Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Cover Focus

Dingdong at Marian: Ang Bagong Paglalakbay

Dindong and Marian

Nasaksihan ng marami ang pag-iibigan nina Dingdong Dantes at Marian Rivera. Hindi nila ito itinago sa kani-kanilang mga tagahanga. Naging open sila sa showbiz industry at sila ang nagpatotoo na mayroong FOREVER.

Nagsimula bilang love team, ang magandang chemistry ang nagdala sa kanila upang maging isa sa hottest loveteams ng Pilipinas at maging Primetime King and Queen ng GMA Network. Subalit sa likod ng mga naglalakihang ilaw ng limelight ay may totoong pag-ibig na namamagitan kina Dingdong at Marian.

Taong 2007 ang kauna-unahang pagkikita nina Marian at Dingdong. Nagkaroon ng audition ang GMA Network para sa remake ng Mexican series na “Marimar” at nakuha si Marian upang gumanap na Marimar. Si Dingdong, ang napiling gumanap bilang leading man sa role ni Sergio.

Tinanggap ng mga manonood ang love team ng dalawa, ang “Marimar” ay naging highest-rated primetime show ng Philippine television, at tinanggap ang tambalang Dingdong at Marian bilang GMA’s Primetime King and Queen.

Ang tagumpay ng tambalan nina Marian at Dingdong ay nagpatuloy sa pamamagitan ng maraming soap opera tulad ng “Dyesebel” taong 2008, “Ang Babaeng Hinugot sa Aking Tadyang” noong 2009, “Endless Love” noong 2010 at “My Beloved” noong 2012.

Taong 2008 ay nagkaroon sila ng pelikula na tumabong husto sa takilya, ang “One True Love” na sinundan ng “You To Me Are Everything” noong 2010.

Kahit na may chemistry ay inamin naman ni Marian nakita niya kay Dingdong na ito ay suplado o snobbish at malayo na dahilan upang hindi sila magkasundo.

Marian and Dingdong

“Tahimik siyang tao. At saka nung una ko siyang nakita nung audition ng Marimar, sobrang haba ng bigote niya. Hindi kita yung lips niya so mata lang nakikita mo. Naka-bubblegum pa. Kaya feeling ko parang suplado.”

Subalit kabaligtaran naman ang naramdaman ni Dingdong noong unang niyang mahawakan si Marian. Kakaiba na hindi na maipaliwanag at dito nagsimula ang espesyal na nararamdaman nila sa isa’t isa. Pilit man nilang itanggi ay hindi na maitago sa mga tagahanga dahil nakikita ng mga ito ang kakaibang kislap ng kanilang mga mata kapag sila ay magkasama.

Taong 2009 nang magpaliwanag si Dingdong sa isang interview, “We’re happy together. Open kaming nakakalabas na dalawa, nagdi-dinner, nakakapanood ng sine… Sinusuportahan ko siya sa pagte-training niya ng Darna. Kung may time siya, sumasama siya sa workout ko sa gym at itinuturo ko kung ano ang makakatutulong sa kanya.”

Hindi nagtagal ay lumantad na sila sa kanilang espesyal na relasyon. Nagsimula nang makita nina Dong at Yan ang maganda at hindi maganda sa bawat isa.

“Aminin man namin o hindi, kung anong kahinaan ko, meron siya. At kung ano ang kulang sa akin, napupunan niya. Swak kami. Kaya balance kami. Hindi kami parehas,” pagtatapat ni Marian.

Tatlong taon ang itinagal bago nag-propose si DIngdong na sinisigurado na niyang si Marian na ang babaeng nais niya makasama sa habambuhay. Taong 2012 nang mag-propose si Dingdong kay Marian at itinakda ang kanilang kasal at ito ang naging wedding of the year noong December 30, 2014.

Marami ang nagsasabing ang tunay na pag-ibig ang nakapagpabago sa kanila. Ang fun-loving na si Marian nagbigay-buhay sa tahimik at masyadong reserved na si Dingdong. Ika nga ni Yan, “Huwag masyadong seryosohin ang lahat ng bagay. Sense of humor sa mga bagay.” Pinagsumikapan nilang dalawa na alamin ang lahat-lahat sa bawat isa mula sa kanilang mga pamilya hanggang sa mga malalapit na kaibigan.

Disyembre 30, 2014, ang pinakamahalagang araw sa kanilang buhay nang sila ay tanghalin bilang Mr. and Mrs. Dingdong Dantes. Ito na ang umpisa ng kanilang bagong mundong tatahakin, mas makatotohanan at mas challenging. Makalipas ang isang taon, in-announce nila na si Marian ay nagdadalang-tao na lalong ikina-excite ng mga tagahanga.

November 23, 2015, isinilang ang kanilang unang supling na pinangalanang Maria Letizia na nung ipakita ang unang larawan ay marami ang natuwa sa mala-anghel na mukha ng munting supling nina Dingdong at Marian.

Mula sa pagiging magka-love team hanggang sa pagiging magnobyo at hanggang sa pagiging mag-asawa, ngayon ay haharapin naman nila ng bagong kabanata ng kanilang buhay. Ang pagkakaroon ng pamilya. Isang pamilyang bubuuin nila na puno ng pagmamahal at respeto.