Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Wholesome

Kailan Dapat Itapon ang Lumang Make-up

Karamihan sa mga kababaihan ay walang ideya kung hanggang kailan nila dapat itago ang kani- kanilang make up sa loob ng kanilang kit o tokador o shelf. Hindi rin nila alam ang peligro nito sa kanilang kalusugan. Karamihan sa mga nabibili nating mga produktong pampaganda ay kadalasang walang “babala” kung kailan o hanggang kailan ito dapat gamitin. Expiration date kumbaga. Ang katotohanan ay hindi naman nagtatagal ang mga make up na ating ginagamit. Narito ang ilan sa mga tips upang matutunan kung kailan dapat itapon ang mga luma nang make up

  • Eye Makeup (nagtatagal ng 3 buwan)

Ang make up sa mata (eye makeup) ay may maikling shelf-life kesa sa karamihan ng mga produktong pampaganda. Ayon sa mga dermatologist, ito ay nagtatagal lamang ng tatlong buwan. Kasama sa mga eye make up ay ang mascara, eyeliner at eye shadow. Ang tube ng mascara at ilang make up sa mata at nagkukulong ng mikrobyo at maaaring magbigay ng impeksiyon sa inyong mga mata. Kaya huwag nang hintayin pa na matuyo ang tube ng mascara. Ideyal na itapon ito makalipas ang tatlong buwan, kahit pa nangangalahati pa lamang sa paggamit. Kadalasan naman ay hindi malaking usapin ang pagpapalit ng mascara ng mga kababaihan ng madalas dahil araw-araw (lalo na yung mga pumapasok sa opisina) nila itong ginagamit at hindi nagtatagal sa kanila.

  • Foundation at Concealer (nagtatagal ng 1 taon)

Ang pagtatago ng inyong foundation sa loob ng mahigit isang taon (1 year) ay hindi mainam dahil magdudulot lamang ng pagkasira ng inyong balat kung kaya laging sinasabi ng mga eksperto sa pagpapaganda na kung ang inyong foundation ay may natitira pang kahit kalahati sa lalagyan pero lipas na sa 1 taon ay huwag nang gamitin at itapon na lamang. May mga ilang brand ng make up na hindi nagtatagal, kadalasan ay ang water-based na foundation, magiging maayos ito kung ise-shake ang bote paminsan-minsan at gumamit ng brush o sponge na pampahid sa mukha. Kapag ang produkto ay makitang nagu-umpisang mag-crack o mamumuo at parang natutuyo na bago pa man mag-isang taon, maaari na rin itong itapon. Ito ay dala na rin marahil ng pagpasok ng hangin sa loob ng bote o tube. May mga kababaihan na ayaw pang pakawalan ang kanilang mga foundation dahil mahal daw yun at sikat na brand, ang payo namin ay huwag manghinayang dahil mas malaki ang inyong gagastusin kung kayo ay magpapatingin sa dermatologist dahil sa rushes na nakuha sa paggamit ng nalumang foundation.

  • Powder Products (nagtatagal ng 2 taon)

Ang mga pulbos ay mas nagtatagal kesa sa karamihan ng ilang produktong pampaganda dahil tumatagal ito ng 2 taon. Kapag ang inyong bronzer o blush on ay nag-umpisang mangitim o nagtutuklap-tuklap, panahon na upang ito ay itapon. May mga bacteria o mikrobyo na maaaring mamuo sa mga pressed powders kaya siguruhing bago gamitin ay punasan muna ang ibabaw ng malinis na tissue para matanggal ang kung anumang pamumuo ng mikrobyo. Ugaliing bago gamitin ang pressed powder ay punasan muna ang ibabaw upang matanggal ang kung anumang mikrobyo rito.

  • Lip Color (6 na buwan)

Ang buhay ng lipstick o lip gloss ay 6 na buwan. Ang produktong ito ay hindi naman talaga nage-expire pero binibigyan ng 6 na buwan ang buhay upang maiwasan ang pagu-umpisa ng kagaw at bakterya. Madalas ay nalilimutan ng mga kababaihan kung kailan nila nabili ang kanilang tube lipstick na hindi nila madalas gamitin. Ang mabuting gawin ay amuyin ang tube at kung ito ay amoy krayola ay dapat na itong itapon. Ang mga lip gloss na nasa tube ay mas matagal kesa 6 na buwan ang buhay dahil mas kakaunting mikrobyo ang pumapasok kaya ang pagpili ng ganitong klase ng lipstick ay makakatulong upang ikaw ay makatipid.

  • Cleansers at Moisturizers ( 6 na buwan)

Kapag nag-umpisa ka nang magtapon ng mga lipstick na luma ay umpisahan mo na ring itapon ang mga moisturizers at cleanser na hindi mo na man ginagamit. Ang peligro ng pagtatago nito ng matagal na panahon ay nakapulupot sa katotohanang ang mga produktong ito ay nagtataglay ng fatty acid na maaaring masira pagdating ng 6 na buwan at magdudulot ng allergic reaction o mas malaking problema sa inyong balat kung ito’y inyong patuloy na gagamitin.

  • Pagtatago ng Make Up

Para sa mas makinis na pagpahid at upang magtagal ang inyong nabiling produktong pampaganda, importanteng ilagay ito sa lugar na hindi mainit. Hindi baleng ilagay ninyo ang mga ito sa make up case o naka-zipper na bag basta ang mga ito ay hindi nakukulob ng init. Kapag nainitian ang mga mga ito, may tendensiyang ang sangkap nito ay maghiwalay at ang iba naman ay maluma agad na pwedeng magdulot ng allergic reaction o hindi magandang amoy dahil sa pagkakulob.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *