Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Showbizz

Angelica Panganiban at Zanjoe Marudo magsisilbing pag-asa ng naulilang bata sa ABS-CBN series na “PlayHouse”

Isang kuwento tungkol sa mag-asawang nasa bingit na ng paghihiwalay at isang batang naulila ang aantig sa puso ng marami sa pagsisimula ng ABS-CBN series na “PlayHouse”, na mappanood sa labas ng Pilipinas via The Filipino Channel (TFC), na mayroong streaming ang pilot episode sa karamihan ng mga bansa sa mundo via TFC Online (www.TFC.tv) nakaraang, September 17.

Iikot ang “PlayHouse” sa temang “love is a choice”, kung saan ang isang tao ay mayroong karapatan na pumili ng taong kaniyang iibigin, na posible rin na kalaunan ay magbago.

Ganito ang kuwento ng mga karakter nina Angelica Panganiban at Zanjoe Marudo na sina Patty at Marlon, ang magkasintahan na dala ng lubos na pagmamahalan ay nagdesisyon na magpakasal. Pero dala ng mga realidad ng buhay-may-asawa, agad ding naputol ang inaakala nilang walang hanggang pagmamahalan.

Sa muli nilang pagkikita, ipipilit ni Patty na mag-file ng annulment para pormal nang makipaghiwalay kay Marlon. Ngunit sa pagkakataong akala nila ay tapos na ang lahat sa pagitan nilang dalawa, isang trahedya ang babago sa kanilang buhay.

Maaaksidente ang kaibigan nilang sina Emily at Brad at maiiwang ulila ang anak nilang si Robin (Justin James Quilantang). Dahil dito, tatayong legal guardian ng bata sina Patty at Marlon at mapipilitan silang magsama sa iisang bahay upang masigurong maayos ang kalagayan ni Robin. Hindi naman sasayangin ni Marlon ang pagkakataong ito at ipaglalaban pa rin ang pagmamahal sa asawa upang mapigilan ang annulment na ipinipilit ni Patty.

Si Robin na nga ba ang susi sa muling pagbabalikan nina Patty at Marlon at mabuo ang pamilyang minsan nilang inasam?

Bukod naman sa sayang hatid ng pagsasama nina Panganiban at Marudo, magdadala rin ng matinding kilig ang bagong tambalan nina Kisses Delavin at Donny Pangilinan. Sila ay gaganap na sina Shiela at Zeke, ang magkaaway na kalaunan ay mahuhulog ang loob sa isa’t isa.

Kasama rin sa “PlayHouse” sina Kean Cipriano, AC Bonifacio, Ariella Arida, Dexter Doria, Nadia Montenegro, Ingrid Dela Paz, Jomari Angeles, Malou De Guzman, Smokey Manaloto, at Maxene Magalona.