya ay kasama rin nila sina Pancho Magno na gaganap bilang isa sa loyal member ng Presidential Security Team na mai-in love kay Yaya Melody.

Kasama rin ang batikang aktres na si Pilar Pilapil na gagampanan ang role bilang mayamang ina ni Gabby (Glenn) na hindi titigil hangga’t hindi niya nasisiguro na maging powerful ang kanyang anak sa buong bansa.

Bukod kina Pilar Pilapil at Pancho Magno, kasama rin sa powerhouse cast sina Cassy Legaspi, Gardo Versoza, Maxine Medina, Kakai Bautista, Cai Cortez, Thou Reyes at Joaquin Domagoso. Ang First Yaya ay idinerehe ni LA Madridejos.

Noong panahon ng lockdown, marami sa artista ang nawalan ng trabaho dahil tigil din ang tapings at live shows sa telebisyon. Kay Gabby Concepcion, siya ay nanatili sa kanilang beach resort sa Batangas. Lingid sa kaalaman ng marami, mas hilig ni Gabby ang nature living. Ika nga niya, mas tahimik at relax na kapaligiran ang mas gusto niya. Mapapansin din natin na karamihan sa mga artista ngayon ay lumilipat na sa mas malayo sa siyudad na medyo congested na rin sa dami ng tao. Kumbaga, over populated na at parang hindi ka na makahinga.
At ang lockdown ang sinamantala ni Gabby at pamilya niya na pumunta sa Batangas para malayo sa stress ng siyudad. Hindi naman nahirapan si Gabby dahil bukod sa malapit sila sa nature, puro healthy foods pa ang kanilang kinakaing mag-anak. Ang mga gulay at prutas na kanilang inaani sa kanilang mga tanim ay lubos lubos para hindi sila magutom. At sa leisure time naman ay nariyan ang beach na kanilang pinagtatampisawan at hindi rin naging problema kay Gabby ang ehersisyo dahil sa lawak ng kanilang lupain ay malayong lakarin ang ginagawa ni Gabby araw araw.
Nalulungkot man siya dahil marami sa kanyang mga kasamahan sa showbiz ang tinatamaan ng covid-19, nagpapasalamat na rin siya dahil naging maingat ang GMA Network sa pagpapatupad ng health protocols habang sila ay naka-lockdown taping.
Taos puso ang pasasalamat ni Gabby sa tumatangkilik ng kanilang tv series “First Yaya” at sana ay suportahan nila ito hanggang sa huli.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *