Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Miscellaneous

Early Flu Season

Malamig na naman ang panahon.  Taun-taon ay hindi maiiwasan na magkasakit ang mula bata hanggang matanda dahil sa malamig na klima na ating nararamdaman.  Given na rito yung pagkakaroon ng sipon o head cold na tinatawag at ang flu na laging pinapaalala ng ating mga doktor na magkaroon ng flu shot.  Hindi lamang sa klinika ng mga doktor ito ina-advertise. Maging sa mga pharmacy, bawat kumpanya para sa kani-kanilang mga empleyado, mga estudyante o ang information dissemination na galing sa gobyerno na magpa-flu shot. Sa taong ito ay napansin ng lahat na medyo mas maaga ang pagdapo ng flu virus hindi lang sa mga kabataan kundi maging sa mga matatanda kaya ipinayo ng health department na magpa-injection upang maiwasan ang flu o ang pagkalat ng naturang virus. Ayon sa Health, Labor and Welfare Ministry, sa taong ito ay nakitaan sa 12 prefecture ng Japan ng flu epidemic na sa kanilang paga-analisa ay medyo maaga.

September pa lang ay nakapag-tala na ng reported case ng influenza virus sa 490 paaralan sa Japan na kailangan nilang isuspinde ang ilang klase dahil sa outbreak.  Pinapayuhan ang mga tao na magpa-bakuna upang maiwasan pa ang pagkalat nito.

Ayon sa kinauukulan, ang normal na flu vaccination ay dumarating sa panahon ng Nobyembre pero sa taong ito ay mas maaga ng 2 buwan dahil na rin sa outbreak na nakita sa 12 prefectures ng Japan. Pero payo na rin ng mga doktor na mas mabuting makakuha agad ng flu vaccine habang maaga.

Ang malaking percentage ng reported na flu epidemic ay sa Okinawa prefecture na ayon sa ulat, sa pinakadulo ng Okinawa prefecture ay nakaranas agad ng sintomas ng flu virus late July ng taong ito na lubhang napakaaga sa history ng flu epidemic.

Diumano, hinihinalang ang kasalukuyang Rugby World Cup ang sanhi ng nararanasang early flu epidemic. Ang pagdagsa ng bisita mula sa bansang Australia, New Zealand at Saoa kung saan spring sa mga lugar na ito ang posibilidad na nagdala sa bansa ng virus. Ipinayo na bukod sa bakuna, ang pagmumumog ng antibacterial mouthwash, paghuhugas ng kamay at ang pagtatakip ng bibig kapag umuubo ay makakatulong upang maiwasan ang paglagananap ng virus.

Ayon sa dalubahasang si Nobuhiko Okabe, director general of the Kawasaki City Institute for Public Health, kapag napansin na ikaw ay magkakasakit o may sintomas ng flu, hintayin hanggang ma-develop kung ano ang sintomas at saka pumunta sa doktor.  Kadalasan ang obserbasyon ay mula 2 hanggang 3 araw at kapag ang sintomas ay nagpatuloy ay saka magpunta sa doktor o malapit na klinika.

Nananawagan si Norio Sugaya, isang doktor at dalubhasa sa influenza mula sa Keiyu Hospital sa Yokohama, na maging vigilant at mapagmasid sa paligid. Ang average na flu patients na nasa 1.0 puntos na ay makakaapekto sa mahigit na 10 million population sa Tokyo dahil sa mabilis na paglaganap nito. 

Aniya, kadalasan, ang flu season ay nagsimula late November at early December, noong nakaraang taon ay nagsimula ito noong Disyembre. At ang maagang paglaganap ng flu ay nakakabahala dahil mas lalawak pa ang maaakpektuhang rehiyon ng bansa kung hindi ito maagapan.

Kung kayo ay hindi pa nagpapa-flu shot, mangyaring magpunta sa inyong primary care doctor o sa mga klinika na nagbibigay ng flu shot. Sa tulong din ng gobyerno ay maraming mga ahensiya ang nagtutulung-tulong upang makapagbigay ng flu shot sa mga mamamayan.Be safe this season.  Makakatulong ang pag-inom ng maraming fluids kung kayo ay may flu at manatili na lamang sa loob ng tahanan at magpagaling.